Chapter Three

1.3K 42 2
                                    


YOU HAVE a nice place here," komento ni Karen.

Mula sa pagkapanungaw sa bintanang narerehasan ng mga bakal ay iginala ang paningin sa buong subdivision na may iilan pa lang nakatayong bahay. Ito mismo ang nagboluntaryong ihatid ang kaibigan sa San Matias at nag-convoy sa isang minitruck para sa iilang gamit sa bahay na kailangan ni Mackenzie.

Ibinalik ni Karen ang paningin sa loob ng silid. "Tahimik at disente ang subdivision na ito. At katamtaman lamang ang laki ng bungalow."

"Yes, at higit sa lahat ay may telepono na," sang-ayon ni Mackenzie habang isa-isang inilalabas ang mga damit sa maleta at isinalansan sa built-in cabinet. "Kaya nga pinili ko ito kahit na may kamahalan nang konti."

"Pero ang akala ko ba'y malapit sa town proper ang piniling apartment ni Perry sa iyo?"

"Ayoko ng bahay na pinili niya." Nagbuntong-hininga siya nang maalala ang hitsura ng apartment sa bayan. Nasa ibaba ng bahay ng may-ari at bagaman may pintura ay maliit at walang ventilation. "Malapit sa palengke at napakaraming bata sa kalye. Studio-type at mura nga lang. At ang sabi ni Perry ay sandali lang naman daw akong titigil doon dahil pakakasal na kami sa katapusan ng susunod na buwan."

"Oh, well, may katwiran." Nagkibit ng mga balikat si Karen. "Pero kung hindi ka naman komportable, bakit kailangang magtiis ka roon ng isang buwang mahigit?"

"That's what I thought," she sighed. "Mahal ito nang dalawang libo sa napili ni Perry pero hindi naman kayang bayaran ang peace of mind mo."

Hindi na kailangang sabihin sa kaibigang pinagtalunan pa nilang magnobyo ang paghahanap niya ng ibang malilipatan. Kaya naman sa halip na makalipat kaagad ay isang linggo pa ang lumipas bago niya nakita ang bahay na ito.

Sa highway ay hindi sinasadyang nahagip ng tingin niya ang maliit na karatulang nakapako sa puno.

"Iyon nga lang, medyo hindi mo pa kilala ang mga kapitbahay mo at nag-iisa ka lang."

"Sanay naman akong nag-iisa, Karen." Nginitian niya ang kaibigan. "Mahigit na anim na buwan na akong nag-iisa mula nang mamatay si Tiya Caridad, 'di ba?"

"Kunsabagay." Humakbang na ito patungo sa pinto palabas. "Hindi na ako magtatagal. Phone me every now and then."

"I will." Inihatid niya ang kaibigan hanggang sa labas ng gate. At hindi siya umalis doon hangga't hindi nawala sa tingin niya ang kotse ni Karen.


KINABUKASAN ay nasa bagong NE Mall siya at namimili sa grocery ng mga kailangan sa bahay. Patapos na siya at patungo na sa counter nang may matanawang dalagitang namimili ng shampoo.

She was in school uniform. And she looked so familiar.

Itinulak niya palapit dito ang cart. "E-excuse me," aniya na sinabayan ng tikhim. Nag-angat ng mukha ang dalagita. "H-hindi ba ikaw si Marianne? James' sister?"

Nagsalubong ang mga kilay ng dalagita. "Ako nga. Kaibigan mo ba si Kuya?"

Alanganin siyang ngumiti. "Mas akmang sabihing kakilala. A friend of his friend. Kami iyong nag-ayos ng mga bulalak sa kasal niya." She saw her wince. Subalit huli na upang ibahin ang paraan kung paano sila nagkakilala ni James.

"Naroon ka ba nang araw na 'yon?" tanong ni Marianne. Naningkit ang mga mata.

"Kami ni Karen. I am sorry, Marianne. I didn't mean to remind you of what happened. I was just surprised to see you here, that's all. Ako nga pala si Mackenzie."

All-Time Favorite: Mackenzie & JamesWhere stories live. Discover now