19 --- Angels & Demons

Start from the beginning
                                    

Kung kanina ay labis na takot ang nadama ko dahil sa aso, ngayo'y takot naman sa taong nasa harapan ko ang nararamdaman ko.

"Pinigilan na kita, Leah. Pinigilan na kitang malapitan ni Pandora at masabi ang lahat ng iyon. Sinubukan kong panatilihin kang ignorante sa lahat ng bagay pero hindi ka sumunod. Ngayon, anong pakiramdam na malaman ang lahat ng iyon?" Nakangisi niyang sinabi. Ibang-iba sa palagi kong nakikita sa kanya. "Ginagamit ka lang ng lahat. Gusto ng lahat yang kakayahan mo. Hindi mo kami masisisi."

Muli siyang ngumisi. Tinapik niya ang malaking aso at sa ilang segundo lang ay nakita kong susugod na ito sa akin.

Napapikit ako at noong muli kong pagdilat ko ay nakahiga ako sa kama. Hingal na hingal. Luha lang ang nararamdaman ko sa mukha ko.

Tumayo ako at agad na nag-impake. Kailangan kong makaalis sa bahay na ito. Kinuha ko ang cellphone sa ilalim ng unan ko at tinawagan ko si Ares. Agad naman niyang sinagot ang tawag at tinanong kung ano ang problema.

"Ares ... tulungan mo ako. Kailangan ko nang makaalis dito. Kailangan ko nang—"

"Teka, kalma Leah, ano bang nangyari?"

Narinig ko ang pagstart niya ng makina ng motor niya.

"Nanaginip ako. Napakasamang panaginip. Kailangan kong umalis dito." Sa pagkakataon na iyon ay mistulang bulong ang pagkakasabi ko.

"Panaginip? Anong panaginip? Sino ang nasa panaginip?"

Muli kong naalala ang mukha niya. Ang ngisi niya. Ang pagtapik niya sa malaking aso. Ibang-iba siya roon. Ibang-iba sa pagkakakilala ko sa kanya.

"Si Karen. Napanaginipan ko si Karen." Unti-unting nababasag ang boses ko. "Masama siya. Masama sila ni Keanu." Nanlambot ang mga tuhod ko at napayuko ako habang nakaupo sa lapag.

"Lumabas ka dyan. Hintayin mo ako sa park." Huling sinabi ni Ares at ibinaba na niya ang tawag.

Dahan-dahan ang paghakbang ko pababa ng hagdanan. Ingat na ingat akong hindi makagawa ng ingay. Hindi ko na dinala ang mga inimpake kong damit, tanging cellphone lamang ang dala ko.

Malapit na sana ako sa pintuan ngunit bigla akong nakarinig ng boses.

"San ka pupunta, Leah?"

Lumingon ako kay Karen na nasa likuran ko lang. Bigla akong nakaramdam ng matinding kaba, takot at pangamba. Muli kong naalala ang panaginip ko.

Hindi niya dapat akong mapigilan.

"Pupuntahan ko lang sila Ares," wika ko.

"Ng alas-kwarto ng umaga?" Naguguluhan niyang tanong sa akin.

"Oo. Sige, aalis na ako." Ipinuwesto ko ang kamay ko sa doorknob ngunit bago ko pa man pihitin ito ay narinig ko ang sinabi ni Karen.

"Babalik ka rin sa amin, Leah. Sigurado akong babalik ka."

Tuluyan kong binuksan ang pintuan at isinarado ito.

Paulit-ulit sa isipan ko ang sinabi ni Karen ngunit hindi na ako nagsayang ng panahon at agad akong tumakbo papunta kay Ares na nasa may waiting shed ng park.

________ _ _ __


Madaming tanong ang binato sa akin nina Damasen at Ares ngunit kahit isa roon ay wala akong nasagot nang matino. Ilang sandali ang nakaraan at naikwento ko na sa kanila ang buo kong panaginip.

"Alam mo, maaring kinontol niya ang panaginip mo." Wika ni Damasen habang naka-de'kwatro habang nakaupo sa harapan ko. "Pero sigurado akong hindi sa dilim sila Karen. Sigurado akong sa liwanag silang dalawan ni Keanu." Wika muli ni Damasen.

"Pero paano na kaya nilang gawin ang kakayahan ng mga nasa dilim?" Tanong ko sa kanya.

"Wag nyo munang problemahin yan. Ito muna ang problemahin natin." Iniharap sa amin ni Ares ang hawak niyang delata at can opener. "Paano ba gamitin to, Leah? Tatlong buwan na sa amin to, hindi naman alam kung paano." Namomroblema na tanong ni Ares.

Napa-buntong hininga ako at binuksan ang delata. Ibigay ko iyon kay Ares na mukhang natuwa sa ginawa ko.

"Ano nang gagawin mo, Leah?" Seryoso muling tanong ni Damasen.

Nag-kibit balikat ako.

"Nagda-dalawang isip ako kung tutulungan ko pa ba si Lucas. Sobrang hirap. Gusto ko pero may pumipigil sa loob ko. Gusto kong mabalik siya sa dati pero alam kong kahit anong gawin ko, ako pa rin ang lugi sa huli." Tuloy-tuloy na wika ko.

Tumango lamang si Damasen ngunit ang sunod niyang sinabi ang nagpakirot sa puso ko.

"Kaya hahayaan mo na lang na lamunin siya ng hybrid at dalhin iyon ng konsensiya mo hanggang kamatayan?" Nakatingin siya sa mga mata ko na para bang mayroong pinapahiwatig sa akin. "Leah, sigurado akong hindi si Lucas ang pumatay sa magulang mo. Alam mong ang hybrid iyon. Siya ang kumontrol kay Lucas habang nilalamon siya ng galit noong mga panahon na iyon. At alam mong inako na lang ni Lucas ang lahat, na pinapalayo ka niya at sinisisi rin niya ang sarili niya. Nagdurusa rin siya. Araw-araw niyang pinaparusahan ang sarili niya."

Naramdaman ko ang tuloy-tuloy kong pagluha dahil sa mga narinig ko.

"Oo, sinasabi kong tulungan mo siya. Kaya nga kami nandito ni Ares, para tulungan ka sa pagkuha ng sampung libro. Kaya kami nandito para tulungan kayo." Wika niya muli.

"Hindi mo kasi ako naiintindihan ... hindi mo alam ang pakiramdam na nawalan ng magulang." Mahina kong sinabi.

"Hindi ko kailangang maramdaman, Leah." Blangko ang ekspresyon ng mukha niya noong sinabi niya iyon. "Ang sa akin lang, tulungan mo si Lucas. O kung hindi, sasabihin ko na lang kay Pandora na kuhanin ang hybrid sa katawan niya at alam mo ang magiging kapalit 'nun, ang buhay niya."

Napahawak ako nang mahigpit sa upuan nang narinig ko iyon.

"Huwag kang magpalamon sa galit. Alam ko ang gusto mong gawin. Alam kong gusto mo talaga siyang tulungan." Hinawakan niya ang balikat ko. "Gawin mo ang tama, Leah."

At sa pagkakasabi niya 'nun ay para bang naramdaman ko ang isang mabigat na kamay sa ibabaw ng kamay ko at ang isa pang kamay sa pisngi ko.

Bigla kong narinig ang boses ni Lucas.

Napapikit ako at muling tumulo ang luha sa mga mata ko.

"Leah, kailangan kita."

________ _ _ __


Let Me Tell You About Lucas | completedWhere stories live. Discover now