Kubeta Sa Loob Ng Bus

5 0 0
                                    

04/26/2019


Naabutan na ng gabi sa byahe
Lumipat na ng upuan ang katabing lalaki
Kanina pa hindi nakakagatan ang burger
Na binili namin ni ate sa kainan na sikat
Sa mga kabataan

Nasagot ko na ang tanong ng aleng tumabi
Magkano raw ba ang pamasahe
Mahal ang bayarin dahil may kubeta sa loob ng bus
Kahit anong oras gagamitin o dala mong tubig ang mauubos

Aliw na aliw kong pinagmamasdan ang mga ilaw sa daan
Mga taong gabi na rin umuuwi
O taong gising lang tuwing gabi
Mabuti at hindi naisuka ang kinaing manok noong tanghali

Nagbabakasakaling ibalik ang sandali
Sana nahalikan ko pa ang pamangkin kong lalaki
Sana nagantihan ko ang pagsabi nya ng "labyu tita" sa telepono
Nagiging malambing lang si mama kapag ako'y lalayo na

Kailan ko kaya masasabing mahal din kita, ma?
Sa kadahilanang hindi nasanay
Mag-iisip na lang ng ibang bagay
Dahil kanina ko pa gustong umihi

Baka sakaling walang tubig sa kubeta
Nakakahiya iyon diba?
Mag-isa pa naman, salamat nga't hindi nasuka
Sa repleksyon ng telebisyon doon sa salamin ako nakatulala

Ayaw kong lumingon sa bagong katabi
Ayaw kong maakit sa kinakain nyang dalandan
Langhap na langhap ng ilong
Teka malapit na akong bumaba

Sa tabi ng kalsadang madilim na pero may tao pa
Traysikel, habal-habal at kotse
Malapit nang sumabog ang pantog ko
Pero hindi pa rin nagamit ang kubeta sa loob ng bus

Mga Tula Ni JuanaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon