Chapter 19 Edited Version

Start from the beginning
                                    

Dahil nakapikit siya ay hindi niya napansin na napapalayo na pala sila ni Adonis. Ang masaklap pa nga ay biglang kumulog dahilan upang matakot ang kabayo at biglang naging maligalig.

Pinilit niyang pakalmahin ang alaga  niya ngunit naging sunod-sunod din ang pagkulog na maging siya ay natatakot na.

Tagumpay naman siyang nakababa kay Adonis at hinaplos-haplos ang katawan nito upang pakalmahin. Nang sa tingin niya ay kalmado na ito ay muli siyang sumakay rito. Ngunit dahil nga sa kulog at nagbabadyang ulan ay naging maligalig lang ulit si Adonis, hindi na niya ito makontrol. Tumakbo ito nang mabilis, pinilit niyang kumapit nang mabuti ngunit nahulog pa rin siya at nagpagulong-gulong sa madamong lupa.

Nawalan siya ng malay, nagising na lamang siya dahil sa mga ingay. Pagmulat niya ng mga mata ay sumalubong sa kaniya ang nag-aalala at luhaang mukha ng kaniyang ina.

Akmang tatayo sana siya ngunit sumigid ang kirot sa ibaʼt ibang bahagi ng kaniyang katawan. Hindi siya makagalaw, parang kaunting kilos lang ay mababali na ang kaniyang mga buto. Napagtanto niya na nakasakay sila sa ambulansiya base sa mga tunog at maalog na pakiramdam.

"Mom . . . ." usal niya ngunit hindi niya sigurado kung nabigkas ba niya iyon o naisatinig, hinang-hina kasi siya.

Muli siyang nawalan ng ulirat ngunit tila may ideya pa rin siya sa mga nangyayari sa paligid, wala lang siyang lakas para imulat ang mga mata at magsalita.

"Take care of my daughter first!" Boses iyon ng kaniyang ama.

Narinig niya na tila may sumasagot ngunit hindi niya maabot iyon ng kaniyang pandinig.

"No! I donʼt care if sheʼs dying, my daughter is in a critical condition, too! Priortize her!" sigaw ng kaniyang ama, sinikap niyang silipin ang mga nangyayari ngunit tanging mga anag-ag lamang at nakasisilaw na liwanag ang kaniyang nakita, kinailangan pang palipasin ang ilang sandali bago unti-unti iyong luminaw sa kaniyang paningin.

Naramdaman niyang gumalaw ang kaniyang kinahihigaan, dumilat siya at sa pagmulat ng kaniyang mga mata ay saktong may isang babae na katulad niya, nakahiga sa hospital bed, duguan ang mukha at tila wala nang buhay ang makakasalubong niya habang nakahiga siya sa stretcher.

Dahil may inayos ang mga medical staff sa oxygen ng pasyente ay malaya niyang napagmasdan ang babae. Ang hitsura nito, ang kagandahan sa kabila ng mga dugong halos tumakip na sa mukha nito, at ang kapansin-pansin ay ang suot nitong singsing sa daliri nang lumaylay ang kamay nito mula sa kinahihigaan.

Inayos ng nurse ang kamay ng babae at doon na lumagpas ang stretcher niya sa hospital bed nito.

ILANG taon na ang nakararaan, ngunit ngayon ay naaalala pa rin niya ang hitsura ng babae. At ngayon ay mas naging malinaw pa nga nang makita niya ang larawan ng yumaong asawa ni Trevour.

Namatay ito dahil sa isang aksidente, at ito rin ang pasyente na ipinagpalit ng kaniyang ama para mabuhay siya. Nasa operating room na ang babae at nakatakdang isailalim sa isang operasyon ngunit kinailangan siyang unahin na gamutin at asikasuhin dahil sa utos ni Doctor Elvis Vallejo, na ama niya.

Inilabas ang babae sa nasabing silid para ilipat sa unang operating room na mababakante, pero ilang minuto pa ang lumipas bago ito nailipat. Si Doctor Elvis mismo ang nanguna sa operasyon ng pasyente at sa kasamaang palad ay hindi na nila nasagip ang buhay nito.

Napahagulhol na lang siya ng iyak dahil sa natuklasan. Ang liit nga naman ng mundo. Dahil ang lalaking minamahal niya ay dating pag-aari ng babaeng namatay dahil kinailangan niyang mabuhay.

Hindi niya alam kung paano haharapin ang lalaki oras na magkasalubong sila nito. Mabuti nga at hindi na niya kailangan pang umiwas dahil ito na mismo ang kusang lumayo.

Nagpatuloy ang buhay niya kahit hindi kasama ang binata. Masakit sa kaniya ang mga nangyayari lalo na ang natuklasan niya tungkol sa nakaraan, pero hindi niya alam kung may karapatan pa ba siyang masaktan gayong may isang taong nawalan ng buhay dahil inuna siyang gamutin sa sarili nilang ospital.

Bukod doon ay natatakot siya sa magiging reaksiyon ni Trevour oras na malaman ang nangyaring kapabayaan sa ospital na pinagtatrabahuan nito.

Pinagtatrabahuhan nito . . . . Biglang tumatak sa isip ni Everette ang mga katagang iyon.

Nagtatrabaho si Trevour sa ospital nila kung saan mismo namatay ang asawa nito tatlong taon na ang nakalilipas.

Dinunggol ng kaba ang kaniyang puso. Dali-dali siyang nagbihis para puntahan ang lalaki sa condo unit nito ngunit pagdating doon ay wala ang lalaki base sa sinabi ng katabing unit nito. Kung wala ito roon ay may iba pa naman siyang option, marahil ay nasa isang lugar ito na napakahalaga rito. Sa bahay nito at ng yumaong asawa.

Kasama iyon sa mga mahahalagang impormasyon na nakalap ng private investigator. Nalaman din niya kung gaano kayaman ang lalaki kaya takang-taka siya kung bakit nagtatrabaho ito sa ospital nila gayong may sarili pala itong ospital at iba pang mga negosyo sa loob at labas ng bansa. Natuklasan din niya na ito ang nagmamay-ari ng mas malaking hacienda na malapit sa Hacienda Vallejo, na pagmamay-ari naman ng kanilang pamilya.

Hindi niya sigurado kung iyon na ba lahat ng impormasyon tungkol sa lalaki pero ang mahalaga ay may nalaman siya na makatutulong upang matunton niya ang kinaroroonan nito ngayon.

"TREVOUR . . . ." mahinang usal niya matapos siya nitong pagbuksan nang pinto.

Gulo-gulo ang buhok, nangangalingasaw ang alak sa katawan, maiitim at malalalim ang palibot ng mata at halatang hindi na nakakapag-ahit ng balbas at bigote. Iyon ang Trevour na nadatnan niya.

"Oh! The great Vallejo! Come in, come in!" lasing na tugon nito.

"Trevour, nagpunta ako rito para lang itanong sa iyo kung bakit ka nagtatrabaho sa ospital ng pamilya ko kahit na may sarili ka namang ospital," lakas-loob at diretsong tanong niya.

"You did some research, I see . . . ."

"Tell me, Trevour, please?" pagsusumamo niya.

"You know what? Sayang ka! Sayang kang babae ka—" Pinutol ni Everette ang sinasabi nito.

"Is it because you want to avenge the death of your wife?" lumuluha at nanghihinang tanong niya.

———*

Authorʼs Note: Next chapter will be the Epilogue, wala nang chapter 20 due to lack of available word count. We almost reached the required and given maximum word count for this entry.

AOT: Captivating His Manacled Heart (Completed) Where stories live. Discover now