"Coleen," nagugulat na sambit ni Manang Celia na nasa tabi ko. Napahawak ako sa aking ulo dahil sa pagkirot at tila nablanko ito. "Ayos ka lang ba? Bakit dito ka sa sahig natulog?" Nagtatakang tanong ni Manang Celia na inalalayan akong tumayo. Mabigat ang bawat paghinga ko at malamig ang pawis na lumalabas sa aking noo.

"B-bakit?" Nanginginig kong sambit. "Bakit hindi ko maalala?! Bakit wala akong matandaan?!" Lumuluha kong turan dahil sa wala akong maalala sa kung anumang mga imahe ang lumabas sa utak ko kanina, pero alam ko sa sarili ko na may naalala ako, hindi ko lang matandaan kung ano!

"Hija, ano bang nangyayari sa 'yo? May naalala ka ba?" Nag-aalalang tanong ni Manang Celia na lumuluha kong nilingon.

"M-meron Manang..."

"Ano? Anong naalala mo?" Natutuwang sambit ni Manang Celia.

"H-hindi ko na matandaan, pero sigurado ho ako, may naalala ho ako..." Hinawakan ni Manang Celia ang mga palad ko.

"Huwag mo munang pilitin ang sarili mo na maalala ang naalala mo dahil baka maapektuhan na ang kalusugan mo, mas mabuti pa siguro na kumain ka na dahil sa hapon na rin, nalipasan ka na ng gutom." Hinayaan ko si Manang Celia na akayin ako palabas ng kwarto at alalayan hanggang sa makarating sa kusina. Pinaghain niya ako ng kanin at ng niluto niyang ulam, mag a-alas dos na rin ng hapon kaya ang nararamdaman kong kirot sa ulo ay hindi na lang dahil sa pinipilit kong alalahanin ang naalala ko kanina kun'di dahil na rin sa wala pang laman ang tiyan ko.

"Manang," natigil sa Manang Celia sa pagpupunas ng mga pinggan dahil sa pagtawag ko. "Puwede ho bang huwag niyo munang babanggitin kay Conrad ang nangyari sa 'kin kanina?"

"Bakit, hija? Hindi ba't mas maganda kung sasabihin mo sa kanya para matulungan ka ng asawa mo?"

"Sasabihin ko rin naman ho sa kanya sa oras na maalala ko ang naalala ko kanina, mas maganda ho siguro kung ganu'n."

"Sabagay," sang-ayon na turan ni Manang Celia na siyang nagsasabi kay Conrad sa lahat ng ginagawa ko sa buong maghapon. "Kung 'yan ang desisyon mo Coleen, sige, hindi ako mangingialam."

"Maraming salamat po Manang," nakangiting sambit ko. Malakas ang kutob ko na malapit nang bumalik ang mga alaala ko, at gusto kong sarilihin muna ito sa ngayon dahil ayaw ko rin na abalahin ang asawa ko.

"What?" Asik ni Conrad habang kumakain ito ng hapunan habang ako ay nakatingin dito.

"Wala..." Sambit ko at sumimsim sa mainit na gatas dahil sa nilalamig ako dala ng pag-ulan sa labas.

"Will you please stop staring at me?" Iritadong sambit ni Conrad dahil sa napatitig na naman ako rito. Sinisigurado ko lang na hindi sinabi sa kanya ni Manang Celia ang tungkol sa nangyari sa 'kin kanina at mukang wala namang alam si Conrad kaya panatag na ang loob ko.

"I'm sorry..." Mahinang usal ko at natigilan naman si Conrad na akma nang isusubo ang kutsara na may laman.

"Anong sinabi mo?" Ibinaba nito ang kutsara at diretsong tumingin sa 'kin. Napaayos naman ako ng upo.

"I'm sorry. Patawarin mo ako..." Sa hindi malamang dahilan ay nanubig ang mga mata ko at naging emosyonal.

"Stop."

"Gusto ko lang humingi ng sorry sa lahat Conrad-"

"I said stop!" Malakas na ibinagsak ni Conrad ang palad niya sa mesa kaya nagulat ako at natapon din ang konting tubig mula sa baso. "You can't fix everything by just saying sorry. Nasira mo na ang lahat." Kuyom na ang palad ni Conrad at madilim na ang mukha nito.

"Conrad, sandali..." Mabilis na nilisan ni Conrad ang kusina at gusto ko sanang sundan ito paakyat ng kwarto pero mas pinili kong manatili rito sa kusina dahil sa ayaw kong harapin si Conrad ngayon lalo pa't galit na naman ito.

On His Painful Cage | COMPLETEDTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon