Prologue

9 3 0
                                    

Malakas ang bawat pagkabog ng dibdib ni Patrisha habang papalapit siya nang papalapit sa isang private room sa isang hospital. Mula nang mabalitaan niya ang masamang nangyari kay Ethan ay hindi siya nagdalawang isip na lumipad mula sa ibang bansa pabalik ng Pilipinas, kasama ang kanyang bagong silang na anak. Hindi iyon maaaring malaman ng kanyang mga magulang kaya inilihim niya lamang ang kanyang biglaang pag-uwi kasama ng anak at ng tagapangalaga nito.

Nang makarating na si Patrisha sa harapan ng kwarto na kanyang sadya ay sumilip muna siya sa salamin ng pintuan nito. At mula doon ay nakita niya ang isang nurse at ang isang babaeng nasa tabi ng nakahigang si Ethan. Bahagyang kumunot ang noo niya sa babaeng iyon na ngayon niya lamang nakita. Ngunit base sa kilos nito ay para bang may malalim itong ugnayan at relasyon kay Ethan na siyang bahagyang nagbigay ng kaunting kirot sa puso niya.

Maya-maya pa ay lumabas na ang nurse at sa hindi inaasahang pagkakataon ay nakita siya ng babaeng nagbabantay kay Ethan, kaya naman nilapitan at nilabas siya nito. Nagulat si Patrisha at hindi niya napaghandaan ang biglaang paglapit ng babae sa kanya, pero agad din naman siyang nakabawi at mabilis na ngumiti dito.

"May... kailangan po ba kayo?" marahan at magalang na tanong sa kanya ng babae.

"Uhm..." Napatikhim si Patrisha. "Gusto ko lang sanang... makita si Ethan. Kumusta siya?"

"Uhm... a-ayos naman siya. Hindi pa rin siya nagkakamalay hanggang ngayon pero... ayos naman na siya," naiilang na tugon sa kanya ng babae.

"Ganoon ba? Gaano katagal na siyang... hindi gumigising?"

"Mag... mag-iisang buwan na."

Malungkot na binalingan ng tingin ni Patrisha si Ethan. Wala siyang kamalay-malay sa mga nangyari dito at kung hindi pa nadulas si Nathan sa kanya ay hindi niya malalaman ang sinapit ng lalaki.

"P-Pwede ko bang... malaman kung... anong pangalan mo?" pagkuwan ay tanong ng babae sa kanya. "Kaibigan ka rin ba ni Ethan?"

"I am Patrisha Cruz," pagpapakilala niya dito. "Trisha for short."

Magaan na ngumiti ang babae sa kanya. "Gusto mong pumasok para mas makita siya?"

"Sure!"

Pumasok silang dalawa sa loob at mabuting pinagmasdan ni Patrisha ang natutulog na si Ethan. Lumapit siya dito at hindi niya napigilan ang sarili na marahang haplusin ang buhok nito. Na-miss niya ang lalaki. Halos isang taon din ang lumipas mula nang huli niya itong masilayan. Ang buong akala niya ay hindi na niya ito magagawang makita pang muli. Pero matapos niyang malaman ang nangyari dito ay labis na pag-aalala ang naramdaman niya. Dahil kahit matagal nang natapos ang ugnayan nila sa isa't isa, ay hindi niya maitatago habang buhay ang katotohanan na si Ethan ang ama ng batang isinilang niya kamakailan lang.

Ilang sandali pa ang lumipas nang bigla namang dumating si Nathan.

"Trisha?" manghang usal ni Nathan pagkakita sa kanya.

Si Nathan Flores ay isa sa mga kaibigan at kakilala niya sa showbiz industry. Kababata ito ni Ethan na siyang naging dahilan din kung bakit naging malapit sila ni Ethan noon sa isa't isa. Isa kasing modelo si Patrisha noon na ngayon ay huminto na dahil sa biglaang pagdadalang-tao niya.

"N-Nathan..."

Mabilis siyang nilapitan ni Nathan saka siya hinawakan sa braso. "What are you doing here?" mahinang tanong ni Nathan sa kanya.

"Bakit? Masama bang puntahan ko siya? I just want to see him," mahinang tugon din naman niya kay Nathan.

Napalingon si Nathan sa babaeng nagbabantay kay Ethan saka siya nito marahan na binitiwan. "Uhm... this is Trisha, Sydney. Kaibigan namin ni Ethan—"

Her Indecent LoveWhere stories live. Discover now