ET 13 ⛽️ - Green Peas

61 13 91
                                    




NANLUMO ang buong katawan ni Golda sa nakita. Gumuho ang mga pangarap para sa kanila ni Hemler. Tila pinagsakluban siya ng langit at lupa.

"Hoy, Golda, sure ka ba talaga na si Hemler iyan?" paninigurado ni Clarisa.

Tanging tango ang kanyang tugon at naumid ang kanyang dila. Napakabilis ng tibok ng kanyang puso at namamasa ang kamay sa malamig na pawis.

"Tara na, puntahan na natin!" Mariing hinawakan ang kanyang kamay ng kaklase at hinatak patawid ng kalsada, tungo sa kinaroroonan ni Hemler at ng babaeng kasama.

Ngunit agad na pinigil niya si Clarisa. "Huwag! Huwag na, Clar," basag na tinig niya.

"Hindi! Puntahan ko. Uupakan ko ang lalaking iyan at ang babae niya," matigas na turan nito. Kitang napakuyom ng maliit na kamao ang kaklase at kaibigan.

Kasabay ng pag-agos ng rumaragasang luha sa mga mata niya ay ang pagbuhos ng malakas na ulan. Walang mapagsisidlan ng sakit na ginawa ni Hemler. Ang mahigpit na yakap ni Clarisa ang tanging nagbibigay ng lakas niya sa mga sandaling iyon.

"Clar, bakit ganoon?" Piniga ang kanyang puso nang makitang inalalayan pa ni Hemler ang babae pasakay sa traysikel. Nang makaupo na ay ipinulupot naman sa baywang ng babae ang kaliwang kamay ng nobyo. Naramdaman na lang niya ang mga kamay ni Clar na humagod sa kanyang likod na nagbigay ng hinahon sa kanya.

Kumalas ito sa pagkakayakap sa kanya at humarap sa kanya. "Naku, Golda, hayaan mo siya. Hindi mo siya kawalan. Marami pang matinong lalaking diyan at hindi agad kakarengkeng sa iba. Iyong lalaking mapagkakatiwalaan mo kahit hindi kayo madalas magkikita. Walang kwenta ang ganyang lalaki, Golda. Sarap ipatiwarik!" madiin ngunit mapagmalasakit na payo ni Clar

Napahagulgol na lamang siya.

Ako sana ang kasabay niya ngayon, pero bakit nasa piling na siya ng iba?

Minabuting hindi na muna pinaalam ni Golda sa ina niya ang nangyari, pagdating sa bahay. Mugto ang mga matang dumiretso sa kwarto at padapang humiga. Doon ay pinakawalang muli ang mga luhang nais lumaya mula sa pagkukubli sa kanyang mga mata. Saksi ang unan sa naramdaman niyang labis na hinagpis. Hindi niya maikakaila sa kanyang kumot dahil basang-basa ito sanhi ng pag-iyak. Hanggang sa pumikit ang mga mata nang mapagod subalit, patuloy sa paghikbi.



"HOY, GOLDA. Nakatulala ka na naman diyan." Dalawang linggo na ang nakaraan mula nang makita niya si Hemler at ang kasama nito. "Sisirain mo na lang ba ang kinabukasan mo dahil sa letseng lalaking iyon?" matigas na wika ni Clarisa sa pagitan ng pagnguya ng green peas. Nakaupo sila sa cafeteria habang naghihintay ng first subject na Natural Science.

Tanging pagbuga ng mainit na hininga habang nakapangalumbaba sa mesa ang tanging sagot niya sa tanong ng kaibigan.

"Hindi ka pa bumabagsak sa mga quiz natin, Golda — nitong linggo at nakaraang linggo lang. Pati paggawa ng assignments ay 'di mo na inaasikaso. Sa oral recitation ay 'di ka na rin nagpa-participate. Akala ko ba gusto mong makapagtapos ng pag-aaral? Nagtrabaho ka pa bilang pump attendant noong bakasyon para lang may mapang-enroll. Isusuko mo na lang ba ang lahat ng pangarap mo sa buhay para lang sa isang lalaki?" mahabang litanya ni Clarisa.

Nanatili siyang nakatungo. Narinig niya ang bawat pangaral ng kaibigan, subalit mas nananaig sa isipang nasayang lang ang relasyon nila ni Hemler. Kung ang Goldang positibo dati, ngayon ay nanghahaba na ang mukha at pinilit lang ang sarili sa pagngiti sa bawat nakakasalubong na mga kaklase o kaibigan.

"Pag-isipan mo iyang mabuti, Golda."

Matamlay siyang tumayo nang marinig ang alarm bell, hudyat na magsisimula na ang unang subject nila. Pagdating sa silid-aralan ay ganoon pa rin ang naramdaman niya. Tila nasa ibang mundo ang kanyang isipan: nag-iisa, walang gana, iniwanan ng lahat ng tao. Nang dumating ang kanilang instructor ay hindi niya ito napansin.

EMPTY TANK [Published under 8letters]Where stories live. Discover now