ET 12 ⛽️ - Safari

55 13 96
                                    




"GOLDA, malalim na ang gabi. Hindi ka ba papasok sa loob?" nababahalang tanong ng ina ni Golda. Tatlong buwan na rin ang lumipas; ni anino ni Hemler ay hindi na niya nakita.

Pinatay muna niya ang lamok na dumapo sa kanyang braso saka masiglang sumagot, "Eh, Ma, baka pupunta si Hemler. Sabado naman ngayon at walang klase."

Napabuntong-hininga lamang ito at nakarehistro sa mga mata ang pag-aalala sa kanya. "Anak, masakit ang umasa sa wa—"

"Hindi, Ma. Darating siya. Sabi niya na maglalaan siya ng oras na magkikita kami," mabilis at nakangiti niyang tugon. Kung gaanong kababaw ng pag-asa ng kanyang ina ay siyang katayog naman ng pag-asang pinanghahawakan niya; sintayog ito ng Mt. Apo.

"Golda," tinabihan siya nito sa pag-upo sa kawayan nilang upuan at hinawakan ang kanyang kamay, "minsan, mabilis bumitaw ng mga salita, pero napakahirap nitong ipakita sa gawa."

"Pero bakit ganoon, Ma?" garalgal na boses niya. "Pinanghahawakan ko ang pangako niyang iyon. Araw-araw akong nagbabaka-sakaling bisitahin niya ako, na hindi magiging problema ang pagkakahiwalay namin ng paaralan, na baka busy lang talaga siya sa pag-aaral niya." Nag-unahang kumawala ang masaganang mga luha sa kanyang mga mata.

"Makinig ka, Golda," mahinahong wika ng ina. "Nasusukat ang isang relasyon hindi sa mga panahong palagi kayong nagkakasama, ngunit sa mga panahong malayo kayo sa isa't isa. Doon nasusubok ang tatag ninyo. Kung may isang bibigay o sabay ninyong hahawakan ang inyong pagmamahalan."

Sa mga panahong iyon ay tila isa siyang bahay-kubong gawa sa kugon at kahoy na marahan ngunit maiging tinutupok ng apoy — unti-unting naghihina, unti-unting nawawalan ng pag-asa.

Ngunit muling nakabawi at nag-angat ng tingin. "Hindi, Ma. Maghihintay pa rin ako." Pinahid niya ang kanyang mga luha. Hiling niyang may ibang paraan pa upang magkaroon sila ng komunikasyon, ngunit iyon lang ang tanging paraan. Hindi rin naman niya alam ang bahay nila Hemler.

Napasinghap ang kanyang ina at pinisil ang kanyang palad. "Okay, naiintindihan kita. Hahayaan na lang muna kita. Sa ngayon ay matutulog na tayo."

"Sige, Ma, mauna na po kayo. Susunod ako," walang ganang sambit niya.



ABALA ANG LAHAT ng second year students ng Commerce Department sa gaganaping Entrepreneurship Day. Umaga pa lang ay kanya-kanyang nagtayo ng tent ang grupo sa malawak na espasyo ng paaralan.

"Ritchie, tulungan mo kaya si Clar sa paglalagay nitong signage natin," utos ni Golda sa kagrupo. "Palibhasa ay pagpapa-cute lang ang ginagawa mo diyan," nababanas pa niyang sambit. Nakitang nakatayo lang ito at masuyong ngumiti sa ibang kagrupo kung saan ay nandoon ang magandang kaklaseng si Melissa.

Tumawa lang si Ritchie at nasulyapang kininditan pa nito ang sabi-sabi ng marami na pinopormahan nitong si Melissa. "Yes, Madam," tudyo nito sa kanya.

'Palibhasa ang ibang kagrupo'y hindi naman tumutulong sa trabaho, nakikinabang naman pagdating sa grado,' himutok ng kanyang kalooban.

"Golda, hayaan mo na nga iyan si Ritchie, parang hindi ka pa naman nasanay," pagpapakalma sa kanya ni Clar.

Napahalakhak lang ang binatang kagrupo. "Tama si Clar, Golda. Hindi pa ba kayo nasanay sa kagwapuhan ko?" muling hirit nito sabay muwestra ng papogi.

Mas lalo lang na kumulo ang kanyang dugo sa inakto nito. Napailing siya.

"Ang init ng panahon tapos ang hangin-hangin mo, Chie," nairitang sambit ni Clar. "Ito hawakan mo nga sa kabila para idikit natin," utos nito.

EMPTY TANK [Published under 8letters]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon