3•9 - All Conjured

285 25 2
                                    

9 - All Conjured



"Kailangan na talaga nating umalis," nagmamadaling sabi ni Tyler nang makalabas kami mula sa Asylum na pumatay kay Yoel. Halos galadgarin niya kami ni Gia habang nakasunod naman sa likuran namin si Jero.



"Ty—" Nagulat ako nang bigla siyang huminto at humarap sa 'min.



"Walang mamamatay ni isa sa inyong tatlo," sabi niya, sa paraang para bang itinatatak niya sa utak niya na gagawin niya ang lahat para matupad 'yon.



Hindi niya kami hinintay na makapag-react man lang sa sinabi niya. Bigla niya na lang tinadyakan ang pader sa gilid namin at sa sobrang lakas, nasira niya 'yon.



"Dito," sabi niya. Nagkatinginan na lang kami nina Gia at Jero saka lumusot sa butas ng pader.



Ibang-iba ang hitsura ng kabilang side ng pader. Para bang 'yong backstage sa school plays. Halatang hindi 'yon nakahanda para sa 'min. Halatang hindi dapat kami nandoon.



Tinahak lang namin ang kahabaan ng pader doon hanggang sa may sinipa ulit si Tyler. Sunod lang kami nang sunod sa kaniya hanggang sa makalabas kami sa isang pamilyar na hallway.



"Kali," tawag ni Tyler.



"Oo," sabi ko kaagad. "Dito tayo nagkita kanina."



Dahil pareho naming naaalala ang hallway, halos tinakbo namin ang natatandaan naming daan papunta sa hagdan. Halos magdiwang kami nang makita namin 'yon.



Nakababa nga kami sa unang palapag. Narating nga namin ang main door.



"S-Sandali." Pero parang may mali.



Hawak na ni Jero ang door knob nang tumingin silang tatlo sa 'kin.



"Hindi ba masiyadong madali?"



Natigilan din sila. Napaisip. Walang nagsalita sa aming apat pero para kaming nag-uusap sa tingin.



Tumango sa 'kin si Gia. Tumango rin sa 'kin si Tyler. Bumuntong-hininga ako at tumingin kay Jero. Tumango ako at binuksan niya ang pinto.



Tahimik lang ang paligid nang makalabas kami. Kalmado ang hangin. Parang normal na umaga.



Hindi pa tuluyang sumisikat ang araw pero medyo maliwanag na. Hindi na madilim kaya malinaw naming nakikita ang anim na puntod na nakahelera sa labas lang mismo ng bahay.



Parang kusang gumalaw ang mga paa ko para lumapit. Binasa ko ang mga pangalang nakasulat sa mga puntod at ganoong kabilis lang nag-init ang mga mata ko nang mapagtantong pagmamay-ari 'yon ng mga taong nawala sa 'min sa nakalipas na ilang oras. Ang mga puntod na 'yon, pagmamay-ari ng mga taong kasama namin sa loob ng bahay ni Sir Emiliano, pero hindi na nakalabas nang buhay.



"Kali," halos sabay na pagtawag sa 'kin nina Tyler at Gia nang biglang matumba ang puntod na nakapangalan kay Maco. Si Jero ang pinakamalapit sa 'kin at hinila niya ako kaagad palayo ro'n.



Nagpapakiramdamang hinintay namin ang sunod na mangyayari. Nakatitig lang kami sa puntod ni Maco hanggang sa biglang lumubog ang isang parte ng lupa doon—para bang nabutas. At nagpapasalamat akong hindi ako lumapit para tignan kung ano'ng nandoon nang biglang may tumalsik palabas mula ro'n.



Gumulong ang bagay na 'yon hanggang sa paanan ko.



Mata. Isang mata na butas sa gitna.



Pumasok sa isip ko ang nangyari kay Maco. 'Yong bakal na biglang lumabas mula sa sahig, tumusok sa ulo niya at lumabas sa isang mata niya.



Wala pang nakakapag-react sa 'ming apat nang sunod-sunod na natumba ang iba pang mga puntod. Hanggang sa isang kamay ang biglang lumabas mula sa kinalalagyan ng puntod ni Herbert.



Napasigaw ulit kami ni Gia. Umatras kaming apat pabalik sa front porch ng bahay habang isa-isang bumabangon ang mga katawan galing sa ilalim ng mga puntod.



Pinakaunang nakatayo ang katawan mula sa puntod ni Yoel at lalo kaming natigilan nang lumingon siya sa 'min.



"Putang..." Hindi natapos ni Jero ang pagmumura niya. Kami ni Gia, hindi na nakapagsalita. Hindi ko magawang lingunin si Tyler para tignan ang reaksyon niya sa lalaking nakatayo ngayon sa baba ng porch at para bang ginawang maskara ang mukha ni Yoel.



'Yong mismong mukha niya na may dugo-dugo pa at halatang katatanggal lamang mula sa ulo niya.



"Hindi na sila 'yan," matigas na sabi ni Tyler. Doon lang ako napalingon sa kaniya. May kung ano nanaman sa mga mata niya na iba sa mga matang tumitingin sa 'kin.



"Tyler!"



Bigla na lang siyang tumakbo pababa at tinadyakan ang lalaking nakasuot ng mukha ni Yoel. Tapos pinagsusuntok niya ang lalaking nakasuot ng mukha ni Herbert. "Putangina n'yo!"



Nanood lang kaming tatlo. Alam namin ang lahat ng usap-usapan tungkol kay Tyler, pero 'yon ang unang beses na napanood namin siyang mambugbog. But, to be honest, I understand where he was coming from at that time. Pinatay na nga ang mga kasama namin, binalatan pa ang mga mukha at ginagamit na panakot sa 'min. Kahit ako, nakaramdam ng galit.



Kaya hindi ko na rin pinigilan si Jero nang may bumangon mula sa libingang nakapangalan kay Jing. Hinayaan ko siyang ilabas ang galit niya at ipaghiganti ang kapatid niya.



Hindi ko alam kung dapat ba akong ma-proud na basag-ulo si Tyler at parang naimpluwensiyaha niya si Jero, pero nakatulong 'yon sa 'min.



We won.



Napatumba nila ni Jero ang lahat ng bumangon mula sa mga libingan, at walang namatay sa aming apat. Sabay kaming napatingin ni Gia sa isa't isa. Pareho kaming napangiti at patakbong sinalubong ng yakap sina Tyler at Jero.



Tapos na ba?



Puwede na ba kaming umuwi?



Para bang sagot sa mga tanong sa isip ko, biglang may umalingawngaw na nakakabinging tunog. Mas malakas pa kaysa sirena ng bumbero. Napayuko kaming lahat at napatakip ng kamay sa mga tainga hanggang sa tumigil 'yon.



"Ah, so we're still going back to the usual, huh?"



"S-Sino 'yon?" tanong ni Gia habang pare-pareho kaming lingon nang lingon sa paligid, hinahanap ang nagsalita.



"I... was paid by Gabriel Emiliano to kill you all." Nagkatinginan kaming apat. "But in my game, I always let the winners out."



Game?



Anim na kasama namin ang namatay, tapos laro lang?



"Get back inside Scarper House. And, oh, I need two teams."



;

Scarper HouseWhere stories live. Discover now