Simula ng araw na yun hindi na ako umuwi ng bahay. Nakiusap lang ako kay Amor na ikuha ako ng damit, yung mga naiwan kong damit. Ayokong bumalik doon sa bahay namin ni Lolo. Hindi ko kayang bumalik doon na wala na ang lolo kong sumasalubong sa akin. 

Gusto kong panatilihin sa utak ko na kasama ko pa si Lolo. Dalawang araw na ang lumipas pero hindi ko pa siya nakikita. Ayaw ko siyang silipin sa loob ng kabaong niya. Ayokong palitan ang imahe niyang nakangiti sa isip ko. Mananatiling buhay ang Lolo Ignacio sa puso at isipan ko. 

Ilang beses na akong nahimatay. Ang sakit isipin na sa ganitong paraan kinuha si Lolo. 

Bakit sa ganitong paraan? Ito ang tanong na pilit kong hinahanapan ng sagot. Hindi man lang ba sila naawa sa matanda? Wala bang awang natira sa puso nila na pagkatapos nilang bugbugin ang lolo ko binaril pa nila ng maraming beses?

Wala akong maalalang may nakaalitan si Lolo. Magaling makisama at mabait ang Lolo ko. Pero mga demonyo sila. Wla silang awa. Mas masahol pa sila sa hayop. Buhay pa sila pero sinusunog na ang kaluluwa nila sa impyerno.

Tao ang lolo ko, hindi hayop. Wala silang karapatang kunin ang buhay ng Lolo ko. Hinding-hindi ko sila mapapatawad. Pinapangako kong gagawin ko ang lahat. Balang-araw, bibigyan ko ng hustisya ang pagkamatay ni Lolo.

"Cam, kumain ka muna." Ilang beses na akong inaalok ni Amor ng pagkain ngayong araw pero puro tango lang ako. Hindi ako nagugutom. Wala akong ganang kumain,  palagi akong nasusuka. 

Hindi ako iniwan ng mga kaibigan ko. Dama ko ang presensya at pagmamahal nila para sa akin. Salitan si Amor, Meling, Jepoy at Longlong sa pagtabi sa akin kahit hindi ko sila kinakausap. 

Ang mga kapitbahay ay nagtulong-tulong din. Sila ang nag-asikaso sa mga nakikiramay. Wala akong alam sa nangyayari sa paligid. Ang tanging alam ko lang ay huling araw na ni Lolo ngayon dahil bukas hindi ko na siya makikita pa. 

"Kagabi pa walang laman ang tiyan mo,  Cam. Ilang araw ka ng walang maayos na kain at tulog. Baka magkasakit ka."

Mas mabuti pa nga siguro na ganun ang mangyari para mawala na rin ako. Ano pa ang gagawin ko dito sa mundo? Wala ng natira sa akin. 

"C-Cam, kahit konti lang please kumain ka." narinig ko ang pagkabasag ng boses ni Amor kaya napalingon ako sa kanya. 

"A-ayos lang ako, Mor." pilit akong ngumiti sa kanya pero nararamdaman ko ang mainit na likido sa aking pisngi. Mabilis ko itong pinalis ng makita kong dumarami ang mga luhang nag-uunahan sa kanyang pisngi at naawa itong tumingin sa akin. 

"Wag kayong mag-alala sa akin, Mor. A-ayos lang ako..a-ayos lang..."

"Kung buhay si Lolo Ignacio ngayon sigurado akong mapapagalitan ka niya. Alagaan mo naman ang sarili mo, Camilla. Sa palagay mo ba, natutuwa si Lolo ngayong nakita ka niyang ganito? Hindi matutuwa si Lolo Camilla dahil ang pinakamamahal niyang apo ay nakikita niyang pinapabayaan ang kanyang sarili. Mahal na mahal ka ni Lolo Ignacio , Cam. Kaya sana alagaan mo ang sarili mo. Lumaban ka Cam, magpakatatag ka. Paano mo mahahanap ang hustisya na sinasabi kung ngayon pa lang sumusuko ka na."

Hinayaan ko ang mga luhang masaganang nahuhulog sa aking pisngi, hindi ko na mapipigilan ang pag-uunahan nito. Nagsisimula na rin manikip ang aking dibdib. Akala ko wala na akong mailuha pa pero heto umiiyak na naman ako. 

"Alam kong masakit, walang kasing sakit ang sakit na nararamdaman mo ngayon pero wala na tayong magagawa, Cam. Andito pa kami Cam, marami kaming mga kaibigan mong nagmamahal sayo. Si nanay, si Aling Edna, pwede mo silang ituring na nanay. Kaya nakikiusap ako sayo, lumaban ka. Wag kang sumuko Cam, kaya natin to. Malalagpasan natin to, Cam. Tutulungan ka namin."

Sandoval Series # 1 : The Stars Tonight (Soon to be published)Where stories live. Discover now