Mga Alaala at Ang Laro ng Oras

4 1 0
                                    


Tahimik pa ang paligid, at walang ibang maririnig kundi ang bawat paggalaw ng kamay ng orasang di kalayuan sa aking kinatatayuan. Di ako mapakali, di ko tuloy mapigilang i-kuyakoy ang paa ko sa pagkainip, dumagdag pa ang lamig na dala ng amihang hangin, tumitig na lamang ako sa kawalan, habang pilit na inililihis ang isip ko na isipin ang tila ba bumibilis na pagtakbo ng oras. Makalipas lang ang ilang sandali ay dumating na ang aking kotseng sasakyan, asul na Volkswagen van na luma at kupas na ang pintura. Dahan-dahan akong naglakad papalapit bitbit ang mga gamit na babaunin ko pauwi. Lumabas naman siya ng sasakyan, suot-suot ang paborito niyang t-shirt, ripped jeans, ang luma niyang converse na sapatos, at ang kanyang tipikal na nakakahawang ngiti, bahagyang gumaan ang pakiramdam ko nang makita na siya, sinalubong naman niya ako at tinulungan akong dalhin ang mga bagahe.

Sinubukan kong matulog sa byahe habang tinatahak namin ang daan pauwi, pero masiyadong maraming tumatakbo sa isipan ko, mga alaalang unti-unting bumabalik sa kada kilometro at distansyang inilalapit namin. Mula sa tinted na bintana nang sasakyan, bagaman medyo madilim pa ang paligid, ay nakikita ko ang mga bahay, puno, at bawat taong aming nadadaanan na dati ay punong-puno ng buhay pero ngayo'y tila ba pinagal na ng oras at panahon. Minsan ay nakakamanghang isipin at pagnilayan na kahit na sakop ng oras ang lahat; tao, hayop, halaman, o bagay man, ang takbo rin ng oras ay personal, nag-iiba-iba sa bawat nilalang. At sa parehong paraan, nag-iiba-iba rin ang pakikitungo natin sa oras, may ibang nag-aaksaya, at meron din namang naghahabol ng oras.

Madalas sinasabi ng karamihan na ginagamot ng oras ang bawat sugat, galos, pasa, at sakit na dala ng buhay at mundong di patas, ngunit taliwas na ang opinyon ko dito. Para sa akin, ang oras ay isang persona na tulad ng tadhana, alam mong nandiyan lang, nakamasid, minsan pabor sa'yo at minsan hindi, minsa'y bumibilis, minsan naman ay bumabagal, depende sa kanyang kagustuhan. Minsan paglalaruan ka, bibilis kapag nais mong patagalin ang sandali, babagal naman kapag gusto mo nang matapos ang mga nangyayari. At minsan naman, aadyain kang ibalik, at dalhin muli sa mga alaalang akala mo'y nalimot mo na, mga alaala nang nawasak na mga pangarap, alaala ng mga relasyong bigo at pag-ibig na sawi, alaala nang mga damdaming inilibing, at alaala ng dati mong sarili. Kaya para sa akin, ang oras ay hindi palaging mapagpagaling, minsan ito pa nga ang nagbubukas ng mga sugat, mga sugat na minsang tinakasan mo na sa nakaraan, minsan para tuluyan na nga itong gumaling, o di kaya naman ay mas palalimnin pa at paigtingin ang sakit.

Di ko na namalayan ang paglipas ng oras, parang sa isang iglap lang ay nakarating na kami agad sa aming patutunguhan, halos hindi ko na rin naramdaman na sumikat na pala ang araw, at natapos na ang bukangliwayway. Nakaparada na kami ngayon sa tapat ng isang bahay na napapaligiran nang bakod na yari sa bakal at semento, ang lugar na wala pa ring pinagbago kahit na lumipas na ang ilang taon, punong-puno pa rin ito ng mga alaala. Sa ilang oras namin na nasa daan ay hindi ko pa rin nagawang ihanda ang sarili ko sa aking muling babalikan, pinatay na niya ang makina ng sasakyan at nauna nang lumabas para rin ibaba ang mga gamit ko sa likuran, pinagmasdan ko muna ang repleksyon ko sa salamin at huminga ng malalim bago ako tuluyang bumaba ng sasakyan, lumapit naman kaagad siya sa akin at hinawakan ng mahigpit ang aking kamay, tumingin siya sa akin ng diretso at nagtanong,

"Handa ka na ba?"

You've reached the end of published parts.

⏰ Last updated: Aug 05, 2022 ⏰

Add this story to your Library to get notified about new parts!

Basurahan Ni IUWhere stories live. Discover now