Chapter III

124 22 15
                                    

Nakasimangot na pumasok si Thiago sa loob ng Disciplinary Office habang hinihimas ang dulo ng labi na tinamaan ng suntok. Naiirita rin siya dahil namantsahan ng dugo ang uniform niya. Malinis sa gamit si Thiago at hanggang maaari ay ayaw niyang nakikitaan ng kahit alikabok man lang ang mga gamit niya. Kaya naman talagang kumukulo ang dugo niya sa aroganteng estudyante na nakaaway niya.

Ito ang unang beses ni Thiago sa loob ng disciplinary office. Hindi naman kasi talaga siya pasaway at palaaway. Hindi nga rin siya makapaniwala na napikon siya ng husto, at gumawa ng ganitong klase ng problema. Siguradong malaking gulo at uulanin na naman siya ng sermon sa oras na malaman ito ng kuya niya at kung makakarating naman ito sa uncle niya ay maaaring pa itong magamit laban sa kanya.

Pero ano pang magagawa niya? Nangyari na ang nangyari.

Dumeretso si Thiago sa dulo ng isang mahabang sofa sa harap ng lamesa ng Disciplinary Head, sa tabi ng bintana. Samantalang ang lalaking nakaaway naman niya ay sa kabilang dulo nito umupo. Nagkatinginan pa sila at muling nagkaangasan ngunit mabilis ring natigil iyon nang magsimula ng ilahad ng dorm leader kay Mr. Alejo ang kung ano angnangyari.

Habang nagsasalita ang dorm leader ay naramdaman ni Thiago ang cellphone sa kanyang bulsa. Agad niyang tinignan ito at bumungad sa kanya ang isa na namang friend request.

"What the hell?" bulong ni Thiago sa sarili nang makita muli ang pangalan at larawan ng dalagang nagpadala sa kanya ng friend request kanina.

Hindi niya talaga matandaan kung sino iyon at nawiwirduhan siya dahil mula nang ginawa niya ang social media account niya ay wala namang nagpadala ng friend request sa kanya maliban sa kuya niya na hindi rin naman niya ina-accept. Ginagamit lang kasi niya iyon para sa balita at pagsubaybay sa mga artists at authors na gusto niya. Doon din niya binabantayan ang mga galaw ng mayabang niyang uncle at ang mga pinaggagagawa nito habang ito pa ang may hawak ng kumpanya nila.

Ide-decline na sana ni Thiago uli ang friend request nang biglang siyang ginulat ng malakas na sigaw ni Mr. Alejo.

"Where are your manners, Mr. Thunder Z. Lancer?!" bulyaw ng Disciplinary Head sabay hampas sa lamesa. Dito na rin nalaman ni Thiago ang tunay na pangalan ng lalaking nakaaway niya.

"I left it at home," pabalang at nakangiti pang sagot ng binata na ikinakusot lalo ng mukha ni Mr. Alejo.

Napangisi si Thiago ng palihim nang marinig ang pangalan ng lalaki. Ngunit lalong nadagdagan ang inis na nararamdaman niya para dito nang dahil sa ginawa nitong pagsagot. Hindi niya alam kung saan ito humuhugot ng lakas ng loob para umasta ng ganoon lalo na sa harap ng isang respetadong tao sa unibersidad. Oo, ayaw ni Thiago sa mga professors at sa karamihan ng mga tao doon. Pero ni minsan ay wala siyang binastos na kagaya ng ginagawa ni Thunder ngayon.

Sasabog na sana sa galit si Mr. Alejo nang biglang bumukas ang pintuan ng opisina at pumasok ang dalawang estudyante na tatawa-tawa pa. Ang isa ay nakasuot ng bilog na salamin sa mga mata. Ang kasama naman nito ay matangkad, maputi, may mapupungay na mga mata at mapulang labi. At pareho silang may mga galos sa mukha, at dumi sa damit. Unang tingin pa lang, ay masasabi ng nanggaling sa away ang dalawa.

Napangiwi si Thiago nang tignan sila. Hindi siya makapaniwala na nasa iisang kwarto siya kasama ang mga hoodlum. Hindi rin niya matanggap na iisang hangin lang ang nilalanghap nilang lahat.

Tinanong ni Mr. Alejo ang isa sa kanila. Tinawag niyang Eli ang nakasalamin at sa paraan ng pag-uusap nila ay masasabing matagal na silang magkakilala. At mukhang hindi lang ito ang unang beses na naipatapon sila sa opisinang iyon. Pero wala ng pakialam si Thiago doon, itinuon na lang niya ang pansin sa labas ng bintana. Ayaw na niyang makialam sa problema ng iba. Hanggang sa biglang narining niyang sumagot si Eli kay Mr. Alejo. Kagaya ni Thunder, ay bastos rin ito kung sumagot.

MU Series: The Snob Music Prodigy (Published)Where stories live. Discover now