I heard that

98 3 0
                                    

Pagkarating ni Tristan, alas onse na ng gabi, ay nadatnan niya si Kristina na nakaupo sa sopa, kandung kandong ang laptop niya, ngunit nang lapitan niya ay nakapikit ito, nakapatong ang ulo niya sa sandalan ng sopa. Alam niyang hindi ito tulog dahil hinihilot nito ang sentido niya.

Nakapamulsang pinanood lang muna niya si Kristina, saka nagsalita makalipas ang ilang segundo.

"Did something happen? Nasa meeting ako when you called."

Biglang napamulat ng mata si Kristina. Tumambad sa kanya si Tristan na wala nang suot na coat at kurbata, nakarolyo na hanggang sa siko niya ang puti niyang polo, mukhang pagod pero hindi parin niyon nabubura ang kagwapuhan niya.

"Ah wala, ayos lang," sagot niya.

"You called twice, with two seconds interval, wala, ayos lang?" Umupo si Tristan sa sopang nasa harapan niya para makapantay niya ito ng tingin.

"Nasiraan lang ng sasakyan pagkasundo ko kay Jazz. Buti nalang bumigay yung pick up nung nasundo ko na siya." Ayaw niya sanang sabihin iyon dahil para narin siyang sumuko sa kalaban kung gano'n. Ayaw niyang nalalaman ni Tristan ang mga ganoong insidente, kaya lang ay kasalanan niya rin dahil tinangka niyang humingi ng tulong rito.

"Okay ka lang ba? Were you hurt?"

Ikinagulat niya ang malasakit sa tanong na iyon ni Tristan pero kaagad rin siyang nakabawi at sumagot.

"Ayos lang, nasiraan lang naman ng sasakyan hindi naman kami bumangga."

May tonong pagakayamot sa boses ni Kristina at napansin iyon ni Tristan. "E si Jazz?"

"Okay siya, nakauwi rin naman kami agad."

"Sino naghatid sa inyo?"

"Kaibigan ko. Ang daming tanong!" tumayo si Kristina para bunutin ang nakasaksak na charger ng laptop niya.

"Siyempre, concern lang ako, kasama mo si Jazz e," walang kagatul-gatol na depensa niya. Hindi na niya kasi nagugustuhan ang tono ng pananlita ni Kristina. Sa mga ganitong usapan niya naaalala ang mga hindi mabilang bilang nilang bangayan noon.

Samantala, nagitla naman si Kristina sa huling sinabi ni Tristan. "Sino ba naman kasi ako para alalahanin niya? E di lumabas din na kaya siya nang-uusisa dahil cocern siya sa pamangkin niya. Sira ka na ba, Kristina?" bulyaw sa kanya ng konsensiya niya.

"Nasa taas siya, kanina pa tulog, wag kang mag-alala, hindi naman siya napano, siyempre hindi ko naman siya pababayaan," mapait na pahayag niya saka siya bumalik sa harapan ni Tristan para iligpit ang laptop niya at ang ilang script na pinag-aaralan niya.

"That's not what I'm pointing out."

"Oo naman," pilosopong sagot niya, saka tinalikuran si Tristan at nagmartsa paakyat sa kwarto niya. Wala namang intensiyon si Kristina na makipagsagutan sa lalaki, sa katunayan ay wala lang naman sa kanya kung anong nangyari kanina ang mahalaga ay nakauwi rin naman sila ng maayos. Pero hindi niya na nakontrol ang mga huling nangyari.

"Are you walking out on me?" napataas ang boses ni Tristan, hindi naman niyon napigilan ang paglalakad ni Kristina paakyat.

"Am I?" pilosopo na namang sagot ni Kristina. Hindi na napigilan ni Tristan ang sarili at mabilis niyang hinablot ang braso nito. Tumigil si Kristina. Tinitigan niya muna ang kamay na nakahawak sa braso niya patungo sa mga mata ni Tristan. Nakipaglaban siya ng titig sa itinututring niyang mortal na kaaway.

Nagagawa niya rin ito dati pero ngayon parang iba na. Wala na siyang nakikitang alab ng galit sa mga mata ng lalaki. Hindi na niya mabasa samantalang dati siguradong sigurado siya kung ano ang nakikita niya sa mga 'yon.

"Bibitawan mo ba yan o, sisipain kita?" matalim na banta niya.

"Sige lang," hamon naman ni Tristan. Wala namang nagawa si Kristina kundi ang huminga na lang nang malalim, sa totoo lang hindi niya rin kayang sipain si Tristan dahil may hawak niya ang laptop niya sa kanang kamay at mga papel naman sa kaliwang kamay. Tumagal ng ilang sandali ang pagkakahawak ni Tristan sa braso ni Kristina.

"Teka, bitaw na, nangangawit na 'ko, Tristan!"

Tila panandaliang natulala at nabingi si Tristan sa narinig niya. Parang bago iyon sa pandinig niya tipong unang beses niyang marinig ang pangalan niya. Unang beses, na galing sa bagong boses, bagong tunog, bagong pakiramdam.

"Ano yun?"

Hindi namalayan ni Kristina na sa unang pagkakataon, binanggit niya ang pangalan ni Tristan.

"Sabi ko, bitaw na. Nangangawit na 'ko."

"And?"

"And?" binigyan niya si Tristan ng nagtatakang tinigin.

"I heard that," hindi na napigilan ni Tristan ang ngiting gumuhit sa mukha niya.

"Ang alin? Baliw ka na ba? D'yos ko, Tristan, bitaw na!"

"There!" Napabitaw siya sa braso ni Kristina at napaturo siya rito.

Sa puntong iyon alam na ni Kristina ang sinasabi ni Tristan, ayaw niya lang na mahalatang 'big deal' iyon para sa kanilang dalawa, at isa pa hindi niya inasahan ang magiging reaksyon ni Tristan. Gusto niyang maniwala na masaya itong tinawag niya siya sa pangalan niya pero may parte rin sa kanya na naniniwalang kumpetisyon parin ito para sa kanila.

Walang anu-ano ay tinalikuran na niya ang lalaki at umakyat, diretso sa kwarto niya.

Sinundan siya ni Tristan.

Hindi pa man nakakadalawang hakbang papasok si Kristina sa kwarto niya ay isinara na niya ito at ini-lock. Hindi natinag si Tristan, kinatok niya parin ito.

"Hindi pa ako kumakain, would you mind if you accompany me?" pasigaw na tanong ni Tristan habang nasa harapan ng pintuan ni Kristina.

"Kumain na 'ko, ikaw nalang."

"Bakit mo ba 'to ni-lock? Papasok ako, may mga itatanong pa 'ko."

"Matutulog na 'ko, bukas mo na lang 'yan itanong!"

Walang nagawa si Tristan kundi ang sumuko nalang, sa pagkakakilala niya kay Kristina, kapag sinabi nitong hindi, hindi na mababago iyon.

Bumaba siya at naghain ng sarili niyang pagkain, hindi na niya inabala si Manang Magda dahil alam niyang tulog na iyon. Ngunit bigla itong sumulpot galing sa kwarto niya na malapit lang sa kusina.

"Oh, nandito ka na pala hijo, mabuti naman at may kakain na ng niluto ko," bungad ng matanda.

"Wala pang kumakain sa inyo?" tanong ni Tristan.

"Hindi pa kumakain si Ma'am Tin, sabi niya hindi siya gutom pero wala pa naman siyang kinakain simula kaninang pagdating nila ni Jazz, sinubsob kaagad niya ang sarili sa trabaho. Si Jazz naman ang sabi niya busog siya sa pagkaing ibinigay ng naghatid sa kanila."

"Naghatid sa kanila? Sino hong naghatid sa kanila?"

"Naku hindi ko na nakita dahil hindi naman pinapasok ni Ma'am Tin, pero ang sabi ni Jazz ay kaibigang lalaki iyon ni Ma'am Tin."

Tumango nalang si Tristan sa nalaman. Agad namang bumalik sa kwarto niya si Manang Magda.

Nilaru-laro nalang ni Tristan ang pagkain niya pagtalikod ni Manang magda at may naisip siyang gawin.

DeadendWo Geschichten leben. Entdecke jetzt