Chapter Six

173 6 0
                                    

Chapter Six 

Selos 

"SIGE NA, Fatima. Palit na tayo," kanina pa siya nagpupumilit na makipagpalit ng puwesto kay Fatima. Kanina pa rin nitong tinatanggi ang kahilingan niya.

"Bakit ba? Eh, ang dali-dali lang ng Gawain mo, eh. Ang arte..." pagsusuplada nito. Napangiwi siya. Nadi-distract siya sa paraan ng pagsasalita nito dahil tila mahuhulog na ang pustiso nito.

"Mas madali naman iyong sa'yo. Uupo ka lang, maglalaba, mamamalantsa. Tapos!" paliwanag niya pa.

"Tse! Ang sabihin mo, maarte ka lang talaga..." suplada pa ring sabi nito. "Por que't maganda at makinis ka, mamimili ka na nang gawain dito? Aba! Pa-special!"

Natahimik siya. Tama naman ito. Bago lang siya at hindi siya dapat mamili ng tatrabahuin. Wala siyang magawa kundi hayaan na lang ito. Saka dapat niya na lang tanggapin na maglilinis na lang siya at wala ng iba pa. Pero mas gusto niyang maglaba. Naiinggit siya kay Fatima.

"Kung gusto mo talagang makipagpalit, kay Nana ka magreklamo at hindi sa akin. Ayaw kong mapagalitan ni Sir Poseidon, 'no!"

Dala ang laundry basket ay iniwan na siya nito. Napangiwi siya ulit at napakamot ng kanyang ulo.

Kunot-noo namang sinundan ng tingin ni Poseidon si Fatima. Kakapasok lang ni Poseidon sa dirty kitchen. Natigil sa paghakbang si Fatima at tila mahuhulog na ang pustiso dahil sa kakanganga. Natigilan din si Glare.

Paano ba namang hindi matigilan ang dalawa, eh, walang pang-itaas na damit ang guwapong amo.

Kung hindi pa tiningnan ng malamig ni Poseidon si Fatima ay hindi pa ito kakaripas ng lakad paalis sa kitchen.

Napatayo naman nang matuwid si Glare nang balingan naman siya ni Poseidon. Kahit anong pigil niyang huwag humanga sa ayos ng amo ay hindi niya magawa. Kung may pustiso lang din siya gaya ni Fatima, malamang nahulog na iyon ngayon.

Wala ngang damit pang-itaas si Poseidon. Hapit na hapit ang suot nitong maong sa bewang nito at kahit na may mga tigkal ng putik doon ay hindi iyon nakabawas sa kaguwapuhan nito.

Ang dibdib pababa ay tila inukit ng isang magaling na manlililok. Sa wari ba niya'y parang kahoy sa tigas ang dibdib nito at tiyan—na hindi na angkop na tawaging tiyan dahil sa bitak-bitak—na 'sing kinis din ng mga finished product na nililok niya. Nangingintab din ang katawan nito sa pawis.

Hindi niya namalayan na kanina niya pa sinusuyod ng tingin ang ayos ng amo. Hindi rin niya namalayan na kanina pa pala nito kinukuha ang atensyon niya.

"Heaven!" tuluyan ng lumakas ang boses ni Poseidon.

"Ah, Ser!" napakurap-kurap pa siya.

Nakakalokong ngiti ang ginawa ni Poseidon nang tuluyan nang bumalik ang ulirat ni Glare. Unti-unti ring nagging multong ngiti iyon dahil kailangan niyang magseryoso. Hangga't maaari ay ayaw niyang magkaroon ng emosyon sa harap ng kasambahay nila. Tumikhim siya.

"Anong pinag-aawayan niyo ni Fatima?" malamig at seryosong tanong ni Poseidon na nagpatindig sa balahibo ni Glare.

Pasimpleng sinapo ni Glare ang batok para mawala ang paninindig niyon.

"Wala lang iyon, Ser," palusot niya.

"Wala?" taas ang isang kilay na tanong ni Poseidon. "Nagsisigawan kayo at para kayong magkapitbahay na nag-aaway... sabihin mo, ano ba talaga ang pinag-aawayan niyo?"

Humalukipkip pa si Poseidon.

Napalunok naman si Glare. Mas lalong nadepina ang mga braso nito. Muntik na naman siyang mawala sa sarili kung hindi niya lang iniwas ang tingin doon.

Rancho Soler (Heaven Land Series 2)Hikayelerin yaşadığı yer. Şimdi keşfedin