Kinuha ko na rin ang keycard ng room na ito bago lumabas. Pero napitlag ako nang sumalubong sa aking mata ang bagong gising na si Selin nang mag-slide ang pinto para mabuksan ito.

"Nakalimutan ko 'yong salamin ko. Wala akong makita."

Pakurap-kurap ako habang sapo-sapo ang aking dibdib. Nakakagulat naman 'yon. Para naman akong nasa isang suspense na movie o game na may susulpot biglang multo o halimaw sa harap ko. Jusko, Selin!

Nawala rin sa harap ko ang babae kong roommate na nakapajamang may ulap-ulap na design. Ang lively ng suot niya at kabaligtaran 'yon ng personality niya.

"Hintayin na lang kita rito sa labas," hiyaw ko nang nasa loob na siya ng room.

Sumandal muna ako sa dingding habang inaabangan siyang lumabas. Natatandaan ko nga pala, kagabi may suot-suot siyang salamin. Malabo kaya mata no'n? Eh, paano niya ako nakitang nagliligpit kanina? Well, 'di naman siya bulag, malabo lang.

Maya-maya, lumabas na sa room si Selin at suot-suot na ang kanyang bilog na salamin.

"Iyan, nakikita na kita nang maayos," malamig at walang emosyon niya pa ring turan.

Subukan niya namang lagyan ng sigla 'yon kahit kaunti dahil parang papatayin na ako nito anumang oras.

Sabay na kaming naglakad papunta sa mga elevator. Siya na ang pumindot sa down button at nahiwa agad sa gitna ang pinto ng elevator.

Pumasok na kami. Habang nasa loob, tahimik at walang timbang na salita ang lumutang sa hangin. Awkward na naman.

Huminga na lang ako nang malalim at ipinikit ang aking mga mata. Pagdilat ko, humarap ako sa kanya.

"Ako si Nadine. Nadine Guinto." Ibinigay ko pa ang aking kamay para makipag-shakehands sa kanya.

"Oo, alam ko. Nakalagay sa closet natin ang mga pangalan natin." Walang pagtaas o pagbaba ng tono ang kanyang boses. It was just flat.

Tumunog na ang elevator at nagsalita muli ito. "Ground floor."

Lumabas agad si Selin na walang mababakas na kung ano sa kanyang mukha. Ano bang mayro'n sa babaeng 'yon?

Sinundan ko na lang siya dahil siya ang may alam ng lugar na ito. Kahit na nai-tour na ako ni Yemra kahapon, hindi pa rin ako sanay sa ganitong klaseng lugar.

Nakabukas na ang higanteng pinto ng cafeteria at sumusuot na sa aking ilong ang mga amoy ng pagkain. Nagtayuan ang balahibo ng aking dila at ang aking laway ay mabilis na naipon sa aking bibig. Pagpasok namin sa loob, ang kahapong puro round tables at walang kalaman-laman na mga mga buffet equipments, ay napuno ng mga taong gustong makakain ng almusal. At parang puro kabataan ang nandirito.

"Nai-tour ka na siguro ng guide mo kahapon dito," ani Selin. Nauuna siya sa akin.

"Ah, oo. May mga bagay nga lang siyang hindi pinakita sa akin gaya ng Underground."

"Oo, kailangan surprise daw ang bagay na 'yon."

Napatango na lamang ako.

"So, Selin, ano mga ginawa n'yo rito? 'Di ba mas nauna ka?"

"Wala. Wala naman kaming ginawa. Kain, balik sa room, kain, balik sa room, kain, at tulog. Kailangan daw kasing makumpleto ang lahat ng trainees bago magsimula ang training."

Nakarating na kami rito sa hilera ng mga pagkain. Pang-umagahan talaga ang mga pagkaing matatagpuan dito. Maraming tinapay, iba't ibang klase pa. May mga prutas at sariwang gulay. May mga kanin din at ulam na hindi ko alam kung ano ang tawag. Hindi pamilyar ang mga itsura ng mga 'yon sa akin. Siguro ito ang mga kinakain ng mga taga-Alabang.

Let's RaceWhere stories live. Discover now