Chapter 4

455 26 5
                                    

Chapter 4

Barter Exchange

***

Pagmulat ko ng aking mata, nakikita ko na ang aking mga magulang na nagliligpit ng mga gamit. Himala, walang away ngayong umaga. Nitong mga nakaraang araw, isang linggo na rin yata ang nakalipas, hindi na masyadong nagsisigawan ang aking mga magulang kaya maayos na lagi ang aking umaga. Wala nang bumubulabog sa natutulog kong luga.

"Oh, Din, gising ka na. Sumama ka sa Papa mo sa marketplace. Makikipag-barter kayo. Balita namin, may mga taga-ibang syudad ang nandoroon. Maraming puwedeng maipalit."

Walang gana akong umoo at humikab bago binangon ang aking sarili. Pumunta muna ako ng banyo para maghilamos. Matapos gawin iyon, dumungaw ako sa bintana rito para tingnan ang sumisikat na araw. Napakaganda lalo na't nandito kami sa tuktok nakatira. Panira lang 'yong usok na ulap.

"Din, tapos ka na ba?" sigaw ni Papa.

"Opo."

Nagpunas na ako ng mukha gamit itong iisang twalya namin at lumabas na.

"May mga gamit ka bang hindi na gagamitin?" tanong niya nang makalabas ako sa banyo. "Para ipam-barter din natin 'yon. Kailangan marami-rami ang dala natin para may makuha tayong bagong gamit pati mga pagkain. At sana, may taga-Alabang na bumisita at bilhin ang isa sa mga gamit natin."

Once a month nangyayari ang marketplace. Sa Manila International Airport ito ginaganap dahil wala na ring silbi ang mga eroplano dahil lumilipad na ang mga sasakyan. Ang huling gamit ng mga eroplano ay taong 2600s pa.

Sa Marketplace, nagtitipon-tipon ang lahat ng mga mamamayang gustong makipag-barter. Kaya sobrang dami ring tao roon. Minsan din, may mga taga-Alabang na bumibisita. Malalaman lang namin na taga-Alabang sila dahil maayos ang kanilang kasuotan, naka-tuxedo ang mga lalaki at magagarang gown naman ang isinusuot ng mga babae. Mukha rin silang mabango kaya alam na alam naming mga nasa labas ng Alabang Walled City kung ano at sino ang mga nanggaling doon kapag nagsama-sama na ang mga tao.

May mga masusungit at masasamang ugali talagang mayayaman na akala nila, nasa kanila na ang lahat. Well, totoo naman 'yon at tinuturing nila ang kanilang sarili bilang Diyos dahil lahat ng mga teknolohiya, kagamitan at mga pagkaing makabago ay natatamasa nila. Samantala ang mga nasa labas ng Alabang, ang huling kain lang nila ng mga masasarap na pagkain ay bago pumasok ang taong 3000s. Pagkatapos na kasi niyon, nagsimula na ang global crisis sa paglobo ng populasyon. Nadamay na ang sektor ng pagkain dahil do'n.

"Ano na, Din? Wala?"

Bigla na lang akong bumalik sa aking katauhan. Grabe namang pag-iisip kasi 'to. Ang daming pinuntahan.

"Wala po."

Wala naman na talaga akong gamit na kailangan ipam-barter. Ang mga gamit ko na nga lang dito ay ang aking mga damit, cellphone ko at ang laptop ko na uugod-ugod na.

"O siya, sa 'yo na 'tong isang backpack."

Ipinatong ni Papa sa mesa ang mataba't puputok na backpack kaya lumangitngit ang mesa naming kaunti na lang ay makikipagkita na kay kamatayan.

"Grabe naman, 'Pa! Mukhang mabigat!"

"Mas mabigat pa 'yong backpack last month, Din. Hindi ka naman nagreklamo no'n. Bilisan mo dahil maghahanap ako ng pwesto ro'n sa airport."

Wala na akong nagawa kundi isukbit ang backpack na 'yon. Parang dala-dala ko ang buong mundo! Takte na 'yan.

Napahaluyhoy ako sa bigat.

Let's RaceTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon