Umiling siya habang sinasamahan ng pagkaway ng palad. "Hindi. Gusto kong sabihin ang lahat sa 'yo at makita mo kung gaano ako nagsisisi sa lahat ng ginawa ko."

Napatingin lang ako habang nagpapantig nang paulit-ulit sa tainga ko ang binitawan niyang mga salita. Tuwang-tua ang puso ko sa salitang nagsisisi. It didn't cross my mind that one day she'll be regretful from how she treated me.

"Wala akong maiharap na mukha sa 'yo simula noong huling binisita kita sa New York," sabi niya, pinunan ang katahimikang yumakap sa amin kani-kanina lang.

Nanatili naman akong nakaupo nang tuwid. Ang mga mata ay nasa kaniya, maging ang dalawang tainga ay bukas na bukas para pakinggan ang lahat ng lalabas sa labi niyang dating matabil, pero ngayon ay may timpla ng kabaitan at pagsisisi.

"Nalaman ko ang tungkol sa kanila ni Emily. Pinilit kong paaminin si Aziel kung ano ang pagkakamali na nagawa niya at doon. . ." Pikit ang mga matang hinilot niya ang kanang sentido habang nakatukod ang siko sa tuhod. Mahinang pagbuntonghininga ang lumabas sa kaniyang bibig at nagpatuloy, ". . . Doon ako natauhan na nagsasabi ka pala ng totoo."

Sandali niyang titigan ang mata ko, ngunit agad din siyang nagbaba ng tingin. "Akala ko napalaki ko ng maayos si Aziel nang mag-isa. Hindi ako naniniwalang kaya niyang gawin iyon sa 'yo dahil ikaw itong madalas na may kasamang lalaki kahit saan ka pumunta."

Hindi ko itinago ang pandidilat ng mga mata ko nang harap-harapan niyang sabihin sa akin na para bang walang masama kung marinig ko. Wala namang masama dahil mas kilala ko ang sarili ko kaysa sa mga paratang niyang walang katotohanan, pero ibang-iba talaga kapag kay tita ko mismo naririnig ang mga ito.

Niyakap ng palad niya ang kaniyang noo. "Nag-iinit ang ulo ko sa 'yo, kaya sinasabi ko iyon kay Aziel. Nag-hire pa ako ng tao para tiktikan ka kung saan ka pumupunta. Kapag wala akong naririnig sa taong dapat na magsumbong sa akin kung ano na ginagawa mo at nalaman kong lumabas ka na kasama si Sally, ang naiisip ko agad may kasama kang lalaki."

Kaya pala alam niya kung saan ako pumupunta at nalalaman agad ni Aziel kung ilan talaga ang kasama ko tuwing lumalabas ako dahil sinasabi ni tita. Kausap ko lang naman ang mga lalaking ka-trabaho ko at dating ka-batch ko. Hindi na ako kailanman tumingin sa iba simula noong maging kami ni Aziel.

Dahil nakita ko agad ang matinding pagseselos niya noong five months pa lang kaming magkasintahan during our high school days. Umiwas ako kasi alam kong magiging dahilan iyon ng pag-aaway namin pero hindi ko naman maiiwasan kung may lalapit sa akin para magtanong lang. Hindi ko naman puwedeng takbuhan agad kapag nasa harap ko nang nagtatanong.

Tama nga ng hinala si Sally. Sinabi niya sa akin noon na baka nag-hire na ng spy si Tita Vivian para lang bantayan ang kilos ko. Tinawanan ko pa ang ideyang iyon ni Sally dahil sabi ko imposibleng gagawa ng ganoon kababaw si tita para lang alamin kung ano ang pinaggagawa ko, at tanging sa mga teleserye at pelikula may ganoong pangyayari.

"Sinabi ko pa kay Aziel na baka hindi ninyo anak si Rosette."

Nagtagal ang mulagat kong mga mata kay tita na hindi man lang nag-angat ng tingin. Kaya pala ilang linggo lang ang dumaan simula noong ibalita ko sa kaniyang buntis ako, nilapitan ako ni Aziel na salubong ang kilay, galit ang mukha at nagbitiw ng katanungang walang kabuluhan. Tandang-tanda ko pa ang ekspresyon niya sa pagtatanong kung sa kaniya ba ang dinadala ko. Pinagdudahan niya ako na hindi naman dapat.

Halos abutin ako nang isang buwan sa pagpapaliwanag sa kaniyang wala akong iba kundi siya lang at sa kaniya lang ako nakipagtalik dahil asawa ko siya hanggang sa kusa siyang bumigay. Naawa yata sa akin noong makita niya akong buong buwan akong may morning sickness at naging maselan ang pagbubuntis.

A Day at a TimeWhere stories live. Discover now