Napapagitnaan na ako ngayon nina Mama at Dave.

"Ito ba ang lalaking kinababaliwan mo ngayon Azalea?" pabulyaw na tanong ni Mama.

May mga iilang estudyante na ang nanunuod sa amin. Ang iba ay kumukuha pa ng picture at nagbubulungan.

Kung mahigpit ang daklit ni Mama sa braso ko ay dama ko rin ang higpit ng hawak ni Dave sa kaliwang kamay ko na para bang hindi niya ako papakawalan kahit anong mangyari.

"Ako po si Dave at mahal ko po ang anak niyo.." mariing sabi ni Dave na hindi man lang nag-blink nang tapunan nang nakakakilabot na tingin ni Mama.

"Dave..." halos hindi na iyon lumabas sa bibig ko.

"Bitawan mo ang kamay ng anak ko." utos ni Mama na masama pa ring tinitignan si Dave na para bang hinahamon siya nito.

Hindi ko na mapigilan ang pag-uunahan na pagpatak ng mga luha ko. Nang makita iyon ni Dave ay agad na lumambot ang kanyang mukha at para bang nasasaktan din siya sa nakikita. Mas lalong kumirot ang puso ko nang bitawan niya ang aking kamay at nagbaba ng tingin.

Ako naman ay agad na hinila ni Mama sa tabi niya ng hindi pa rin binibitawan ang braso ko.

"Paano ka nakakasigurong mahal mo nga ang anak ko gayong hindi pa kayo ganun magkakilala?" 

Napamulagat ako sa turan ni Mama. Si Dave naman ay akma sanang magsasalita pero naunahan na siya ni Mama.

"Mayaman ka di ba? Itsura mo pa lang alam kong may kaya ang pamilya mo. Bakit mo napili ang anak ko sa dinami-dami ng babae rito? Walang maipagmamalaki ang anak ko. Langit ka at lupa siya. Paniguradong hindi alam ng mga magulang mo na ang girlfriend mo ay isang mahirap."

Pormal lang ang mukha ni Dave habang nakikinig kay Mama. Ako naman ay nangangatog pa rin sa takot.Hindi ko na alintana ang mga taong nanunuod sa eksena namin ngayon. Nahihiya ako. Nahihiya ako kay Dave. Nahihiya ako kay Mama at nahihiya ako sa sarili ko. Ang tanging gusto ko lang ay makaalis na sa lugar na yun. Pero paano si Dave? Nakikita ko pa lang ang lungkot ng kanyang mga mata ay kinukuyumos na ang puso ko.

"Mahal ko po si Lea,Tita. At handa po akong ipaglaban siya sa lahat kahit pa sa pamilya ko." puno ng pinalidad ang bawat salita ni Dave. "Bigyan niyo po ako ng pagkakataon na ipakita sa inyo na karapat-dapat po ako sa anak niyo. Hindi ko po kayo bibiguin." halos gusto ko nang kumawala kay Mama at yakapin si Dave nang makita ko ang luhang namuo sa kanyang mga mata.

"Mama...."ani ko.

Ni hindi man lamang nagpakita nang pagkahabag kay Dave si Mama.

"Kung mahal mo nga ang anak ko,palalayain mo siya." sabi ni Mama. " Kung hindi mo kaya,ikaw ang lumayo sa kanya dahil sa oras sa malaman kong kayo pa rin ay hindi mo na makikita ang anak ko."

Halos mabingi ako sa narinig ko mula sa kanya. Mama,ang sakit-sakit,gusto kong malaman niya iyon. Kumuyom ang mga kamao ni Dave na para bang pinipigilan ang kanyang sarili sa kung anuman ang kaya niyang gawin. Tumulo na rin ang luhang nakita kong namuo kanina.

Nagtangka akong kumawala kay Mama. "Dave!" napapaiyak kong sabi sa kanya.

"Lea..."

Humakbang si Dave at lalapitan sana ako pero umatras si Mama at kinaladkad na ako papalabas ng school.

"Dave! Dave!" sigaw ko habang pilit na kumakawala sa higpit ng hawak ni Mama.


Ito na yata ang pinakamatagal na gabi sa buhay ko. Ni hindi ko na makilala ang sarili ko dahil sa pamumugto ng mga mata ko. Wala kaming imikan ni Mama hanggang sa dumating kami sa bahay. Hindi siya tumabi sa akin sa pagtulog. Lumipat siya sa tinutulugan ni Aling Agatha. Gusto kong magsisigaw dahil sa ang sakit sakit ng dibdib ko.Para akong mamamatay sa sobrang sakit. Wala ng luhang pumapatak sa mga mata ko pero di pa rin matigil sa pag-iyak ang utak at puso ko. Nawalan na ako ng lakas pang lumaban kay Mama.

A Love To Remember [Completed]Where stories live. Discover now