trono at makata

7 1 0
                                    

[ babala: paksang politikal at pagmumura. ]

kung sa pag-aakala moʼy habang-buhay na mananatiling bulag, pipi, at bingi ang mga maralitang itinago sa karimlan ng iyong kadakilaan, nagkakamali ka.

minsanan mo na ring nabilog ang mga utak ng mga mamamayang itinuring mong mangmang sa kadahilanang kaya nilang lumuhod para sa isang daang pisong nagmula sa kaibuturan ng marumi mong pamamalakad, isang daang pisong sadyang para sa kanila, na kung hindi mo kinurakot ay maaaring maiunlad ang naghihikahos na mga desperadong kamay ng taong bayan.

makata, may isang araw din kung saan mabilis mo silang nalinlang sa mga mabulaklak mong pananalita, sa mga dunong at kaalaman mo tungkol sa pamamahala ng bayang nananatiling dukha sa kabila ng hindi na mabilang na kamay na humawak dito. naging isa kang mangingibig ng mga talinghagaʼt metapora, humarap sa bawat tao na may kislap ng determinasyon sa iyong mga mata, at sa isang iglap ay napaibig mo sila sa isang malumanay na haranang humalina sa kanilang mga pusoʼt paniniwala.

PUTANGINANG PANGAKONG PINAKO.
PINUNO? POLITIKANG PAMAMALAKAD POʼY PATIWARIK!
PIPING PANANALITAʼY PINATIKOM PARA PAGKAGAHAMAʼY ʼPAGPATULOY,
PANINGIʼY PILIT ʼPINIKIT ʼPAGKAT PANGUNGUPITʼT PERAʼY PINAGYAYABONG,
PUSANGGALANG PUTANG PARAISOʼY PAGPAPARUSA,
PINAHIRAPAʼT PINALUHOD, PAMILYAʼY PINAGDURUSA!
PAMPUBLIKONG PAMAMAHAYAG? PULOS PANLILINLANG!
PAMUMUNOʼT PAMAMAHALANG PAWANG PASARING, PUKSAIN!

isa kang hangal at sakim, gahaman sa kapangyarihang ipinagkatiwala ng milyon-milyong indibiduwal na piniling umasa sa dila ng isang huwad na makata!

dito na nagtatapos ang hardin ng iyong katiwalian at kasinungalingan, at kung sa pag-aakala moʼy habang-buhay na mananatiling bulag, pipi, at bingi ang mga maralitang itinago sa karimlan ng iyong kadakilaan, nagkakamali ka.

sapagkat ako ay isang makatang
may kakayahang kilalanin
ang kapwa makatang katulad mo,
subalit, hindi mo na mabibilog
ang ulo ng mga tao
sa kadahilanang may minsang
makatang nagmulat sa kanila
sa katotohanan.
at kung inaakala mong
ang makatang iyon ay ikaw,
NAGKAKAMALI KA.

graveyard of buried soulsOnde as histórias ganham vida. Descobre agora