Chapter 11

132 49 0
                                        

TW: Disturbing scenes/informations, Extreme profanity, Violence

***

TUMAGILID ako upang talikuran si mommy sa pag-aakalang titigilan niya na ako't hahayaang matulog.

Ngunit hindi talaga siya natinag at pilit akong iniharap sa kaniya upang gisingin.

"Ceri! Don't you wanna greet your Kuya Qiel?" tanong niya.

Tila napukaw naman no'n ang aking atensyon. Unti-unting rumehistro sa 'kin ang gulat at pagkasabik nang banggitin niya si Kuya Qiel, ang kakambal kong nag-aaral sa ibang university at buwanan lang kung umuwi sa bahay dahil nagdo-dorm siya. Dali-dali akong bumangon at halos patalon nang bumaba sa kama dahil aligaga sa pag-aayos ng sarili. Saglit akong humarap sa salamin upang siguruhing wala akong muta o tuyong laway sa mukha. Hindi naman masyadong magulo ang buhok ko, kaya sinuklay ko na lang 'yon gamit ang mga daliri upang maging mas maayos. Nakatingin lang sa 'kin si mommy habang tumatawa. "See? Ayaw mo pang gumising, ah?" pang-aasar niya sa 'kin.

"Mommy!" saway ko.

Tumayo na siya't naunang maglakad palabas habang hindi pa rin ako tinitigilan. Nakanguso akong sumunod sa kaniya. Nang makababa kami ay agad na hinanap ng aking mga mata ang Kuya Quiel ko. Naroon sila ni daddy sa sala nagkukwentuhan. Patakbo akong lumapit sa kanila upang yumakap.

"Oh!" daing ni kuya nang makaupo ako sa tabi niya't biglang yumakap sa kaniyang leeg. "Look who's excited to see me," natatawang saad niya. Niyakap niya naman ako pabalik at hindi na ako halos bumitaw kahit na nagkukwentuhan at nagtatawanan na silang tatlo nina mommy dahil sa reaksyon ko.

Kaya lang ay habang pilit akong sumisiksik kay kuya ay naramdaman kong tila napakalamig ng balat niya. Pinakiramdaman ko 'yong mabuti hanggang sa makumpirma kong kakaiba nga ang lamig niyon. Unti-unti akong dumistansya mula sa kaniya dahil biglang bumigat ang pakiramdam ko. Nilingon naman ako ni kuya. "Quien, what's wrong?" tanong niya sa 'kin nang mapansing lumayo ako.

Bakas ang pag-aala sa eskspresyon ng kaniyang mukha.

Sa hindi maipaliwanag na dahilan ay bigla na lang akong nanlamig sa aking kinauupuan. Tila napakalamig ng hanging tumatama sa balat ko kahit na nasa loob naman ng bahay at sarado ang lahat ng bintana at pintong maaaring pasukan ng hangin. Umurong akong muli hanggang sa hindi ko namalayang nahulog na pala ako sa sahig.

"Cerina?" tawag sa 'kin ni kuya.

Napalunok ako ng sariling laway.

Tinawag niya ako sa una kong pangalan.

Ibig sabihin ay hindi na siya natutuwa sa ginagawa ko. Puno na ng pag-aalala ang tono ng kaniyang pananalita.

"Ceri?" tawag niyang muli. Tila nagbago ang kaniyang boses.

Para bang mas malalim ito.

Umiling ako.

"Ceri..." ulit niya.

Umiling akong muli.

Ilang beses niya pa akong tinawag at sinubukang lapitan hanggang sa unti-unti ko nang napagtanto kung ano ang dahilan ng pagbigat ng dibdib ko at ang lamig ng kaniyang balat.

Nanlaki ang aking nga mata't napaluha nang mabaling ang paningin sa suot niyang id. Naroon ang pangalang Cero Qiel Ortega.

Paulit-ulit akong umiling.

Sino siya?

Hindi siya ang kuya ko.

Wala na si kuya.

Matagal nang patay si kuya .

Sa sobrang kaba, pagkabigla, at pagkalito ay bigla akong nataranta. Hindi ko alam kung ano ba ang dapat kong gawin. Nakatingin lang sa 'kin sina mommy at daddy na tila ba nawiwirduhan sa ikinikilos ko. Bakas din sa kanilang mga mukha ang pag-aalala sa 'kin. Nagpalipat-lipat lang ang tingin ko sa kanilang tatlo. 'Yong lalaking kamukhang kamukha ni Kuya Qiel ay pilit pa rin akong tinatawag.

Maya-maya pa ay tumayo na siya't lumapit sa 'kin. "Ceri, what's wrong? Tell me... tell kuya, please? I'm worried," pakiusap niya.

Iling ako nang iling dahil litong lito na ako kung ano ba talaga ang nangyayari dito. Sunod-sunod na luha na ang nagsisipatakan mula sa aking mga mata.

Lumapit sa 'kin 'yong lalaki at lumuhod sa harapan ko.

Dahil sa takot ay napaatras ako. Nanginginig kong pinunasan ang aking luhaang mga mata gamit ang likod ng palad ko habang ginagawa 'yon. "No," tanggi ko. Nagtunog bulong 'yon dahil sa hina ng boses ko gawa ng panginginig.

"What? Hey," pilit niya sa 'kin. Naro'n pa rin ang lumanay ng kaniyang tono, ngunit ang rumerehistrong boses sa 'king tainga ay malalim na tila ba nanggagaling 'yon sa ilalim ng lupa.

Hindi naman gano'n ang boses ni kuya.

Pilit niya akong inabot kahit na umiling ako nang paulit ulit sa kaniya. Hindi siya natinag at tuluyan na nga niya akong mahawakan. Marahan niyang hinaplos ang tuhod ko.

Magaspang at tila napakabigat ng kaniyang mga palad.

Hindi naman gano'n ang kay kuya.

Malalambot at magaan palagi sa pakiramdam sa tuwing dumadampi sa 'king balat ang mga palad ni Kuya Qiel.

Hindi ganito.

"Hey... look at me, please?" pakiusap niyang muli. Inabot niya ang aking baba na siyang naging dahilan ng lalo kong pagluha. Yumuko ako at humagulgol na ng iyak dahil sa takot. Hindi ko gusto ang paraan ng paghawak niya sa 'kin.

Hindi kagaya ng kay kuya.

Ngunit kahit anong iling ko ay hindi pa rin siya tumigil. Pinilit niya akong tumingala at tignan siya. Nagtagumpay naman siya ro'n dahil 'di hamak na mas malakas siya sa 'kin. Pinuwersa niya akong salubungin ang kaniyang mga mata.

Umiyak pa ako lalo dahil do'n. Nanlalabo na ang paningin ko dahil nahaharangan ng luha ang aking mga mata.

"What's wrong, baby?" nakikiusap niyang saad.

Ramdam na ramdam ko ang bigat ng kaniyang pagtitig sa 'kin. Hindi ko 'yon kinaya, kaya umiling ako. Wala akong ibang maisip kung hindi ang umiling na lang nang paulit ulit. Sinubukan kong yumuko muli dahil hindi ko siya kayang titigan, ngunit nagulat na lang ako nang ang kaniyang kamay na sa baba ko nakahawak kanina ay bigla niyang dinala sa buhok ko. Marahas niyang hinila ang ilang hiblang nasakop ng kaniyang palad upang patayuin ako.

"Ah!" nanghihinang daing ko.

Sinubukan kong kumawala mula sa kaniyang kapit, ngunit hindi ako nagtagumpay.

Nasasaktan ako.

Devil's Hour: When the Clock Struck Twelve | COMPLETEDWhere stories live. Discover now