"Hmmm, kung ganu'n pagmamay-ari ko na ang mundo?" Tanong niya at agad akong umiling sa kaba.

"Hi-hindi! Hindi mo pwede angkinin ang mundo!" Sagot ko sa kaniya at tumaas lang ang isang kilay niya sabay subo ng karne gamit ang kamay niya.

"Bakit hindi? Noon nga lagi ko pinupuno ng itim na apoy ang sanlibutan, sinasamba nila ako at inaalayan ng maraming tupa at baka," sagot niya at tinaas ang karne sa kamay niya.

"Pero mas masarap 'to, hindi ko alam pano mo ginawa 'to at dahil d'yan hindi ko susunugin ang kastilyo mo," sagot niya sabay subo ulit ng karne sa kaniyang bibig.

Mahabagin! Dapat ako magpasalamat sa kusinero namin, kasi kung hindi dahil sa kaniya ay baka wala na kami ngayon.

"Hahaha, kung gusto mo ay maaari ka pa naman namin paghandaan niyan," tugon ko sa kaniya kahit na malapit na kami maubusan ng karne sa kakakain niya.

"Maiba ako, bakit may kasama kang bampira sa tabi mo?" Tanong niya sabay turo kay Viggo gamit ang mahahaba niyang kuko na may nakatusok pang piraso ng karne.

"Butler ko siya," maikli kong sagot at napaisip naman siya.

"Hindi mo na siya kailangan dahil dito na ko titira at walang ni sino man ang gagambala sayo kung malaman nilang kasama mo ang Dark Dragon na si Achlys," sagot niya at halos mahilot ko ang noo ko sa sakit ng ulo sa mga pangyayari na hindi ko inaasahan.

"At sino naman nagsabi sa 'yo na titira ka rito?" Tanong ni Viggo at agad akong lumingon sa kaniya at pinanlakihan siya ng mata.

"Ha? Hahahaha! Kinukwesyon mo ba ko?" Tanong naman ng dragon at inangilan lang siya ni Viggo nilang sagot.

"Tama na! Ako ang lady sa lugar na 'to kaya ako ang masusunod at hindi kayong dalawa!" Tapang-tapangan kong sagot sa kanila kahit na alam kong wala pa sa kalingkingan ng lakas nila ang lakas ko.

Baka isang pitik lang ako nitong si Achlys ay tumba na ko pero kailangan kong pasunurin siya dahil hindi maaari na maging sunod-sunuran lang ako dahil sa takot ko sa kaniya.

"Hmm... palaban ka para sa isang mortal na may dugong mangkukulam," sagot niya na nagbigay naman sa 'kin ng pagtataka.

Pareho sila ng sinabi ni Viggo at ngayon kompermado ko na, na maari ngang galing si Kiera sa lahi ng mga witch.

"Alam mo ba ang tungkol sa mga mangkukulam? Nabasa ko ang istorya mo sa loob ng kweba," sagot ko sa kaniya at si Viggo naman ay tahimik lang na nakikinig sa usapan namin.

"Syempre alam ko, kinulong kaya ako ng isang mangkukulam doon at kaya mo nabasa ang mga nakasulat doon dahil ikaw ang pangalawang buhay niya o sabihin na 'ting isa kang reincarnation niya," sagot niya sa 'kin na lalong nagbigay ng tanong sa isip ko.

"Ha? Anong reincarnation?" Tanong ko sa kaniya at tinignan niya lang ako nang seryoso, mata sa mata.

"Kung nais mong sabihin ko sa 'yo lahat paalisin mo 'yang bampira na nasa likuran mo," sagot niya at para bang nakatunog ako sa maaari niyang sabihin.

Hindi kaya alam niyang hindi ako galing sa mundong 'to? Hindi kaya alam niyang hindi talaga ako ang babaeng kaharap niya ngayon?

"Nagloloko ka ba? Hindi ako pwedeng umalis sa tabi ng master ko!" Sagot naman ni Viggo pero tumingin ako sa kaniya.

"Viggo wag ka mag-alala, tatawagin naman kita kung may mangyayari sa 'kin o kung may gagawin siya sa 'kin," sagot ko sa kaniya at muli siyang umiling.

Blood Contract with her Royal VillainessWhere stories live. Discover now