Hinugot ni Rafael ang isa sa mixtape na ibinigay ko sa kan'ya, hindi ko agad na-proseso iyon kaya naman huli na bago ko pa s'ya mapigilang ipasok iyon sa boombox para patugtugin. Mabuti na lang ay ang side b ang tumugtog at hindi ang boses kong kung ano-ano ang sinasabi.

"Ano namang naisip mo para patugtugin 'yan, ha?"

Nagkibit-balikat s'ya. "Gusto ko lang marinig."

Sa pagkakatanda ko, ang unang binigay kong mixtape ang tumutugtog ngayon, ito rin ang binigay ko noong birthday n'ya dahil ang kantang Ligaya ng Eraserheads ang lumalabas na musika mula sa boombox.

Marahan akong pumapadyak-padyak, kumakanta kasabay ng tugtog na lumalabas sa boombox habang dinadama ang musika. Nagkapalitan kami ng tingin ni Paeng, at nakita kong sinasalamin n'ya ang kilos ko.

Ginawaran n'ya 'ko ng ngiti, at hindi n'ya alam kung gaano noon pinasaya ang puso ko. Sa wakas, kahit sa bagay na 'to ay kaya n'yang mapangiti.

Sabay kaming umawit, katulad lang ng dati naming ginagawa. Hinayaan naming dalawa na magsaya sa musika. Panandalian naming kinalimutan ang lahat habang nakatuon ang tingin ko sa pares ng mga mata n'ya habang ang kan'ya rin ay nasa akin.

Namalayan ko na lang na habang tumatagal ay lalong umiiksi ang pagitan namin sa isa't isa, mas lalong nagiging malinaw ang makakapal n'yang pilikmata sa'kin, lalo na ang mapula n'yang mga labi na pilit kong iniwasan para pigilan ang sarili ko. Mabuti na lang at may ingay, dahil kung pumapangibabaw siguro ang katahimikan ngayon ay ang pintig galing sa loob ng dibdib ko ang magsisilbing panangga sa patlang.

Kung wala pang magsasalita sa amin ng ilang sandali ay tuluyan na 'kong bibigay. Tatakas na ng kusa sa mga labi ko ang hindi ko masabi, at kung mas magiging matapang ako ay baka dumampi ang labi ko sa kan'ya ng walang pasabi.

Pero nanatiling matatag si Rafael, hindi ito nagsalita. Mataimtim lang s'yang nakatitig sa'kin na mukhang malabong pumalya.

Kaya hindi ko na napigilan, kahit pa tumatakbo ang puso ko na nagpabilis ng paghinga ko, sinambit ko na ang mga salita.

"Mahal kita."

At dito, hindi naging sapat na isang beses ko lang iyon sinabi. Naglaho ang kumpiyansa sa'kin ng biglang lumawak ang distansya sa pagitan naming dalawa nang lumayo s'ya. Pinalitan n'ya ang mataimtim na titig n'ya sa'kin nang malamlam. Tila hindi ito makapaniwala.

"Mahal kita, Rafael," inulit ko para alam n'ya na totoo ang sinasabi ko kahit pa pakiramdam ko ay ipinahiya ko ang sarili ko.

Umiling s'ya at lalo lang iyon dumagdag sa pakiramdam kong nanliliit.

"Hindi p'wede."

At para maintindihan ko, ay inulit n'ya rin iyon, "Hindi 'yon p'wede."

Inulit n'ya na parang hindi pa sapat ang unang beses para masaktan ako.

Umalis s'ya sa kinauupuan at tinalikuran ako. Pinatay n'ya ang boombox at inayos ang nakalatag na mga cassette tapes at CD para iwasan ako.

Pero gusto kong maintindihan, kung bakit iyon ang sagot n'ya. Iyon lang ba ang gusto n'yang sabihin?

"Bakit hindi p'wede?" lakas loob kong tanong kahit pa alam kong malaki ang tiyansa na malayo kong magustuhan ang sagot n'ya.

Tumayo ako para lumapit muli at tumabi sa kan'ya, doon ako naghintay ng sagot.

"Alam mo kung bakit hindi p'wede."

"Sagutin mo 'ko nang maayos, Paeng. Kasi hindi ko maintindihan, hindi ko alam kung bakit? Ano ba ang rason kung bakit hindi p'wede?"

Tinigilan n'ya ang pag-aayos ng mga gamit sa lamesa na sa una pa lang naman ay hindi malayo sa pagiging magulo. Sa muli, hinarap na n'ya 'ko, kahit pa pakiramdam ko ay napakalayo ng mga mata n'ya sa'kin.

"Magkaiba tayo, Dayang. Nakikita mo ba 'tong sitwasyon ko?" saad n'ya sabay lahad sa kamay na tinutukoy ang kubo na tinitirhan n'ya. "Nakikita mo ba kung ano'ng meron ako? Wala! Wala akong maibibigay sa'yo."

Napa-awang ang bibig ko dala nang pagkabigla. "Pero wala akong hinihingi sa'yo, Rafael. Mahal kita, hindi dahil sa kung anong mabibigay mo, at ni minsan hindi ako naghanap ng dahilan kung bakit ba kita mahal."

Tumahimik ako para pahupain ang tensyon, bago ipagpatuloy ang kailangan ko pang sabihin, "Wala ka namang dapat ibigay. Palagi ka namang naging sapat. Kahit kailan hindi ko nakita o naramdaman na may kulang sa'yo."

Muli ay humugot ako nang tapang.

"Mahal kita dahil lang mahal kita."

Yumuko s'ya para doon ipukaw ang mga mata n'ya. At sa ilang sandali na naghihintay ako kung ano bang maisasagot n'ya sa mga sinabi ko ay kumakapit ako sa pag-asa na baka mahal n'ya rin ako.

"Hindi..." putol n'yang sabi na impit ang boses. "Hindi kita mahal sa ganoong paraan."

Sa unang beses, hiniling ko na sana kaya n'yang magsinungaling. Dahil ang hirap tanggapin na ako lang ang nagmamahal ng ganoon sa aming dalawa, at imposible na kaya n'yang pilitin ang sarili n'yang mahalin ako higit pa sa pagiging kaibigan. Pero wala akong magagawa, hindi ko kayang diktahan ang nararamdaman n'ya.

Pinili ko ang sitwasyon na 'to, kaya kahit na pakiramdam ko ay sakit sa dibdib na hindi ko alam kung paano ko ba lulunasan, pinigilan ko ang sarili ko na umiyak sa harap n'ya.

"Sorry," aniya. "Dayang, hindi ko—"

"Ayos lang ako," pinangunahan ko na s'ya.

Magiging maayos din ako.

"Kailangan ko na sigurong umuwi," paalam ko rito.

"Ihahatid na kita."

Dumagdag ang inis sa halo-halong kumpol ng emosyon ko. Gusto kong mag makaawa sa kan'ya na huwag na s'yang maging mabait, na maging sensitibo s'ya at makiramdam na nasasaktan ako ngayon.

"Kaya ko ang sarili ko..." mapait kong tanggi. "Mauna na 'ko."

Mabilis ko s'yang tinalikuran dahil hindi ko na kayang magpigil pa. Tumakbo ako papaalis ng kubo para makauwi na sa'min para malaya kong maibuhos ang mga luha ko na masyado nang mabigat para kupkupin ko pa.

Tuloy-tuloy lang ang agos ng luha na parang hindi nauubos kahit pa papalapit na 'ko sa bahay namin. Natatakot akong makita nila akong luhaan pagkauwi. Ano na lang ang sasabihin ko? Na umiyak ako dahil hindi ako mahal ni Rafael?

Huminto ako sa paglalakad para pakalmahin ang sarili ko. Hinihiling na sana tumigil na ang paghikbi ko. Gusto kong sumigaw dahil hindi ko kayang sundin ang sarili kong kagustuhan. Hinawakan ko ang dibdib ko para pahupain ang sakit doon.

🎶🎵🎶

NAKARATING AKO SA BAHAY matapos ang ilang oras na pamamalagi sa bukid namin para roon magtago. Paniguradong mapapansin nila Papa, Tita Ning, at iba pang mga tao sa bahay na may mali sa'kin lalo na't halata iyon sa mga mata kong namumugto pa rin hanggang ngayon.

Nagkulong ako sa kwarto at nagawa ko rin magsinungaling kina Papa na hindi ako gutom kaya naman hindi ko sila masasamahan sa hapunan.

Pero biglang pumasok si Tita Ning sa kwarto ng walang pasabi, dala naman ng takot ay napatakip ako ng mukha gamit ang unan ko.

Sa bakanteng espasyo ng kama ay naramdaman kong umupo ito. Hinaplos n'ya ng ulo ko—kagaya kung paano gawin iyon ni Rafael; banayad at magaan. Hanggang dito, pati sa maliliit na bagay s'ya pa rin ang naaalala ko.

"Anong nangyari?"

Imbis na salita ang isagot ko rito ay pag-iyak ang natatanging lumabas sa'kin. At pasalamat ko na lang kay Tita ay hinayaan n'ya 'ko at niyakap na lamang.

Mabuti na lang din, dala siguro ng pagod ay nakatulog ako para tapusin na ang araw. Panandalian ay makakalimutan ko ang lahat. Maibabalik ang kapayapaan na mayroon ako sa iilang oras bago sumikat ulit ang araw para ipadama muli ang sakit.

•••

Every 17thTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon