Napa-awang ang bibig ko sa tuwa nang makita ang mga putahe na nakahanda. Mayroon kasing maja blanca na alam kong panigurado ay si Manang Tere ang may gawa. Bida rin ang lechon na nasa gitna ng lamesa, ‘yon nga lang, hindi ako mahilig dito.

Sinalubong kami ni Papa. Itinuro nito ang bakanteng silya kung nasaan nakapwesto na si Tita Ning katabi si Ian. 

“Doon na kayo maupo,” ani Papa na sinunod naman namin.

Tuwang tuwa naman si Ian na kinulit na naman si Rafael. Mas masaya pa ‘to sa   presenya ng kaibigan ko kaysa sa’kin na kapatid n’ya. 

“Dayang, napanuod namin kayo kanina sa kantahan, ang galing ha.” Nakangiting puri ni Manang Joyce sa’min.

“Nako, Manang Joyce, hindi lang talaga nakita ng mga judges ang hidden talent ko, sabagay hidden nga, e,” malokong sagot ko naman dito. 

Kasama sa salo-salo ang pagku-kwentuhan, bukod kasi sa selebrasyon kapag pista, ito rin ang nagsisilbing pahinga ng mga tao rito lalo na ng mga magsasaka sa Idiyanale na araw-araw nagtatrabaho sa bukid. 

Pinigilan ko ang sarili ko na magpaka busog ng sobra-sobra, tutungo pa kasi kami kina Rafael at doon ay may handaan din. 

Lumipas ang mahigit isang oras na pamamalagi namin sa bakuran ng bahay bago mapagdesisyunan na umalis na rin para naman tumungo sa susunod naming pupuntahan. 

Nagpumilit si Ian na sumama, panigurado dahil kay Rafael na naman ‘yon. Sa lahat ata ng makaka-agaw ko sa atensyon ng kaibigan ko, kapatid ko pa iyon. 

Malapit ang kapatid ko sa kan’ya lalo na‘t s’ya lang ang kumakaya sa kakulitan nito, tuwing bakasyon kasi ay namamalagi si Ian sa Idiyanale, at uuwi lang s’ya ng Maynila kapag pasukan na. Pinagbibigyan lagi s’ya ni Rafael kapag inaaya n’ya ‘tong maglaro, minsan nga ay ginagawan pa s’ya nito ng saranggola at ito rin ang nagturo sa kan’ya kung paano umakyat ng puno para pumitas ng mangga. Sa isip-isip siguro ng kapatid ko ay ang galing-galing ni Rafael, kaya tuwang-tuwa s’ya rito. 

Habang binabaybay namin ang kalsada patungo sa kubo ay nakapagitna si Ian sa'ming dalawa, hawak-hawak nito ang magkabilang kamay namin. 

“Kuya Paeng, alam mo ba may sinabi sa’kin si Ate…” daldal na naman ng kapatid ko. Napansin ko na medyo umiitim na si Ian simula no’ng dito na s’ya namalagi, pero bumagay naman sa kan’ya. Mukhang matutulad ‘to sa’kin na amg kutis ay bilad sa arawan.

“Ano na naman ang sinabi sa’yo ng ate mo?”

“Secret daw, pero dahil the best utol kita, sasabihin ko sa’yo ang secret ni Ate.”

Nanlaki ang mata ko kay Ian, ni hindi ko nga alam kung anong secret ang pinagsasabi n’ya. Kapag nagkukwento kasi ako rito ay ora-orada, pakiramdam ko naman kasi ay ‘di n’ya maaalala ang mga pinagsasabi ko sa kan’ya. 

“Hoy, anong secret? Wala akong secret, ‘no!” tanggi ko naman habang magkasalubong ang kilay. 

Naglabas ng mahinang tawa si Rafael. “Anong secret? Bulong mo sa’kin, dali!” pangungunsinti ni Rafael at yumuko para maabot ni Ian ang tainga n’ya.

Humagikgik ang kapatid ko. Kahit pa natutuwa ako sa pisngi nito at gusto ko iyon pisilin ay nanggigigil ako sa bungisngis n’ya. Kulang pa naman ang ipin n’ya ngayon sa harapan kaya mas nakakatawa ang itsura n’ya.

“May…” panimula n’ya at tinitigan ako na naniningkit ang mga mata para lalo akong asarin. Nakatakip pa ang palad n’ya sa bibig n’ya para itago ang sasabihin n’ya patungkol sa’kin, pero rinig na rinig ko naman ang boses n’ya. “May gusto daw-” 

“Hoy!” pigil ko rito at tinakpan ang bibig n’ya, nanlaki ang mata ko dala ng gulat at kaba. Alam na alam ko na ang sasabihin n’ya. 

Impit na ingay na lang ang tanging nagawa ni Ian dahil hindi ko pa rin ‘to pinapakawalan. Napabitaw na lang ako rito ng bigla n’yang dilaan ang palad ko.

“Kadiri ka!” suway ko rito sa matinis na boses. Pinunas ko sa suot-suot n’yang t-shirt na may printa ng paborito n’yang cartoon character na si Ben Ten. 

“Ian, ‘wag mong iniinis ‘yang ate mo, ‘di ba sabi ko sa’yo nagiging monster ‘yan ‘pag galit,” si Rafael naman ang nang-inis habang hawak-hawak ang magkabilang balikat ng kapatid ko.

“Matagal nang mukhang monster si Ate,” pahabol pa ng maliit na nilalang.

“Anong sabi mo?” gigil na tanong ko habang naniningkit ang mga mata. Itinuro ko ang sarili ko. “Walang monster na cute!”

“Sabi ng classmate ko sa’kin, ‘pag cute ka, pangit ka. Eh ‘di pangit ka na lang.” 

Humagalpak ng tawa si Rafael sa sinabi ni Ian, napahawak na nga ‘to sa tiyan n’ya. 

Nakakasama ng loob ang kapilyuhan nilang dalawa, aminado pa naman akong pikon ako minsan. Ngayon, alam ko na kung kanino nagmana ang kapatid ko sa kakulitan at mapang-asar n’yang ugali, ‘di ako magkakamali na pinamana ni Rafael ang ugali n’yang ‘yon dito. Idol pa naman s’ya nitong puslit.

“Nako, magta-transform na ‘yang ate mo, bilis takbo!” sigaw ni Rafael at pinasan ang kapatid ko sa likod n’ya. Kumaripas sila ng takbo kahit pa nanatili akong nakapako lang sa kinatatayuan ko, ang pares ng mga mata ko lang ang sumunod sa pigura nilang palayo na nang palayo.

“Pasalamat kayo, mahal ko kayong dalawa,” malumanay na saad ko bago ko mapagdesisyunang lumakad na at sundan sila.

Pinasawalang bahala ko na lang ang pang-aasar ng dalawa sa’kin nang makarating na ako sa labas ng kubo nila Rafael. Biglang bumalot sa’kin ang pagkalito nang pagmasdan ko ang mga magsasakang magkakapit-bahay na tila tahimik, ni isa sa kanila ay walang imik. Ang inaasahan ko na masiglang selebrasyon ng pista ay hindi mararamdaman dito, bagamat makikita ang iba’t ibang mga putahe na nakahain sa mahabang lamesa, pati na ang videoke na walang kumakanta ay patay ang sigla. 

Tumungo ako sa loob ng kubo dahil wala akong mahanap na Rafael at Ian sa grupo ng mga tao na nandirito. Sakto, pagkapasok ko ay nadatnan ko agad sila roon at naka-upo sa tabi ng hapag kainan kasama ni Tiyang Rosa. Lumalim lalo ang pagtataka ko ng tumambad sa’kin ang bagsak na mga labi ng matandang babae, malamya ang mga mata nito, malayong-malayo sa saya na nakapinta sa mukha n’ya kanina lang noong pinapanood n’ya kami sa Kantahan sa Bayan.

Pinigilan ko ang sarili ko na magtanong kung ano ba ang nangyari at bakit mukhang nanlulumo ang mga tao rito pare-pareho. Pero hindi ko na kinailangan pang magsalita dahil nagkusa na si Tiyang na sagutin ang katanungan sa isip ko.

“Pinapaalis na tayo…” malabong sabi nito habang nakayuko. Ang kamay nito ay nasa dibdid n’ya na parang pinapakalma ang bugso ng damdamin na hindi ko alam kung saan nanggagaling.

Pinapaalis? Bakit naman sila pinapaalis? 

“Dumating ang mga tauhan ni Don Lacsamana rito. Pinapaalis na nila tayo.”

Bumagsak ang dalawang balikat ko nang marinig ko iyon. Hindi pwede, kung si Don Lacsamana nga iyon ay hindi pwede. 

Hindi pwedeng umalis na lang sila Rafael at ang iba pang magsasaka nang ganoon na lamang kadali.

•••

Every 17thTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon