Chapter Six

12.7K 352 15
                                    

SABADO ng gabi, pumunta sa Gentlemen’s Bar si Khalee pero hindi para uminom. Gusto lamang niyang makita si James. Ngunit minamalas ata siya. Wala si James at ayon sa on duty na bartender na si Moonshine ay nasa Davao raw si James at hindi nito alam kung kailan uuwi.

Bigla na lamang siya nilamon ng damdaming hindi niya maipaliwanag. Kinalimutan niya ang mga agam-agam niya. Ngayon niya naramdaman na malungkot siya at nangungulila sa isang tao. Ilang araw lamang niyang hindi nakita si James pero tila ilang dekada na ang nakakalipas.

Namimis niya si James. Pakiramdam niya’y hindi buo ang araw niya kapag hindi nakikita ang binata.

Uminom siya ng isang baso lang ng cocktail saka umuwi din siya kaagad. Pagdating niya sa bahay ay nagtataka siya bakit nakabukas ang ilaw sa salas.

Kinabahan siya. Hindi pa niya binubuksan ang ilaw magmula kaninang umaga. Iniisip niya na baka may nanloob na sa bahay niya.

Marahang binuksan niya ang pinto habang maingat sa paghakbang. Natigilan siya nang makasamyo siya ng pamilyar na amoy ng isang kilalang prutas. May kung anong pananabik siyang nadama nang maamoy niya ang hinog na prutas na durian.

Humakbang siya papasok sa kusina. Ang kaba niya kanina ay nahalinhan ng pagkasabik nang makita si James na pinapakain si Harry. Bahagya pa itong nagulat nang makita siya. Dagli itong tumayo.

“H-Hi!” nakangiting bati nito.

Nagtataka siya kung paano ito nakapasok. “S-saan ka dumaan?” kapagkuwa’y tanong niya.

“Sa pinto ni Harry,” anito at sinipat ang maliit na pinto ni Harry.

Nawala sa loob niya iyon. Kilala naman ito ni Harry kaya malaya itong makakaraan doon. Napansin niya ang isang buong durian na nakapatong sa mesa. Iyon na ang naaamoy niya.

Nangangamoy Davao ang kabahayan. “Nanggaling ka pala sa Davao,” aniya.

“Oo. May binuksan kaming branch ng Agency namin doon. Actually, kararating ko lang, may dalawang oras na. Paano mo nalamang nasa Davao ako?” pagkuwa’y natanong nito.

Hindi siya kaagad nakaimik. Ano nalang ang iisipin nito? Na nag-abala siyang magtanong sa mga kaibigan nito kung nasaan ito? Bagaman totoo naman. Bigla siyang nailang sa binata.

“Ahm, n-narinig ko sa mga kaibigan mo nang pumunta ako sa bar ninyo,” pagsisinungaling niya.

“Naglasing ka nanaman?” paangil na tanong nito.

“Ah, one shot lang,” aniya.

Hindi ito umimik.

Nakadama siya ng pananabik nang mahinuha na nagagalit ito dahil uminom nanaman siya ng nakakalasing. Napapangiti ang puso niya. Kung tutuusin pala ay dumiretso ito roon pagkadating nito mula sa Davao.

“Bakit pala dito ka kaagad napadpad?” nakangising tanong niya.

“Namimis kita,” diretsong sagot nito.

Tila may sumabog na kung ano sa puso niya. Uminit ang magkabilang pisngi niya.

Humakbang ito palapit sa kanya.

“Pagpasensiyahan mo na ang pasalubong ko. Durian lang ang nabitbit ko at mukhang naghasik pa ng amoy sa bahay mo. Hindi ko alam kung kumakain ka ng prutas na iyan pero wala akong maisip na mai-uuwi sa iyo. Durian lang kasi ang alam ko na kilalang matatagpuan sa Davao,” naiilang na sabi nito.

Naninibago siya sa ikinikilos nito. Nagmistula itong santo na hindi makabasag-pinggan. Pero aywan niya bakit lalo lamang lumakas ang karesma nito sa pakiramdam niya.

Bartenders Series 6 Scotch (Completed) EditingUnde poveștirile trăiesc. Descoperă acum