Chapter Two

15.1K 389 4
                                    

DUMILAT ng mga mata si Khalee nang maulinigan niya ang walang puknat na pagkahol ni Harry. Bumalikwas siya ng bangon at sumilip sa bintana na nakatapat sa gate. May nakita siyang bata na pilit ipinapasok ang kamay sa rehas na bakal ng kural—upang mapitas nito ang bulaklak ng rosas na tanim niya.

Tuwing umaga nalang ay may nakikita siyang bata na namimitas ng mga halaman niya. Pinapabayaan lamang niya ang mga ito kesa dumagdag pa ang mga ito sa iisipin niya.

Hinayaan na niya si Harry na magtaboy sa bata. Pumasok na siya sa palikuran at naligo. May panakanaka paring kirot sa ulo niya. Buhat iyon sa nainom niyang alak kahapon at dahil na rin sa stress.

Habang abala siya sa pagsasabon ng katawan ay hindi niya inaasahan na biglang may imahe ng lalaki na rumehistro sa isip niya. Kahit anong iwas niya’y sadyang dumadapo sa isip niya ang imaheng iyon ng lalaki na minsan lamang niya nakita.

Kahit lasing siya kagabi ay hindi niya nakalimutan ang pangalan at pagmumukha ng guwapong Bartender. First time niyang uminom sa Gentlemen’s Bar. Sinubukan lamang niyang dumayo roon upang matiyak kung talaga bang masarap mag-unwind roon.

Narinig kasi niya minsan sa boarders niya na maganda raw ang place para mag-unwind dahil sa magandang serbisyo ng naturang bar. Hindi niya akalain na sandali siyang makakalimot sa mga pasakit na nararanasan niya nang makita niya ang guwapong anghel dela guwardiya kung maituturing niya.

Hindi na naalis sa balintataw niya ang guwapong imahe ni Scotch. Kakaiba ang taglay na sex appeal ng lalaki. Hindi lamang sa hilatsa ng mukha niyon nakikita ang kagandahan. Napaka-sexy ng lalaki, mainit sa mata ang kabuoan niyon.

Si Scotch ang tipo ng lalaki na mainit sa mata ng mga babae. Pakiwari niya’y kawawa ang asawa o kasintahan niyon sapagkat marami itong makakarebal.

Pagkakakilala rin niya sa unang sulyap kay Scotch ay hindi rin iyon mapagkakatiwalaan. Kakagat at kakagat iyon sa mga babaeng umaakit dito.

Pagkatapos niyang maligo ay nag-asikaso na siya. Nang damputin niya ang cellphone niya ay napansin kaagad niya ang apat na missed call. Nagtatagis ang mga bagang niya nang malamang mula nanaman iyon kay Anton.

Itinaboy na nga niya ang lapastangang lalaki ay nagagawa pa rin nitong magmalinis. Pakiramdam niya’y tumigas na ang puso niya paris sa isang buhay na bato.

“Ang kapal ng mukha niya, may gana pang magparamdam!” nanggagalaiting wika niya.

Abot lalamunan pa rin ang galit ni Khalee sa dating live-in partner na si Anton. Isang buwan na ang nakakalipas nang mabatid niya na may nabuntis na babae ang walang hiya. Ibinigay niya ang lahat, tinalikuran niya ang pamilya niya para lang makasama ito.

Mahal niya si Anton. Inalagaan niya ang relasyon nila na umabot ng dalawang taon. Hindi niya alam kung paanong nagawa pa siya nitong pagtaksilan. Ang alam niya’y hindi siya nagkulang.

Habang pinagmamasdan niya ang mga larawan nila ng lalaki ay lalo lamang sumusikip ang dibdib niya. Mayamaya’y nakumbinsi siya na burahin na lahat ng alaala ni Anton. Inipon niya lahat ng larawan at mga kagamitan na ipinundar ni Anton para sa kanya.

Sa likod ng bahay niya ay inipon niya ang mga iyon at sinunog. Gusto na niyang kalimutan ang lahat. Alam niyang hindi madali pero naniniwala siyang darating ang araw na makakapag-move on din siya.

Habang lumiliyab ang apoy sa harapan niya ay wala namang awat sa pagpatak ang kanyang mga luha. Gusto niyang umiyak nang sa gayon ay maibsan ang sakit na nadarama niya.

Mamaya’y naramdaman niya si Harry na kinakalabit ang paa niya gamit ang nguso nito. Nagtiungko siya sa harapan ng aso at hinipo ang ulo nito.

“Are you hungry?” tanong niya sa aso.

Bartenders Series 6 Scotch (Completed) EditingWhere stories live. Discover now