“Huwag mo akong alalahanin. Para sa’yo naman talaga iyan.” Humigop ito ng kape mula sa maliit na tasa. “Kapag kailangang bumawi ng lakas ni Eirene, katas ng pakwan na galing sa Puno ng Pakwan ang iniinom nya. Marahil nasabi na nyang paborito nyang prutas iyon bukod sa unang itinanim para sa kanya ni Keithia noong bata pa sya.” Tumango sya. “May basbas ng Inang Kalikasan ang punong iyon kaya nagsisilbing energy drink iyon ni Eirene. Dahil magkadugtong ang inyong Puwersa ng Buhay, ganoon din ang epekto sayo ng inuming iyan.” Idinagdag pa nitong ang prutas ding iyon ang dahilan kung bakit nawala ang pagiging masakitin nya noong bata sya.

“Hindi sana mapapahamak si Eirene kung hindi nya ibinigay ang Puwersa ng Buhay nya.” Hindi pa rin nya mapigilang makaramdam ng guilt. Pakiramdam nya’y kasalanan nya ang lahat.

“Huwag mong sisihin ang sarili mo, Olivia.” Inabot nito ang kamay nyang nakahawak sa baso saka marahang pinisil. Nang magtama ang mga mata nila’y kita nya ang pang-unawa mula rito. “Sinisi ko rin ang sarili ko noon sa mga nangyari sa inyo ni Eirene. Na kung naging mas malakas lang sana ako’y hindi hahantong sa ganito ang lahat.”

“Pero dahil sayo nagkaroon ng pagkakataon si Erin para mabuhay muli.” Malaki ang pasasalamat ni Olivia na binigyan sya nito ng pagkakataong baguhin ang nakatakdang kamatayan ni Erin.

“Hindi ako ang nagbigay ng pagkakataong iyon, Olivia.” Malungkot itong ngumiti.

“Anong ibig mong sabihin?”
Malamlam ang mukha nitong tumingin sa mga iba’t- ibang klaseng bulaklak na nakatanim sa hardin sa labas ng bintana. May fountain sa gitna ng munting paraisong iyon na may malaking espada ng kampilang nakatusok sa malaking bato, na syang nagbubuga ng tubig.

Maya- maya’y isinalaysay ng Tagabantay ang nangyari.

Nang madiskubreng namatay na ang kabutihan sa katawan ni Verona at niyakap ang kasamaan, nawala na rin ang papel nito bilang Tagabantay.

Ang pag-ibig ni Verona para kay Eirene ay napalitan ng obsesyon. Gamit ang itim na kapangyarihan, ikinulong ni Verona ang aklat hindi lamang para magamit ni Sitan kundi para mabantayan at masigurong hindi magbabago ang nakasaad na sila parin ni Eirene ang mag-iibigan hanggang sa huli.

Ginamit ni Sitan ang libro para masilip ang hinaharap at baguhin ang para rito’y hindi kanais- nais. Hindi pumayag ang mga diyos at diyosang hawak ng Pinuno ng Kasamaan ang tadhana. Umapela ang mga ito sa Inang Kalikasan na bawiin ang aklat.

Kinuha ni Keithia ang libro mula kay Verona, na nagtangkang lumaban ngunit hindi sapat ang kapangyarihan nito para talunin ang Inang Kalikasan.

Pansamantalang ipinagkatiwala sa isang Kampilan ang aklat para itago at bantayan hanggat wala pang bagong Tagabantay.

“Isa lang akong hamak na manghuhula sa Quiapo.” Bahagyang napangiti ang Tagabantay. “Wala talaga akong kaalaman sa pagbabasa ng tarot cards o kaya guhit ng mga palad. Isa lang akong mapagsamantala at huwad na manghuhulang nagsasabi ng gustong marinig ng mga nagpapahula.”

Si Sandrea ang nakahanap sa bagong Tagabantay. Wala itong kamalay- malay na may dugo itong Kampilan. “Ang mga hindi ko nakilalang magulang ay mga Kampilan. At ako ang napili ng aklat na maging susunod na Tagabantay.”

Itinatala ng Tagabantay ang mga pangitaing ipinapakita ng tadhana. Ang mga pangitain ay kadalasan banta sa kaligtasan ng mundo. Anumang maaaring ikakapahamak ng sanlibutan ay pinipigilan o kaya’y pinaghahandaan.

Bilang babala sa Tagabantay, ipinakita ng tadhana na nanakawin ni Verona ang aklat. Ngunit bago pa man makahingi ng tulong ang Tagabantay, sumugod na si Verona. Ang mga Kampilan na pumuprotekta sa Tagabantay ay walang nagawa para mapigilang mapasakamay ni Verona ang aklat. Halos bawian ng buhay ang mga ito.

Watermelon DreamsWhere stories live. Discover now