Susubukan kong sumugal.

"Rosh, maaari ka bang maglabas ng bulaklak?"

Agad niyang inilabas ang pulang rosas at inabot niya iyon sa akin. Tinanggap ko naman iyon pero hindi pulang rosas niya ang siyang kailangan ko.

"May kakayahan kang maglabas ng iba't ibang uri ng bulaklak, hindi ba?"

Tumango siya. "But there is one—"

"Lotus. Bigyan mo ako ng lotus."

Buong akala ko'y agad niyang maibibigay sa akin ang bulaklak na iyon gaya ng paglabas niya ng pulang rosas, ngunit biglang nawala ang maganda niyang presensiya at napatitig siya sa akin na halos hindi ko mabasa ang ekspresyon.

"Rosh?"

"W-Why Lotus, Leticia?"

Mabilis akong nabalot ng kaba sa dibdib. Bakit kailangan niya akong tanungin? Bakit hindi niya iyon agad inilabas katulad ng rosas?

"H-Hindi ba maaaring—"

"Leticia, I can't... lotus ang natatanging bulaklak na kailanman ay hindi ko kayang manipulahin."

Ilang beses akong napakurap. Hindi ba't ginamit niya iyon nang sandaling sugurin ang Deltora?

Dahil mukhang nabasa niya ang nasa isip ko, agad niya nang sinundan ang sasabihin niya. "That was out of desperation. At isa pa... ganoong klase ng lotus ang lumalabas sa tuwing nais kong sumugal. It will kill me. Too ironic, right? Lotus is my mother's favorite flower. Pero hindi ko man lang magawang ilabas kung nais ko iyong pagmasdan."

Napatulala ako sa sinabi niya. Si Diyosa Eda rin ay lotus ang siyang paboritong bulaklak, isang dahilan kung bakit doon ko inilagay ang buhay ng anak niya. Nagkataon lang ba iyon?

Nais kong mapahilamos sa sarili ko. Gusto ko nang sang-ayunan si Rosh sa sinabi niyang halos lahat ay nais humadlang sa pagitan nila.

"Bakit mo kailangan ng lotus, Leticia? I can't summon one, but I can find one here. Mabilis lang akong makakahanap."

Dalawa nang kamay ko ang ipinatong ko sa isa niyang kamay. "Maaari mo ba iyong gawin para sa akin?"

"Of course."

Agad siyang tumayo at sa isang iglap ay sinalubong na lang ako ng piraso ng mga pulang rosas. Nagtungo agad ako sa grupo nina Claret at ng mga anghel, nakiusap ako sa kanila na kung maaari ay bigyan nila ako ng saglit na oras upang makausap pa si Rosh.

"I can smell favoritism. Hindi ko sinasabing hindi favorite iyong natitirang tatlo sa paligid." Ani ni Caleb na sinundan niya ng pasipol-sipol.

Mabilis na lumipad ang isang matigas at matulis na yelo sa direksyon niya na agad rin naman niyang nailagan.

"Zen!" iritadong saway ni Claret sa prinsipe. Habang wala namang reaksyon sina Blair at Seth. Sabay pa ngang tumango ang mga iyon sa akin.

Hindi naman naging mahirap ang pakikipag-usap ko sa mga anghel, habang ang mga kababaihan ay kapwa mga ngumiti sa akin upang iparating na maaari kong gawin ang nais ko. Alam kong wala silang lahat ideya sa nais kong gawin, ngunit nakikita ko sa kanilang mga mata ang tiwala.

Naniniwala akong hindi lang mga relikya ang susi sa kweba na siyang nais naming buksan, dahil simula pa lang nang tanggapin ko ang misyong itong tuklasin ang nilalaman ng misteryosong kweba, at ang mga susing magbubukas nito, narito na si Rosh sa tabi ko at nakaagapay— ang prinsipeng kasama ni Haring Thaddeus nang sandaling pumasok siya sa kweba.

Parte rin si Rosh ng susi at hindi ko hahayaang lamunin ng kalungkutan ang isa sa pinakamahalagang susi ng misyon ko.

Bago pa man ako makarating sa ilalim ng puno kung saan kami nanggaling ni Rosh ay agad ko na siyang natanawan. Nakabalik na siya at may dala na siyang pulang lotus. Lumingon siya sa direksyon ko at itinaas niya ang kanyang kilay nang ilahad niya ang lotus na kanyang hawak.

Ngunit ang ngiti sa kanyang mga labi ay unti-unting naglaho at napalitan ng pagkunot ng kanyang noo, nang mapansin niya ang mabagal na pagbalot ng gintong kapangyarihan ko sa aming paligid na tila kapwa kami ikinukulong.

"What's going on?" tanong niya habang napapatingala sa nagdadaop na gintong harang sa paligid namin.

Kasabay nang pag-abot ko ng pulang lotus ay ang paglapat ng kamay ko sa kanya. Bumaba roon ang kanyang mga mata na may bahid ng matinding pagtataka. Dahil alam kong nararamdaman niyang hindi lang iyon normal na hawak.

Sumasalin na ang ilang kapangyarihan ko sa lotus na kapwa hawak ng aming mga kamay. Ginamit ko na rin ang paraang ito nang sandaling dalhin ko sa mundo ng mga tao ang unang anak ni Diyosa Eda.

Siguro...siguro...

Nais kong sumugal.

Kailan ay hindi nagkaroon ng magandang pag-uusap sa pagitan namin ng asul na apoy. Bagaman may iisa kaming pinaglalaban, rason kung bakit hindi na namin nais pang manatili sa Deeseyadah at katapatan kay Diyosa Eda... hindi ko pa rin masasabi na may maganda na kaming koneksyon sa isa't isa.

Naniniwala akong ngayo'y nasa kamay na niya ang babaeng itinakda sa prinsipeng ngayo'y nasa harapan ko.

Kahit saglit lang... kahit saglit na pagsasama lang ay ipipilit ko.

Dahil alam kong ako lang at wala nang iba pa ang may kakayahang magparanas nito kay Rosh at kung sakaling magkaroon ng hindi magandang resulta ang digmaan... siguro'y ang paraang ito'y saglit na magpapagaan sa dibdib niya habang siya'y naghihintay.

Ito na lang ang maitutulong ko habang naririto pa ako... may natitirang kapangyarihan, nasa harapan niya't nananatiling buhay.

"Why lotus?" muli niyang tanong sa akin habang patuloy na nagliliwanag ang maliit na bulaklak na hawak ng aming mga kamay.

Tipid lang akong ngumiti sa kanya bago ko tuluyang binitawan ang bulaklak, kasabay nang unti-unting paglalaho ng prinsipe.

Paglalahong sana'y aabot sa kamay ng babaeng pinakamamahal niya.

Moonlight Throne (Gazellian Series #6)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon