Umihip ang malamig na hangin kasabay nang marahang pag-angat ng tingin ni Rosh sa kalangitan. Tipid niyong nilipad ang eleganteng buhok ng prinsipe.

Isa iyon sa napapansin ko sa kanila, hindi lang kay Dastan, kahit ang tipid nilang kilos sa pag-upo lang sa damuhan ay sumisigaw ng royalidad. Kung si Dastan ay pino at pormal ngunit sumisigaw ng matinding atraksyon, ibang-iba kapag si Rosh ang siyang pagmamasdan ko. Napaka-elegante, nakakatulala... napakakisig na prinsipe.

Isang paru-parong kulay rosas ang siyang nagpakita at unti-unti iyong dumapo sa tungki ng ilong ng prinsipeng nakatanaw pa rin sa kalangitan. Marahan niyang ipinikit ang kanyang mga mata na tila pinakikinggan ang bulong ng paru-paro.

"Should I let go and accept?" tanong niya sa akin habang nanatiling nakapikit. Ang paru-paro'y naroon pa rin sa tungki ng ilong niya.

Umiling ako sa kanya kahit hindi niya ako nakikita.

"Or should I find someone else?"

Muli akong umiling. Gusto kong sabihin sa kanya na maghintay pa siya, kaunting tiis na lang. Darating ang babaeng hinihintay niya, hindi man sa panahong ito pero nakatakda silang muling magkita.

Pansin ko ang mas lalong pagdiin ng pagkakapikit niya na parang nahihirapan siyang pakinggan ang sinasabi ng kanyang paru-paro. Hindi na ako nag-aksaya ng oras at ako na mismo ang lumapit sa prinsipe. Marahan kong inilapit ang sarili ko sa kanya at ibinulong ko ang pangalan na unti-unti na niyang nakakalimutan.

"Noella... Noella... mahal na prinsipe."

Nang sandaling ibulong ko iyon ay agad nagmulat ang kanyang mga mata. Unti-unti na siyang lumingon sa akin at tuluyan na niyang sinalubong ang aking mga mata.

Hinawakan kong muli ang kamay niya. "Darating siya, Rosh..."

Mapait siyang ngumiti sa akin. "Katulad ng sabi nina Claret? Kalla at Naha? Ngayon ay ikaw? Who else?"

Si Rosh ay may napakalaking parte na sa paglalakbay kong ito. Simula nang maghiwalay kami ni Dastan at lumayo ako sa Parsua Sartorias, wala na siyang tigil sa pagtulong sa akin, sa mga Gazellian at hindi man niya napapansin ay sa kabuuan ng mundong ito. Gusto ko siyang tulungan kahit sa maliit na bagay lamang.

Ngunit paano? Hindi ko maaaring isiwalat sa kanya ang lahat. At alam kong ang mga salitang masasabi ko sa kanya'y magdadala lamang ng karagdagang bigat sa kanyang pakiramdam.

Nakagat ko ang pang-ibabang labi ko.

Tumanaw ako sa direksyon nina Claret at ng iba pa naming kasamahan, anumang oras ay matatapos na panggagamot niya at aalis na kaming mga kababaihan. Mawawalan na kami ni Rosh ng pagkakataong mag-usap pa at lalong hindi ko gugustuhing sumama sa digmaan ang prinsipeng ito na kay bigat ng nararamdaman.

Ang kaninang kamay kong may bahid pa ng pag-aalinlangan ay hindi na tumigil pa sa ere. Kusa na iyong nagtungo sa may leeg ng prinsipe. Tipid kong itinapik doon ang ilang daliri ko, dahilan kung bakit may unti-unting gintong gumapang sa paligid ng kanyang leeg. Isa iyong pinong puting gintong kwintas at ang nakasabit doo'y hugis ng rosas. Maliliit na letra ang siyang iniukit ko sa likuran ng rosas—Noella.

"You like her second name." Tipid nang nakangiti ang prinsipe habang hawak iyong rosas na nakasabit sa kwintas na ngayo'y nasa leeg niya.

"Gusto mo bang buuin ko?"

Umiling na siya sa akin. "I can already remember her by this."

Hindi ko alam kung tama bang gawin ko ang bagay na ito, pero alam kong pagsisisihan ko kung hahayaan kong patuloy na mapagod si Rosh, mahirapan at unti-unting mawalan ng pag-asa.

Moonlight Throne (Gazellian Series #6)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon