CHAPTER 16 🌾

74 18 87
                                    



"ALAM MO ba 'Nak, noong maliit ka pa lang paboritong-paborito mo itong ginataang monggo ng nanay mo? Ang sabi mo pa rito ay parang mani ang lasa," masayang pagkukuwento ng tatay ni Ellaine habang sabay silang nananghalian.

Nagtinginan sa isa't isa ang tatlong nakababatang kapatid saka nagtawanan.

"Ate, bakit naman lasang mani 'to para sa'yo eh ibang-iba naman po ang mani?" sabad ni Dennis. Nagsandok ito ng sapat na ulam at inilagay iyon sa kaniyang sartin na plato na may nakalagay ng kaning mais.

"Oo nga naman po, Ate," sabayang turan nina Jun-jun at Erica.

Pawis na pawis sila sa kahihigop ng mainit na sabaw. Walang electric fan ngunit presko ang hangin na nagmula sa paligid buhat ng maraming tanim na bulaklak at mga puno.

"Mga Anak, tama na nga iyan. Mabuti pa't bilisan na natin ang pagkain bago pa lumamig ito," saway ng nanay nila. Nagdagdag pa ito ng ginataang monggo mula sa kalderong sobrang itim.

Nang matapos makapaghugas ng pinagkainan si Ellaine, tumungo ito sa hagdan at pinihit ang on/off button ng kanilang radyo. Habang ang mga kapatid naman ay nagpapakain sa kanilang mga aso ng tirang pagkain. Ang nanay ay nagtatahi ng mga may butas na shorts ng magkapatid. Ang tatay naman ay nagpapainom ng mga manok na marahil ay kararating galing sa sakahan nila. Inilagay ang tubig sa limang kalahating bagol (coconut shell) na nakapalibot sa bakuran nila.

"Nay," tawag niya sa kaniyang nanay, "hindi na po malinaw ang tunog nitong radyo natin. May ekstrang baterya pa po ba tayo diyan?" usisa niya sa ina.

"Ah oo Nak." tugon ng ina sa kaniya. "Jun kunin mo na ang baterya nasa loob ng lumang kaban ng Lola niyo. Erika, ibilad mo muna sa dryer ang mga baterya, magagamit pa natin uli ang mga iyan," utos ng nanay sa mga kapatid niya.

Tinanggal ni Ellaine ang tatlong malalaking baterya mula sa likod ng radyo at ibinigay sa kapatid. Isinilid naman ang panibagong baterya na inabot ni Jun-jun sa lagayan nitong pahabang may hugis bilog at saka ipinuwesto ulit.

Nang mabuksan na niya ang radyo, "Handu—manan sa usa ka awit," malumanay na boses mula sa isang babae ang kanilang napakinggan pagkatapos ng music introduction. Paborito nilang pinapakinggan iyon tuwing ala una y medya ng hapon. Umupo siya sa pahabang upuan nilang gawa sa Ipil-ipil na kahoy.

I can see the pain living in your eyes
And I know how hard you try
You deserve to have so much more

I can feel your heart and I sympathize
And I'll never criticize all you've ever meant to my life.

Tugtog ng kantang "Goodbye" mula sa bandang Air Supply.

'Hay, malungkot na love story na naman siguro 'tong kwento ngayon ng sender,' naisip niya. Natulala siya at nang ilang saglit pa lang ay naalala niya ang nobyo. Kinuha niya ang cellphone na kanina pa niyang 'di nasilip mula sa kaniyang pack bag.

3 missed calls from Alex

Tinext niya ito. 'Hi my luv! Nand2 na me now sa hauz namin. Ng eat knb?'

Pagkatapos ng ilang segundo ay tumunog ang kaniyang cellphone at tiningnan.

'Yes, my luv, done! Ikumusta mo ako sa knila. C Nanay at Tatay pwede q b mkausap?'

'Nanay at Tatay! Wow 'Nanay at Tatay' na rin ang tawag niya?' Nakarehistro sa kaniyang isip ang mensahe ng binata. Sa kalooban ay kinikilig siya. Hindi niya napansing nasa likod na pala ang dalawang lalaking kapatid na nakatingin nang palihim habang abala siyang inaatupag ang cellphone niya. Nagbubulungan ang mga ito at tumatawa.

PROMDI'S LOVEWhere stories live. Discover now