vii. Limi

0 1 0
                                    

𝐋𝐢𝐦𝐢

Matamang nakatitig sa anyo ng usok
Ang isip ay malayo sa katotohanan
Sa bawat pag-ihip ng hangin ay ang pagkalat ng pagsubok
'Di mawari kung ilang pagkabigo pa ba ang kailangan.

Nasanay sa pagtalikod
Sa liwanag ay nanahan
Gaano katagal pa ba ang dapat asahan?
Upang ang putik ay lumapot
Upang mapatunayan lang na maging ang lupa ay kaya kong lasahan?

Sa pagharap ko sa liwanag
Anino ko'y tumago
Hindi dahil sa—ako'y busog sa pagkabagabag
Kundi repleksyon ko'y patay na't ang mga mata ko'y sarado.

Kayraming bagay ang hindi ko makita't maaninag
Subalit ni minsan ay hindi ko ginustong magmulat
Hindi ako takot umatras sa dilim, wala nang bago
Dahil maging ang anino ko'y pabigat sa aking balikat.

Pigil ang bawat hakbang,
Sinusuri ang distanya
Oras ay pabagal nang pabagal,
Taliwas sa bilis ng pagpapalitan ng araw at buwan—
Na minsan na ring iginuhit ng bersyon ng aking pagkabata.

Ilang daliri ba ang kailangang putulin sa bawat pagkakamali?
Ang isip ko'y pagod na sa pag-iisip kung ang pusta ko ba'y sapat nang maipanalo
Tulirong pilit inuunawa kung saan ba ako nababagay, o hindi—
Hindi ako dapat magsayang ng laway,
Itutulog na lang ulit tulad ng nakasanayan.

Malikot ang imahinasyon sa pagtakbo
At ang pagnilayan ang buhay ay sadyang magulo
Subalit ang pusta ko'y hindi doon nakasalalay
Hindi ko na titingnan ang bawat anggulo
Anu pa mang kutob ay malayo pa ang lakaran
Mananatiling ang utak ay kalmado.

Pagtitimbang ko'y hindi sapat na alalay
Dahil hindi katulad ng pag-iisip ay hindi ko alam kung bakit ako naparito
Walang bagay na dapat ipagkatiwala kahit kanino
Hangga't ako'y gising ay may kapaguran—
Ngunit hindi pa matatapos ang pakikipaghabulan ko sa aking anino.

@inbluence

Tatak LetraTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon