iv. Takas

3 3 0
                                    

Takas

Diwa ko'y naliligaw,
boses ko'y naghuhumiyaw,
Inilibang ang sarili't inokupa'ng patlang--
Inilibing sa alaala ang diin ng bawat hakbang.

May pagka-alinsangan wangis ng aking kahapon,
May pag-aalinlangang binaybay ang ulan,
Ragasang pumunit sa 'king kamalayan—
naging patunay na tapos na akong bumangon.

Kayraming sinulid sa lupa,
Tinapakan kong mga karayom,
Ibinaon sa aking talampakan,
Nang sa gayon ay makaahon.

Ano nga ba iyong sikretong
aking ibinaon nang matagal?
Dala nito'y abandonadong
paghingang pabagal.
Ako nga pala—sa 'king nakaraan ay huwad,
Tumakas at pumailanlang sa pagkaduwag.

Iyong aking malinis na saya'y lumapat sa lupa,
Yapak kong mga paa'y nadungisan ng putik,
Isinaboy ang inosente nitong hitik,
At hinayaang makulong ang diwa sa pagpapaubaya.

Ako'y nahirapan nang tumakbo,
Ang piring sa 'king mga matay natanggal,
At noon ay saka ko lamang napagtanto,
Maaari pa pala 'kong lumaya - nang ang katotohanan sa akin ay gumimbal.

Nang aking tingnan, mga mata ko'y pugto,
Pisngi'y mamula-mulang sinampal,
Pinunasan ang luha bilang panibagong yugto,
At sa kasalukuya'y babawi sa matagal na paghihintay.

@inbluence

Tatak LetraTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon