Prologo

25 2 2
                                    

Dahan-dahang bumaba ang bintana ng kotse ni Matteos hudyat ng pagtama ng tingin ng pulis sa kaniyang mukha. Suot ang facemask, kampante siyang hindi makilala ng pares ng matang nakatingin sa kaniya.

"Lockdown Sir, bawal lumabas kung hindi kinakailangan," saad ng armadong militar hawak ang dulo ng kaniyang baril. Inilagay nito ang kamay sa bintana ng kotse para hindi maisara ni Matteos.

Sa kabilang upuan naman ay narinig ng pulis ang pagbukas ng zipper na tumulak sa kaniyang gamitin flashlight na nakabitin sa sinturon at pailawan ang loob ng kotse. Saka lamang niya napagtanto na may kasama ito. Isang babaeng may mahabang buhok at nakafacemask rin ang humalughog sa backpack, saka inilabas ang dalawang ID.

Matteos Niel, Medical Records Specialist
Pirollu General Hospital

Lean Niel, Front Desk Receptionist
Pirollu General Hospital

Napatango ang pulis at inalis ang kamay sa bintana ng kotse. Tinapik nito nang marahan ang bubong at diniinan ni Matteos ang pindutan habang ang tinted na salamin ay dahan-dahang tumataas.

Bago pa maisara nang buo ang bintana ay may tumunog na tila nahulog na mabigat na bagay mula sa backseat. Mabilis na hinarang muli ng pulis ang kamay sa bintana at pina-ilawan ang likod.

Isang itim na kumot ang nakabalot sa 'di malamang hugis na nakahiga sa upuan. "May kasama pa kayo, Sir?" Nagsimulang pumalibot ang tatlo pang kasamahan nito na kanina'y naka-upo sa ilalim ng canopy. Ngayo'y lahat ng pinto ay may nakabantay na pulis.

"Wala po," kalmadong sagot ni Matteos, ngunit hindi kumbinsido ang armadong kausap niya. Mahigpit ang kaniyang hawak sa manibela at ihinahanda ang mga paa.

"Paki-alis po ng kumot sa likod," utos ng pulis. Nang hindi gumalaw si Matteos ay kay Lean ito bumaling. "Madam, paki-alis po ng kumot."

Napayukom si Lean sa pagdadalawang-isip kung susunod ba o hindi. Lumipas ang isang minuto bago sinubukang buksan ang kaniyang pinto ng katapat na pulis. Napalingon ang dalawa sa kaniyang gawi. Hindi bumukas ang pinto dahil nakalock ito, ngunit sunod-sunod pang pagbubukas ang sinubukan ng pulis.

"Anong ginagawa niyo? Masisira 'yung kotse ko!" Suway ni Matteos.

"Sir, inuutusan po namin kayo. Alisin niyo 'yung kumot," mariing saad nito.

Lumingon si Lean at inilahad ang kamay, dahan-dahang inaabot ang makapal na itim na kumot. Dahil dito'y hinawakan ng mga pulis ang kanilang mga baril gamit ang dalawang kamay. Sa segundong ito'y pinaharurot ni Matteos ang sasakyan.

Nagpasalamat sila sa dilim at sa mga putik ng daanan na nagtakip sa plaka ng kanilang sasakyan. Ngunit mas hihigpit ang mga susunod na checkpoint at hindi na lihim ang kanilang pangalan. Nalaglag ang kumot sa likod at umupo ang isang taong balot din ng dilim ng ala unang ulap.

WFH-2273Where stories live. Discover now