CHAPTER 38

69 8 26
                                    

Nagising ako nang maramdaman ang sobrang init na pakiramdam. Para akong isinalya sa baga ng apoy.

Marahan kong iminulat ang mata, kinusot ko ito. Bumungad sa akin ang pamilyar na silid. Kuwarto ko. Sinubukan kong umupo mula sa pagkakahiga ngunit muli akong napabalik sa puwesto nang kumirot ang ulo ko.

Kinapa ko ang noo ko nang maramdaman na parang mayroong nakapatong doon. Isang basang bimpo pala. Muli akong sumubok na tumayo at sa pagkakataong ito'y nakaupo na ako.

Nilibot ko ng tingin ang paligid. Sa side table ko, nakapatong ang baso ng tubig at mga gamot. Sa isang silya naman nakapatong ang palanggana na may laman na tubig.

"Salamat po, Mr. Villar."

Dumako ang paningin ko sa pinanggalingan ng tinig. Nakatayo si Mama sa harap ng cabinet ko rito sa kwarto habang may kausap sa telepono. Naghahalungkat din siya sa cabinet.

Binaba nito ang telepono saka humarap sa gawi ko. Medyo gulat pa ito nang makita akong gising. Kunot-noo siyang naglakad palapit sa 'kin.

"Ano bang ginagawa mo sa buhay mo, Achiemi? Pinayagan kitang pumunta sa birthday niyang kaibigan mo kahit na alam kong may pinag-awayan kayo dahil may tiwala ako sa 'yo pero bakit ganiyan, ha?" dismayadong sermon sa akin. Muli siyang tumalikod at naghalungkat sa cabinet ko.

"Umuwi ka na inaapoy ng lagnat! Iyong damit mo pa sobrang dumi. Ano bang nangyari, ha?" lumingon ito sa akin kapit ang isang puting damit. "Alam mo buti na lang kamo hinatid ka rito ni Kian dahil baka kung anong nangyari na sa iyo kung sakali man." muli itong bumalik sa kaniyang ginagawa.

Agad ko namang hinawi ang butil ng luhang tumulo mula sa 'king mata. Hindi ako sanay na pinagtataasan ng boses..

Nagmartsa ito palapit sa 'kin dala ang puting damit at pambahay na short. Umupo siya sa tabi ko at ako nama'y umiwas ng tingin habang patuloy sa paghawi ng luha.

"Anak hindi ako nagagalit, ha. Nag-aalala ako para sa kalagayan mo. Hindi mo alam kung gaano kami nag-alala matapos makita ang itsura mo kagabi. Wala ka ng malay nang dalhin ka ni Kian dito sa bahay. Hindi rin naman niya alam kung anong nangyari sa iyo." aniya at marahang kinuha ang kamay ko.

"Anak sabihin mo kay Mama kung sino ang mga na nanakit sa 'yo. Hindi ko hahayaang paulit-ulit ka nilang saktan. Pahirapan araw-araw at pagdusahin bawat saglit.." tiningnan niya ako ng diretso sa mata kaya lalo akong naluha. "...hindi ko hahayaan dahil anak kita. Anak ka namin ng Papa mo at mahal na mahal ka namin. Masyado kang mahalaga para saktan nila nang paulit-ulit."

Doon ko na hindi napigilan ang sarili sa pag-iyak. Agad akong yumakap kay Mama at parang batang humagulgol. Gumanti siya sa yakap at marahang hinagod ang aking buhok upang pakalmahin.

"Anak layuan mo ang mga taong nagdudulot ng sakit sa 'yo, ikaw na ang gumawa ng paraan upang maiwasan ang sakit." bulong nito.

Pareho kaming natigilan nang bumakas ang pinto at iniluwal si Clandrea na ngayo'y hindi maitsurahan ang mukha.

"Ate anong klaseng kaibigan 'yang si Ate Lairca, ha? Iyang boyfriend mong si Kuya Fieren?! Napakasama nila! Paano nila nagawa sa iyo 'to? Argh! Kapag talaga nagkita kami niyang si Kuya Fieren ihuhulog ko siya mula ikatlong palapag hanggang unang palapag! Napakasam—"

Humiwalay si Mama sa yakap at hinarap si Clandrea. Ako nama'y napatungo na lang. Mukhang alam na niya..

"Ano bang sinasabi mo riyan, Clandrea Kane? Alam mo namang may sakit ang Ate mo nagwawala ka rito." kunot-noong wika ni Mama habang nakataas ang isang kilay.

Bumuntong-hininga si Clan at pabagsak na tumalon sa kama ko kaya agad siyang nakatanggap ng hampas mula kay Mama.

"Iyan po kasing si Ate Lairca at Kuya Fieren niloko si Ate Achie! Nalam—" naitikom ni Clan ang kaniyang bibig nang muling sumingit si Mama.

Unexpectedly FallingWhere stories live. Discover now