KABANATA 33: "Pamamaalam" (WAKAS)

Start from the beginning
                                    

"May mga kaganapan talagang hindi natin inaasahan subalit magugulat ka na lamang dahil nangyayari na pala. Tulad na lang ng trahedya nitong mga nakaraang araw," wika nito, dahilan upang umiwas ng tingin ang binata.

"Pinangarap kong makasama sa paglalakbay ng mga manlilipad ngunit hindi ko naman hiniling na may mamatay. Dumanak ang dugo ng marami dahil sa kaguluhang iyon. Hanggang kailan ba magkakaroon ng hindi pagkakaunawaan ang iba't ibang lahi sa Malayah?"

"Hindi ko rin alam, Liway. Hiling ko lamang na sana ay natuto na ang lahat sa nangyari at nang hindi na ito maulit pa," aniya. Sa bawat pagsasalita nila ay tila umuusok ang kanilang bibig dahil sa lamig.

"Papasikat na ang araw sa Silangan, nais mo rin ba itong masilayan?"


Tumayo siya at inilahad ang kamay sa dalaga. Saglit nitong tinitigan ang kaniyang kamay bago inabot at inalalayan niya itong tumayo. Marahan itong hinila ni Kidlat hanggang sa makalapit sila sa dulo ng lupang kinatatayuan.

May bakod ito na gawa sa kawayan na sumasakop sa malawak na bahagi ng tahanan ng pinuno. Sari-saring bulaklak ang nakakalat sa paligid na karamihan ay nagsasaboy ng halimuyak na sumasabay sa malamig-lamig na hangin. Kumapit si Liwayway sa hawakan ng bakod saka ipinikit ang mga mata.


"Naaalala mo na naman siya?" sabi niya na muling nagpamulat dito.

"Hindi na yata mabubura sa aking gunita si Alab. May pinagsamahan kami, napakabuti niya sa akin at sa aking pamilya. Siya ang nagparanas sa akin kung paano maging isang manlilipad kahit sa kaunting panahon lamang. Wala na ang aking butihing kaibigan, iniwan niya na ako."


Ang nagbabadyang mga luha na pinipigilan nito ay muling lumandas sa kaniyang pisngi. Maging ang binatang bandido ay nasasaktan sa tuwing nakikita niya itong tumatangis. Hindi niya maiwasang maikumpara ang sarili kay Alab, na mas karapat-dapat ito na angkinin ang puso ng kaniyang minamahal.


"Nandito pa naman ako, Liway. Pinangako ko sa kaniya na aalagaan at mamahalin kita, na hindi kita iiwan ano man ang mangyari. Iingatan kita habang ako'y humihinga pa, huwag mo sanang kalilimutan iyon."

"Nauunawaan kita. Maraming salamat, Kidlat... Ngunit may napagtanto ako nitong huli lamang, napag-isip-isip ko ang mga nais kong gawin pagkatapos ng mga nangyari. Humantong ako sa isang malaking pagpapasya."

Binundol ng kaba ang kaniyang dibdib dahil sa tinuran nito. "A-anong pagpapasya ang sinasabi mo?"

Sinalubong nito ang kaniyang tingin. "Tanda mo ba ang isa pang kahilingan ni Alab sa atin?"

"Liway, hindi mo—"

"Pumapayag na ako, mananatili ako rito upang maging isang ganap na manlilipad. Nais kong maging tagapangalaga ni Pilak," matapang nitong sagot na tila nagpaguho sa mundo ni Kidlat.

"L-liway, sabihin mo, nagbibiro ka lang, hindi ba? Magulo lamang ang iyong isip kaya nasasabi mo iyan."

"Ito ay aking kagustuhan, sana ay maunawaan mo. Tutuparin ko ang kahilingan ni Alab."


Ang katagang iyon ay tila isang malungkot na awiting paulit-ulit na tumatakbo sa kaniyang isipan. Katulad ito ng daan-daang punyal na sabay-sabay ring itinatarak sa kaniyang katawan hanggang sa mamanhid siya sa sakit. Tulad ng hanging dumaraan ay nililipad nito ang kasiyahang sumisibol pa lamang sa kaloob-looban niya.

Maglalaho ang lahat sa isang iglap lamang subalit wala siyang magagawa kung hindi ang pakawalan si Liwayway. Tanging ang wagas niyang pagmamahal sa dalaga ang hindi kayang tangayin ng agos ng panahon.


"Kung ito nga ang iyong pasya, sino ba naman ako upang pigilan ka sa iyong ninanais? Pangarap mo ito, maging maligaya ka sana, kaibigan."


Embracing The WindWhere stories live. Discover now