KABANATA 29: "Bahid ng nakaraan"

336 25 0
                                    



ISANG maaliwalas na hapong katamtaman lamang ang lamig at init ng hangin ang bumabalot sa lungga ng mga mangangaso na kilala bilang Linawon.

Ang pook na ito'y matatagpuan sa kailaliman ng isang gubat sa Hilagang bahagi ng lawa ng La-um. May kalayuan ito sa kabihasnan na mas maraming nakagagala na tao mula sa iba't ibang pangkat.

Sa isang bahagi ng tahimik na kakahuyan ay magkasamang nag-iikot ang dalawang dilag na nagmumula sa pamilya ng mga manggagawa sa nayon ng Lunti.

Ang mga babae ay ang matalik na magkaibigang sina Luwalhati at Alamid, na kapuwa rin nagdadalantao ngunit kabuwanan na ng huli. Pareho silang nakapangasawa ng mga mangangaso kaya dalawang lugar ang itinuturing nilang tahanan.

Si Alamid ay naging kabiyak ng pinunong mangangaso na si Hagibis, habang ang naging kabiyak ni Luwalhati ay ang isa sa pinagkatitiwalaang kaibigan ng namumuno na nagngangalang Karinyo.

Rinig ng kalikasan ang mahina ngunit malulutong na tawanan ng magkaibigang ginang habang naglalakad. Kapuwa lumiliwanag ang kanilang mukha habang nagbabalik-tanaw sa panahon ng kanilang kabataan hanggang sa sila'y nagkaroon ng sariling pamilya.


“Ang bilis talagang lumipas ng mga taon, Luwalhati. Sino ba ang mag-aakala na ang magiging kabiyak natin ay mula sa isang kilalang pangkat?”

Napangiti ang kaibigan nito. “Siyang tunay, kaibigan. Noong araw ay pinanonood lamang natin ang kanilang pagdating sa Lunti upang maghatid ng kung anu-ano. Hanggang sa naging kaibigan natin ang dalawa, na sa pagdaan ng mga araw ay nagkapalagayan ng loob at dumating ang takdang panahon ng pakikipag-isang dibdib.”

Matalik nga tayong magkaibigan, parehas ang landas na ating tinahak at kapuwa nagmahal ng lalakeng mangangaso. Tapos heto, naninirahan na rin sa Linawon. Talagang pinagbigkis na tayo ng kapalaran.”

Nginitian nila ang isa't isa saka pinaghugpong ang kanilang palad. “Tama ka, lalo rin tayong naging maligaya dahil sa biyayang ipinagkaloob sa atin, ang ating mga supling na nagkakamalay na sa mundo. Masaya rin ako para sa iyo dahil isa ka na ring pinuno rito.”

Umiling si Alamid sabay tugon, “Hindi rin ano. Ang asawa ko pa rin ang namumuno, katuwang niya lamang ako lalo na sa aming pamilya. Mananatili ako sa tabi niya, hanggang sa huli.”


Huminto sa paglalakad ang mga ginang at pinanood ang kanilang mga panganay na supling. Lalake ang unang anak nina Hagibis at Alamid, pitong taong gulang pa lamang ito na pinangalanan nilang Balasik. Tulad ng mga magulang ay kayumanggi ang balat nito, habang ang bilugan at tsokolateng mga mata ay nakuha nito sa ina.

Embracing The WindWo Geschichten leben. Entdecke jetzt