KABANATA 6: "Pagtatanggol"

655 59 0
                                    



ANG gubat ng Linawon ay matatagpuan sa bandang Hilaga ng lawa ng La-um, sa mismong paanan ng bundok ng Balintataw na kapiraso lamang ng mahabang bulubundukin ng Malayah.

Ang buong nasasakupan nito ay halos purong kagubatan, subalit may mangilan-ngilan pa ring patag na taniman ng mga gulay at prutas.

Dito namumuhay ng mapayapa ang mga mangangaso. Sila ay mabubuting mamamayan na kilala sa pangangalaga ng kalikasan at matulungin sa mga manggagawa o ordinaryong mga Malayan.

Ang mga bahay nila ay madalas nakaangat sa lupa at gawa ang mga ito sa kawayan, samantalang ang bubong ay kadalasang gawa sa mga hinabing dahon ng niyog o kung ano mang bagay na nakukuha sa kakahuyan. Ang mga dahong ito ay ginagawa rin nilang palamuti na iba-iba ang disenyo.

Nakagawian na rin nila ang paghahabi ng mga kasangkapan na nagagamit nila sa pang-araw-araw tulad na lamang ng mga buslo, banig, sumbrero at iba.

Sagana sila sa mga yamang gubat tulad ng mga prutas na madalas ay hitik na hitik sa bunga. May mga naliligaw ring mababangis na hayop na kung mahuli ay kinakatay nila. Kung hindi inuulam ay ipinagbibili na lamang nila ito sa ibang mamamayan.

Ilan sa mga manlilipad ay kasalukuyang nananatili sa Linawon at nakikitira sa tirahan ng mga kaibigan nilang mangangaso.

Matagal nang magkakilala ang binatilyong si Makisig at ang binatang manlilipad na si Alab, na mas nakatatanda rito ng limang taon. Sila ay mabubuting magkaibigan at minsan nang isinama ng huli sa paglalakbay sa ere ang mangangaso.

HAPON na at mataas pa rin ang sikat ng araw, subalit hindi nakalulusot nang diretsahan ang sinag nito bunga ng matatayog na mga puno sa paligid ng Linawon.

Kalalabas lamang ni Alab sa isang silid at ngayo'y nakadungaw na siya sa maliit na balkonahe. Yumapos sa kaniyang mukha ang sariwa at malamig na simoy ng hanging dumaraan. Tahimik niya namang pinagmamasdan ang kapaligiran.

Ang mga tao rito ay abala sa kanilang mga gawain. Mayroong grupo ng kababaihan na nakasalampak sa sahig na kawayan at kaniya-kaniya sa paghahabi ng kagamitan. Ang iba ay naglilinis at winawalis ang mga tuyong dahon na nakakalat.

Ilan sa kabataang mga lalake ay nagkanda-ugaga naman sa pag-iigib at pag-iimbak ng tubig sa kanilang tahanan. Samantala, makikita rin ang iba na karga-karga ang mga sisidlan na naglalaman ng mga sariwang prutas.

Sa hindi kalayuan ay namamataan din ang ilang kalalakihang mangangaso na umaakyat sa mga puno ng niyog. Mayroong mga tulay na yari sa kawayan at nagdudugtong ito sa mga puno ng niyog upang mas mabilis silang magpalipat-lipat ng puwesto.

Napapangiti na lamang si Alab sa kaniyang nasasaksihan sapagkat ikinatutuwa niya ang katiwasayan ng lugar at ang pagkakaisa ng mga naninirahan dito. Ito ang dahilan kung bakit sa loob ng mahabang panahon ay nakakasundo nila ang  mga mangangaso. Tulad ng mga ito, tahimik rin sila at malayo sa kabihasnan.

Dahan-dahan siyang bumaba sa hagdan at siya rin namang pagdating ng kaibigan niyang si Makisig. May dala-dala itong sibat sa kaliwang kamay, sa kabila naman ay bitbit niya ang mga nahuling isda na pinag-isa sa tali.


“Kumusta, Kuya Alab? Magandang hapon sa iyo!” Ngiting-ngiti ito habang papalapit sa kaniya.

“Magandang hapon rin sa 'yo, Kisig. Marami-rami iyang huli mo ah?”

Natawa ito at bahagyang itinaas ang dala. “Hindi naman masyado. Napagkatuwaan lang talaga namin ng mga kasamahan ko na dumayo roon sa may ilog sa itaas. Kaya heto, may huli.”

Tumango si Alab. “Mainam, talagang bihasa ka sa ganyan,” aniya.

Ngumisi lamang ang binatilyo. “Siyempre, laking gubat po kasi at sinanay mula noong kami ay mga paslit pa lamang. Siya nga pala, magsalo-salo muli tayo mamaya sa aming tahanan.”

Embracing The WindTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon