"Wala ka kasing bilib sa kaya kong gawin, Elsa." Inungasan ko siya.

"Ano? Ginayuma mo?"

"Gaga!"

Pareho kaming nagtawanan, pero madali ring natigil nang may biglang lumapit sa gawi namin. Nag-angat ako ng tingin dito. Nagulat pa ako nang si Sir Melvin ang bumungad sa paningin ko.

"Can you two be quiet? You are disturbing other people who are working," asik niya sa amin, rason para maitikom ko ang bibig.

"Hala, sorry na agad, Sir!" Si Elsa at kaagad na lumayo at nag-anyong abala sa trabaho.

Nilingon ako ni Sir Melvin. "Work properly."

Sumaludo ako. "Yes, Sir!"

Isang beses na nagpasalit-salit ang tingin niya sa amin ni Elsa, tila ba gusto niyang matawa, at the same time ay magsisi dahil pinagsama niya ulit kami. Nailing na lamang din siya sa kawalan bago tumalikod.

Pinanood ko ang papalayong pigura ni Sir Melvin hanggang sa mawala ito sa paningin ko. Nag-umpisa na rin akong magtrabaho. Ilang oras pa ang hinintay ko bago ang lunch break. Dala ko ang iniluto ni Calvin na japanese-style mackerel rice bowl.

Of course, hindi mawawala sa pagkain ko ang isang tub ng yogurt. Halos mabilaukan naman si Elsa habang pinagmamasdan akong ibinuhos ang yogurt sa pagkain ko. Nasa Cafeteria kami, kasama si Andrew na tahimik lang din at nagmamasid.

"Ginawa mo namang ketchup 'yang yogurt, Jinky," palatak ni Elsa, panay ang ngiwi niya.

"Masarap kaya. Try mo," anyaya ko at inilahad pa iyon sa harapan niya.

Umiling siya. Ganoon din ang ginawa ko kay Andrew, pero iling din ang ginawa nito. Napanguso ako at nagpatuloy sa pagkain.

"Kaya mo ngang tiisin iyong Carbonara na may bagoong, ito ay hindi?"

"Buntis ka ba?" maang na pagtatanong ni Elsa, natawa ako at kaagad na tumango.

"Oo, three months na."

"Wew?!" eksaheradang bulalas ni Elsa. "Huwag mo nga akong binibigla, Jinky!"

"Tunay nga. Hindi naman ako nagbibiro."

Ayaw pa ring maniwala ni Elsa, pero hindi ko na pinilit. Ganoon talaga at sino bang hindi mabibigla? Babalik ako rito dala ang napakaraming balita, hindi pa kapani-paniwala. Kung sa panaginip ko nga dati ay kailan man hindi ko ito naisip.

"Congratulations, Jinky," ani Andrew na ngayon lang nagsalita.

Ngumiti ako sa kaniya. "Salamat. Buti ka pa ay mabilis maniwala. Itong bestfriend kong naturingan ay—"

"Naniniwala ako, Jinky. Nagulat lang ako," agap ni Elsa, kalaunan ay tinikman din ang pinaglilihian kong pagkain.

Lalong lumapad ang ngiti sa labi ko. Partikular noong mapanood ko ang pagsubo ni Elsa kay Andrew, kaya wala na itong naging choice kung 'di nguyain iyon.

Nagkulitan ang dalawa sa harap ko ngunit wala naman akong makapang sakit o pait sa dibdib ko. Bagkus ay masaya ko pa silang pinapanood. Masaya ako para sa kanila, masaya ako para sa lahat.

Noong mag-uwian ay sumama rin si Andrew sa amin patungo sa bahay nina Calvin. Kasama niya sa kotse nito si Elsa, ako naman ay lulan ng kotse ni Calvin. Kaming dalawa lang ang naroon at damang-dama ko ang kapayapaan sa puso ko.

"How was your day?" maamong pagtatanong ni Calvin habang abala siyang nagmamaneho.

Nilingon ko siya at nginitian. "Okay lang. Hindi ako masyadong binigyan ng trabaho ni Sir Melvin. Feeling ko ay sinabihan mo siya."

Nights Of PleasureTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon