Tuluyan akong tumalikod pagkatapos kong i-lock ang pinto. Kahit sa hagdan ay nagdahan-dahan ako, nag-iingat na huwag makagawa ng ingay na ikagigising ni Calvin. Madilim sa sala at kusina, walang iniwang ilaw, pero nagawa ko pa ring makalabas ng bahay nang tahimik.

Hawak-hawak ang susi ay kaagad kong nilapitan ang motor ko. Tinulak ko pa iyon upang mailayo sa bahay ni Calvin, para hindi niya gano'n marinig kung bubuksan ko man ang ignition nito.

Nang makasakay sa motor ay saglit kong tiningala ang glass window mula sa kwartong iyon ni Calvin sa ikalawang palapag. Tipid akong napangiti. Desisyon ko ito, kaya hindi dapat ako nalulungkot ngunit sadyang hindi ko lang din maiwasan.

The word ‘love’ is easy, falling in love with someone like Calvin Frias is even easier, but letting that love go— is the most difficult thing I'll ever have to do.

But it's fine, Jinky.

Kung kami talaga ang itinadhana sa isa't-isa, naniniwala ako na kahit maghiwalay kami, kahit magkalayo kami, pagtatagpuin at pagtatagpuin pa rin kami ng tadhana.

Kung hindi siya mapapagod na hintayin ako, o na hanapin ako, roon ko masasabing kahit papaano sa buhay ko ay swerte ako. Pero kung pati ang pagmamahal niya sa akin ay may dulo rin, kaya kong irespeto iyon.

Maraming kahulugan ang salitang pag-ibig; love is patient, love is kind, love is sacrifices, love is a compromise, love is acceptance, love is selfish, and there is love is selfless.

Nang makapasok sa bahay ay dali-dali kong kinuha ang bagpack ko. Pinagkasya ko roon ang iilang damit at gamit ko. Ilang minuto lang din akong naligo para magbanlaw, para rin mas magising ang diwa ko dahil ramdam ko nang inaantok ako.

Hindi na ako nag-aksaya pa ng oras. Bago pa man din maabutan ng liwanag ay lumabas na ako ng bahay. Lulan ng motor ay tinahak ko ang daan patungo sa Centro. Naroon ang terminal ng mga bus papuntang Manila.

Sa isang guard na naroon ay hinabilin ko ang motor ko. "Kung sakali man po na may maghanap sa akin ay ibigay niyo na lang itong motor sa kaniya. Pangalan niya po ay Calvin Frias, pulis po siya."

"Sige, ineng. Ako na ang bahala rito, pangako at maibibigay ko ito sa tamang tao," anang guard na kahit papaano ay nakampante ako, tuluyan kong iniabot ang susi sa kaniya.

"Maraming salamat po."

Honestly, wala naman na sa akin kung mawala man ang motor kong iyon. Pero mas mapapanatag ako kung mapupunta iyon kay Calvin, regalo ko na lang. Kahit second hand iyon ay naging malaki ang value no'n sa akin, lalo pa at mayroon ng alaala naming dalawa iyon. Alam ko na mas iingatan niya iyon.

Kumaway ako sa guard at ganoon din ito sa akin. Mabuti at naabutan ko ang huling trip. Nasakto pa na may mga naiwang bakanteng upuan. By reservation kasi ang pagbili ng upuan sa bus. Hindi ko naman alam at biglaan din, pero pasalamat na lang ako.

Sa dulong bahagi ako nakaupo. Ako lang ang mag-isa sa pahabang upuan na iyon. Inilapag ko ang bag ko sa gilid, kapagkuwan ay tinanaw ang labas ng bintana. Sa ganap na alas singko ay unti-unti nang sumisilay ang liwanag mula sa langit.

Unti-unti ring umaandar paalis ang bus at nakahinga ako nang maluwang nang nasa biyahe na kami pabalik ng Manila. Ganoon pa man ay ramdam na ramdam ko ang pagkakapira-piraso ng puso ko sa katotohanang lilisanin ko na nga ang Isla Mercedes, ang lugar na sobra ko ring minahal.

Nakagat ko ang pang-ibabang labi upang magpigil na huwag umiyak. Marahan kong isinandal ang likod sa upuan. Kasunod nang mariin kong pagpikit, saka ko na muna iisipin ang lahat. Sa ngayon ay gusto ko na munang matulog.

Hanggang sa hindi ko na namalayan ang oras. Tulog ako sa tuwing may stop over, kaya sa buong biyahe ay wala akong kain. Inabot ng kalahating araw, nang huminto kami sa Cubao terminal ay hapon na.

Nights Of PleasureTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon