Prologue

2 0 0
                                    

Prologue

17 years ago...

"Heron, kailangan ko ang tulong mo, kaibigan." sambit ng Hari sa'kin 'saka ko siya pinagsandok ng kagagawa lang na sopas ng asawa ko na paborito niya.

Lasing na ang Hari'ng ito at parang hindi na siya isang hari kung kumilos. Kanina pa nga itong nandito sa bahay kasama ang asawa niyang Reyna. Hindi pa rin kami tinatantanan.

"Mahal na Hari, kanina pa kayo nanghihingi ng tulong pero hindi niyo pa naman sinasabi kung ano 'yun." sabi ko.

Sa totoo lang, hindi ko rin alam kung paano ako nagkaroon ng isang kaibigang Hari. Magsimula bata ay kami na ang nag-aasaran nito at pati sa panliligaw sa Reyna ay ako ang inasahan niyang tumulong sa kaniya.

Hanggang ngayon, kapag may problema e sa'kin pa rin siya lumalapit.

Kagaya ngayon...

"Malapit nang manganak ang aking asawa." sambit niya. "Kinakabahan ako."

Kaagad akong napangisi. Oras na ng paghihiganti sa mahigit kumulang na trentang taon paghihirap ko sa piling niya.

"Mabuti na lang ang asawa ko ay hindi pa buntis," pang-iinggit ko. "Sa palagay ko'y dalawang taon pa ang hihintayin ko." tawa ko kaya mas lalo siyang nalugmok.

"Kung pwede lang na ako na ang magbuntis, gagawin ko, amigo." sabi niya.

"Hindi mo kaya." panunuya ko. "Teka, ano ba kasi ang pinunta mo rito at nagawa mo pang maglasing. Paano na lang kapag nasumpungan ka ng taumbayan sa labas na rito ka nanggaling?"

"Wala akong paki sa mga tao. Ikaw ang ipinunta ko rito, Heron." turo niya sa'kin.

Aminado akong hindi naging maganda ang imahe ng aking angkan sa mga tao noong kapanahunan ng aking lolo.

Ang dahilan niyan ay dati kaming kasapi ng mga taong may dugong bughaw, may estado sa buhay, tinitingala at kinaiinggitan ng mga nasa laylayan.

Ang aking angkan ay ang dating kanang kamay ng pamilyang nagmamay-ari sa bansang ito. May sarili kaming probinsya at pwesto sa palasyo... Kaya kami nagkakilala ni Haring Xilian.

Sa kasamaang palad, dahil sa nagawang 'pagtataksil' diumano ng aking lolo, napatalsik kami sa pwesto. Hindi rin kasi naging maganda ang naging imahe ng pamilya namin noong ang aking lolo ang naging tagapayo ng ama ni Haring Xilian noon kaya nasamsam ang aming kayamanan at pinarusahan ng taumbayan.

Ngayon, ang aming buong yaman ay nasa mga kamay ng kasalukuyang hari. Hindi niya ginagalaw ang aming yaman dahil naniniwala siyang hindi kaniya ang mga ito.

"Mahal na Hari," ani ko. "Hindi magiging maganda sa reputasyon ninyo ang pagbisita sa aming pamilya."

"Hindi ko rin maatim na hindi ka kamustahin, Heron. Napakarami mong naitulong sa'kin at kay Yveleana. Pati na rin ang iyong asawang si Riella, nagpapasalamat ako sa inyo," sambit niya naman.

"Kung kabayaran ang inyong ipinunta rito, pwes, hindi ako humihingi, Mahal na Hari." pagyuko ko.

Malakas niyang hinampas ang aking ulo upang gulat akong mapatingin sa kaniya. May saltik talaga sa ulo ang isang ito!

"Huwag kang yuyuko sa'kin, Heron. Hindi ako Diyos." aniya kaya ako ay napahalakhak.

Hindi talaga siya nagbago. Katulad ng dati ay nangangalawang pa rin ang mga turnilyo sa kaniyang ulo. Mapagkumbaba pa rin at talagang tumatanaw ng utang na loob.

Royal Rules (royalty series #1)Where stories live. Discover now