KABANATA 29: "Bahid ng nakaraan"

Začať od začiatku
                                    

Tahimik lamang ang bata habang binabantayan ang panganay na anak ni Luwalhati, si Luningning. Tatlong taong gulang pa lamang ang bata at manang-mana ang kagandahan ng ina. Mamuti-muti ang balat nito at katulad ng bilugan nitong mga mata, itim na itim rin ang kaniyang maalon na buhok.

Nang saglit na lumingon si Balasik ay nginitian lamang ito ng ina na bahagyang kumaway. Bumuntonghininga ang bata saka binalingan ang munting si Luningning na tuwang-tuwa sa nagliliparang paru-paro at tutubi sa paligid.

KINAGABIHAN, isang kaganapan ang gumulantang sa tahanan ng pinunong mangangaso. Nagsimulang makaramdam ng pananakit ng tiyan ang asawa nito kaya agad silang nagpatawag ng komadrona upang masuri ang kalagayan ng ginang lalo't maselan ang pagbubuntis nito.


Manganganak na yata ako, Hagibis,” anas ni Alamid na patuloy ang daing habang nakahiga sa kama at hinahawakan ang tiyan.

Hindi mawala-wala ang pag-aalala sa mga mata ng asawa nito. “Huwag kang mag-alala, parating na sila. Ipinatawag ko na rin sina Luwalhati. Huminahon ka lamang,” turan ng pinuno saka hinalikan ang noo ng kaniyang minamahal.

Lumambot ang mga mata ng ginang na nagbabantang tumulo ang luha, namumutla na rin ang mukha. Wika nito, “Mahal, k-kinakabahan ako ngayon, kinukutuban ako ng masama.”

Ssshhh, 'wag kang mag-isip ng kung anu-ano. Magiging maayos din ang lahat, maisisilang mo ng listas ang anak natin,” pagpapakalma ng ginoo. Isang ngiti lamang ang itinugon nito.


Maging ang mag-asawang Karinyo at Luwalhati ay tumungo sa tahanan ng kanilang mabubuting kaibigan upang mag-abot ng tulong sa magkabiyak na pinuno. Mabilis ding nakarating ang magpapaanak sa ginang at mga katuwang nito.

Nang gabing iyon ay isinilang ni Alamid ang isang malusog na batang lalake.

Labis ang galak sa mukha ng mag-asawang pinuno nang marinig ang iyak ng kanilang supling. Ang panganay nilang si Balasik ay nakikinig lamang sa labas ng silid kasama si Karinyo, habang si Luwalhati ay kasama ng mga nasa loob na nasasaksihan ang kaganapan.


Tumulo ang luha ni Alamid nang mahawakan ang anak na inilapat sa kaniyang tabi. “Anak ko... Ang iyong ngalan ay Makisig.”

Hindi rin napigilan ni Luwalhati ang lumuha sa tuwa. “Binabati ko kayo, mga pinuno. Kay gandang lalake ng inyong bunso!”

“Maraming salamat, Luwalhati,” nakangiting tugon ni Hagibis kaya saglit na tumungo ang ginang bilang pagbibigay-galang.


Embracing The WindWhere stories live. Discover now