"Pero hindi natin siya puwedeng paluin," sabi ko.

Natawa siya. "Mas matigas pa ang ulo ng matanda kaysa bata. Mas maigi pa nga ang bata dahil nasisindak pero ang matatanda? . . . ." Napailing na lang siya.

* * *

Nagising ako ng may kung anong humampas sa mukha ko. Nang mag-angat ako ng tingin, nakita ko si Jeremy na nakabungisngis at sa gilid ko ay ang unan na hinagis niya. Sinubukan ko siyang habulin pero mabilis siyang nakatakbo at sumiksik sa gilid ni mama.

"Si Papa?" hanap ko.

"Maagang umalis dahil kailangan daw simulan nang maaga ang gawa nila dahil minamadali iyon," sagot ni mama na umubo na naman.

Kung ikukumpara ang hitsura niya ngayon sa noon, kitang-kita na ang pinagbago. Bumagsak ang katawan niya at lumalim ang mata na malamang ay dahil sa hindi siya nakakatulog nang maayos (kakaubo). Pagkatapos naming kumain, dalawa kami ni Janus na natoka sa kusina. Dapat magtutulungan kami sa paghuhugas pero dahil mabait at masipag naman siya ay nanood na lang ako.

"Ano pala ang balak mong kuhain sa college? Mabilis na lang iyong isang taon e," sabi ko.

"Balak ko sana na Astrophysics. Ang kaso lang, Ateneo pa lang ang nag-o-offer ng course na iyon . . . at mahal ang tuition fee. Kahit makakuha ako ng scholarship, siguradong malaki-laki pa rin ang kailangang gastusin."

"May second choice ka?"

"Sa U.P sana . . . Pero Physics naman."

Tinapik ko siya sa balikat. Wala akong masabi. Ang hirap magsalita na kuhain niya kung ano ang gusto niya dahil kapos nga kami sa pera. Hindi ko rin naman maipayo ang sinabi sa akin noon na magpakapraktikal na lang dahil matagal niya na iyong pangarap. Ngayon ko nakikita kung bakit gusto ni papa na magtapos kami at umasenso ang buhay . . . Para kapag dumating ang araw na kami naman ang maging magulang, hindi kakailanganin ng anak namin na magsakripisyo dahil maibibigay namin sa kanila kung ano ang gusto at kailangan nila.

"Son!" Kumakaway na tawag sa akin ni Buboy paglabas ko ng bahay. Nakasunod naman sa kaniya si Buknoy na malawak ang ngisi.

"Ganda yata ng araw natin ngayon a," pansin ko ng makalapit sa kaniya.

Umakbay sila sa akin. "Siyempre nandito ka. Alam mo naman na hindi tayo buo kapag wala ang isa e," sagot ni Buknoy.

"Talaga lang na dahil sa akin a? Kakaiba iyang ligaya mo e."

"Ni-reply-an kasi ni Jersey iyan kagabi kaya ganiyan," sabat ni Buboy. "Si Jersey lang naman nagpapalabas sa gilagid niyan e."

"Tanga talaga ito o. Baka mamaya marinig ka tapos magalit iyon." Natawa na lang kami ni Buboy.

"Foodtrip na lang tayo," ani Buknoy.

"Sagot ko na ulingan," una naman ni Buboy.

"Ulingan amp," pagsasalita ulit ni Buknoy.

"Bakit, makakapagluto ba kayo kung wala iyon? Pero sige, pati tubig na rin."

"Parang tanga talaga ito e."

"Huwag ka ng magreklamo. Buti nga mag-aambag pa ako e."

"Ako na lang sa bigas. Ikaw na sa ulam, Noy."

"Puwede na sa inyo iyong tuyo at sardinas," sagot ni Buknoy bago umalis.

"Samahan mo na rin ng kamatis!" pahabol ni Buboy.

* * *

"Ang sarap ng bigas ninyo, Son. Tig-magkano ito? Ang lambot," ani Buboy.

Nakalatag ang dahon ng saging na ginawa naming plato.

"Hindi ko alam e. Si ate ang may dala niyan noong nakaraan."

Siniko ni Buboy si Buknoy. "Ayos pala ang future misis mo, Noy e, magaling pumili ng bigas. Sigurado masarap lagi ang kain mo niyan . . . Damihan ninyo ang pagsasaing a, makikisalo ako sa inyo."

"Paawat ka naman," sagot ni Buknoy.

Nang matapos kaming kumain, humihimas sa tiyan kaming tumutok sa alapaap. Hindi gaanong maulap kaya kitang-kita ang malinis na pagkakaasul ng langit.

"Nabusog ako," wika ni Buboy.

"Nabusog na ulingan lang ang ambag," sagot naman ni Buknoy.

"Pati tubig kaya."

"Tanghaling tapat, bawal ang maingay," kunwari ay saway ko.

"Buti pa iyong tanghali tapat," muling pagsasalita ni Buboy.

"May pinagdadaanan ka ba?" tanong ko.

"Sawi yata hindi lang nagsasabi sa atin," komento ni Buknoy.

"Sawi . . . Wala nga akong lovelife e. May maibibigay ba kayo? Gusto ko ring maranasan na kiligin sa totoong tao. Puro sa ihi na lang e."

Lumapit kami sa kaniya at nagpa-cute. "Hindi pa ba kami sapat?"

"Mangilabot nga kayo!" tumatawa niyang sigaw. "Nga pala, mamaya na ulit ang alis mo, Son, hindi ba?"

"Oo. May pasok na ako bukas e."

"Hatid ka namin kahit sa terminal lang," alok ni Buknoy.

"Sus," sabat ni Buboy. "Si Jackson ba talaga ang gusto mong ihatid o ginagamit mo lang siya para sumimple kay Jersey?"

"Hitting two birds in one stone tawag doon."

"Galawan mo lokbu."

Hindi na kami nakasabay ni ate sa hapunan dahil alas-singko pa lang ay umalis na kami para hindi kami masiyadong gabihin. Habang naglalakad papunta sa terminal, nagpapalitan kami ni Buboy ng tingin at pigil na tawa habang pinanonood si Buknoy na sabayan si ate at dumiskarte ng usapan.

"Sobrang lakas ng loob ni wilab ngayon a," bulong ko.

"Pinag-alab nung reply ng ate mo e," pabulong din na sagot ni Buboy.

"Bakit, ano ba ang sabi ni ate?"

"Oo."

"Oo?"

"Oo. 'Yun lang ang reply."

"Ano ba ang tanong?"

"Kung kumain na ba siya." Tiyanggalang iyan. "Improvement daw kasi iyon, Son. Dati kasi kahit ano ang itanong niya ay hindi siya nire-reply-an."

"Kung sabagay . . . ."

Pagdating ng bus, nagpaalam na kami sa mga kaibigan ko. "Salamat sa paghatid."

"Sa susunod ulit."

Kaya Ko Ba?Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon