Kabanata 14

2.5K 174 18
                                    

Kabanata 14.

NAKAABANG AKO SA LABAS ng eskuwelahan kung saan pumapasok si Patricia, hinihintay na matapos ang oras ng klase niya. Alam ko naman na hindi ako ang maghahatid sa kaniya pauwi pero gusto ko pa ring nandito ako para makita at makausap siya kahit sandali lang. Mayamaya, narinig ko na ang pamilyar at mahinhing boses na musika ang dating sa aking tenga, tinatawag ang pangalan ko. Malawak ang ngiti kong lumakad palapit sa anghel na kumakaway sa akin.

"Kanina ka pa ba riyan?" tanong ni Patricia. "Sorry mediyo late kaming nakalabas. Nag-meeting pa kasi kami." Sa likod niya ay nakatayo si Simon na abala sa pagkalikot sa cell phone.

"Ayos lang. Walang problema roon." Ngumiti siya.

"Kung gusto ninyong magsarili, dito lang ako maghihintay. Basta huwag lang kayo masiyadong magtatagal . . ." singit ni Simon saka bahagiyang lumayo.

"Gusto mong kumain?" tanong ko kay Patricia.

"Sure." Hindi pa rin nawawala ang matamis na ngiti sa manipis niyang labi.

Nagpunta kami sa malapit na fast food chain at hinayaan siyang mamili kung ano ang gusto niya—na ginaya ko rin. Habang naglalakad ako palapit sa napili naming puwestuhan (sa second floor, katabi ng glass wall) bitbit ang tray na naglalaman ng order namin, nag-iisip na ako ng mga puwedeng sabihin.

"Hanggang ngayon hindi pa rin ako makapaniwala na kasama kita ngayon . . . Kung panaginip ito ayaw ko ng gumising," wika ko.

Hinawakan niya ang pisngi ko. "Pero hindi naman ito panaginip."

Ramdam na ramdam ko ang pag-init ng mukha ko. Kahit hindi ko sigurado kung nahahalata niya, tiyak akong pulang-pula na ako. Makita ko nga lang siya pinupuno na ng mga paruparo ang sikmura ko tapos hinawakan niya pa ako. Para na akong aatakihin . . . Pero kung sa saya naman at siya ang huling makikita ko ay ayos lang sa akin. At least anghel ang huli kong masisilayan.

"Parang may sira yata ang cell phone ko . . . ." mula sa kung saan kong sabi ng maalala ang pick-up line na minsan kong nabasa sa dyaryong nabili ni papa dati.

Nangunot ang noo niya. "Ang akala ko ba ay wala kang cell phone . . ."

Napakamot ako sa tenga. "Oo nga . . . Pick-up line sana iyon." Alangan akong tumawa. "Pero hindi bale . . . ito na lang . . . Nakapunta ka na ba sa ibang planeta?"

"Hindi pa. Bakit?"

"Ako rin e." Tumawa ako pero umiling-iling lang siya, hindi malaman kung matatawa rin ba o ano. Bago pa siya tuluyang ma-turn off sa kabokahan ko, iniba ko na ang usapan. "Kumusta pala ang mommy mo? Okay lang ba na makausap ko siya para pormal na makapagpaalam? Alam mo na . . . mas maganda sana iyong ganoon para ipakita sa kaniya na seryoso talaga ako sa iyo."

Natigil siya sa pagkain. Kahit hindi siya magsalita, kitang-kita ko sa mga mata niya na hindi pa siya handang gawin iyon. Kung ganoon, hindi niya pa nga rin binabanggit sa mama niya ang tungkol sa amin. Hindi bale, baka humahanap lang siya ng tamang pagkakataon. Isa pa, hindi niya pa naman din ako sinasagot. At okay lang iyon. Hindi naman ako nagmamadali. Naniniwala rin ako na mas masarap sa pakiramdam kapag napasaiyo sa wakas ang tao/bagay na pinaghirapan mong maabot kaysa sa nakuha nang madalian.

* * *

Nang magkaroon ako ng pagkakataon na makausap si Simon ng kami lang, sinamantala ko ang iyon para alamin mula sa kaniya ang ilan pang mga bagay tungkol kay Patricia na hindi ko alam—gaya ng kung anong bulaklak ang paborito niya.

"She's not into flowers. Mas prefer niya ang chocolate kaysa sa bulaklak," ani Simon. "Anyway, kahit simpleng bagay lang na pinag-effort-an mo, mapapasaya na siya no'n."

Kaya Ko Ba?Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon