Kabanata 51

4.5K 331 203
                                    

Kabanata 51.

HINDI NATUPAD ANG PANGAKO namin ni Jordan sa isa't isa. Hindi ko nagawang tapusin ang engineering sa loob lang ng limang taon—sixth year na ako ngayon. At siya naman, hindi na nakaabot. Pero graduating na ako ngayong taon (kung papalarin na maipasa ang lahat ng subject) dahil makukuha ko na ang lahat ng naiwan ko. Mabuti na nga lang din at hindi ako nagkaroon ng problema sa scholarship ko dahil naremedyuhan agad iyon ni Ma'am Concepcion.

"Kumusta ka na?" tanong sa akin ni Sir Cams paglapit ko sa kaniya. Siya ang nakaupo sa front desk dahil siya ang naatasan na mag-asikaso sa aming mga estudiyante.

"Okay naman po, sir . . . Naayos ko na po ang sistema ko . . . at continuous ko po iyong ini-improve," sagot ko.

Lumawak ang ngiti niya sa akin. Mayamaya, lumabas si Ma'am Colares at namilog ang mga matang tumingin sa akin. "Jackson!" sambit niya sa pangalan ko. "Graduating ka na, hindi ba?"

"Kung papalarin po na maipasa lahat ng subject ko ngayon," sagot ko naman.

"Ang bilis ng panahon, hindi ba, sir?" baling niya kay Sir Cams.

"Oo nga, ma'am e. Parang kailan lang ipinapatawag pa natin si Jackson para kausapin tungkol sa academic performance niya . . . pero ngayon ito na siya," ani sir na muling bumaling sa akin. "Hindi grades ang pinakamahalaga na makukuha mo kundi iyong learnings. 'Yung grades number lang iyan e. Kapag lumabas na kayo ng school, hindi niyo naman talaga magagamit iyan sa industry. Puwede kitang bigyan ng kahit anong maisip ko depende sa trip, pero siyempre hindi ako ganoon. Pero 'yung learnings, madadala mo iyan hanggang sa pagtanda mo. Tatatak iyan sa iyo at iyan ang huhubog para maging mas mahusay ka hindi lang sa larangan ng propesiyon mo kundi pati na rin sa pagiging ikaw bilang tao sa hinaharap.

"Kahit hindi ka maka-graduate sa specific years ng isang course, huwag mong ibababa ang tingin mo sa sarili mo. Huwag mong ikukumpara ang sarili mo sa iba. Hindi naman karera ang pag-aaral e. Hindi porke narating at naabot na ni ano ang ganito ay dapat ganoon ka rin. Wrong thinking iyan. Unique ang timeline ng bawat isa, lagi mo iyang tatandaan. Basta gawin mo lang ang best mo at huwag kang mawawalan ng tiwala sa sarili."

"Tatandaan ko po ang lahat ng iyan, Sir Cams," sabi ko.

Nang matapos ko ang kailangan ko sa school, lumabas na ako dahil wala naman akong schedule ng pasok ngayon. Nag-asikaso lang talaga ako para wala na akong iisipin bukas. May nakita akong nagtitinda ng palamig kaya bumili ako saka naupo sa pabilog na semento kung saan nakatanim ang mataas na puno. Habang sumisipsip, malayo ang tingin ko. Maraming bagay ang pumapasok sa isip ko. Nasa huling taon na ako ng pag-aaral ko. Kaunting tulak na lang at makaka-graduate na ako. Lahat ng naging hirap ko at ng pamilya ko, pakiramdam ko ay malapit ng masuklian.

* * *

Nakaupo ako sa puwesto kong malapit sa bintana at nakikinig sa anunsiyong sinasabi ng prof. "Next meeting ay magkakaroon kayo ng quiz kaya make sure na mag-aaral kayo," aniya bago kami tuluyang dinismiss.

Dumiretso ako sa library at doon ay nanghiram ng libro na kailangan. Pagbuklat ko, kaagad kong hinanap iyong topic na kailangan kong aralin at mabilis ko namang nakita. Inilabas ko rin ang ballpen at notebook ko bago nagsimulang magbasa at i-take down ang lahat ng impormasiyon na sa tingin ko ay mahalaga at kakailanganin ko.

Sa paglipas ng mga araw, nag-review lang ako nang nag-review tuwing pagkatapos at walang klase hanggang sa sumapit ang araw ng exam. Habang nakatingin sa test paper, tipid akong napangiti. Dinampot ko ang ballpen ko at nagsimulang magsagot. May ilang numero na nilagpasan ko dahil hindi ko alam kung ano ang dapat isagot pero mas marami naman ang sigurado ako. Nabasa ko kasi at natatandaan ko naman.

Kaya Ko Ba?Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon