KABANATA 6: "Pagtatanggol"

Start from the beginning
                                    

Muli siyang tumango at napangiti. “Hindi ko iyan tatanggihan, kaibigan. Sa ngayon ay pupuntahan ko muna ang aking alaga na si Pilak. Maglalakbay muna kami sa himpapawid maya-maya lamang.”


Sa sinabi ni Alab ay lalong lumiwanag ang mukha ni Makisig at tila kumikinang ang mga mata. Nagagalak ito sa tuwing isinasama ng kaibigang tagapangalaga sa paglipad sakay ng pilakbon.


“Talaga? Kung iyong mamarapatin, kaibigan, maaari mo ba akong isama? Gusto ko muling maranasan ang makipagsabayan sa hangin at nais ko ring masilayan ang kalupaan mula sa itaas. Papayagan mo ba ako?”

Bahagyang natawa si Alab. “Mukhang hindi ko rin matatanggihan ang iyong pakiusap, kaibigan. Sige, ikaw ay isasama namin ni Pilak sa aming malayang paglipad.”

Muntik na itong mapatalon sa galak. “Ayos ka talaga, Kuya Alab! Bago iyon, ihahatid ko muna ito sa aming bahay at ako'y magpaalam rin sa aking kapatid.”

“Sige, pupuntahan ko muna si Pilak.”


Kumaripas ng takbo patungo sa kanilang tahanan si Makisig. Nang makapasok sa mismong bahay ay dumiretso siya sa kusina at dinaanan lamang ang kapatid niyang nakaupo sa gilid habang nagkakape.

Inilagay niya sa isang sisidlan ang mga isda saka ito tinakpan. Binalikan niya ang kapatid upang makapagpaalam ng maayos.


“Siya nga pala, kapatid. Magpapaalam muna ako at saglit lamang akong mawawala. Sasama kasi ako kay Kuya Alab sa kanilang paglipad.”

Inilapag nito ang tasa sa lamesa saka siya binalingan. “Saan naman kayo patutungo?”

Napakamot siya sa ulo at alanganing ngumiti sa nakatatandang kapatid. “Nasa paligid lamang kami, maglilibot sa ere. Uuwi akong ligtas at buo. Pangako iyan.”


Bumuntonghininga na lamang ang punong mangangaso na si Balasik. Mula nang mawala ang kanilang mga magulang, ipinangako nito sa kanilang puntod na siya ang tatayong ama at ina ni Makisig. Ayaw nitong masangkot sa gulo o mapahamak ang kapatid dahil siya na lamang ang natitira sa kaniya at ang kanilang nasasakupan.


“Siguraduhin mo lamang na wala kang gagawin na ikapapahamak mo, kapatid. Sige, maaari ka nang umalis. Mag-iingat kayo.”

“Ngayon din. Maraming salamat, kapatid. Alis na ako!”


Hinablot ni Makisig ang kaniyang balabal na nakasabit sa dingding at ipinatong ito sa damit niya na walang manggas. Bago lumabas sa pintuan ay kinawayan niya pa si Balasik na napapailing na lamang.


"Siya nga pala, nais mo bang kumustahin ko si Ate Ningning para sa 'yo? Malay mo at magkita kami," pahabol niya rito. Magsasalita  pa sana si Balasik ngunit iniwan niya na ito.


Nang makalabas ay tinungo niya ang kinaroroonan nina Alab at Pilak. Naabutan niyang hinihimas-himas ng kaibigan ang mga balahibo sa ulo ng alaga nitong pilakbon habang kinakausap ito. Hindi rin nito namamalayan ang paglapit ni Makisig.


“Handa ka na ba, Pilak? Aalis muli tayo at makakasama natin ang isang kaibigan.”

“At ako iyon!” sigaw ni Makisig na sinundan ng mahinang halakhak.

Natatawang lumingon si Alab. “Nariyan ka na pala. Ano pang hinihintay natin, kaibigan?”


Agad na sumampa sa pilakbon si Alab, sumunod naman si Makisig na tila hindi na mapakali dahil sa pananabik nito na makalipad. Tulad ni Liwayway ay nahuhumaling siya sa ganitong gawain.


“Handa ka na ba, Kisig?”

Nakangisi itong tumango. “Kanina pa, kaibigan!”

Saglit nitong hinaplos ang mukha ng ibon na gumawa ng kaunting ingay. “Narinig mo iyon, Pilak? Humanda ka na sa paglipad.”


Embracing The WindWhere stories live. Discover now