KABANATA 30

29.7K 739 71
                                    

Pagkasambit na pagkasambit ko sa mga katagang iyon, ginulantang na lang kami ng isang napakalakas na lindol. Isa itong matinding pagyanig na hindi ko pa nararanasan sa tanang-buhay ko. Sa lakas nga nito, walang hindi tumilapon sa aming lahat. May ibang napasubsob, may ibang napadapa, may iba rin namang napatihaya.

Agad kong hinanap ang kinaroronan ni Nathaniel. Natanaw kong kapsa silang nakalupagi ni Eduardo sa sahig at lumilinga-linga ang mga ito sa paligid. Salitan din nilang tinitingnan ang itaas at ibaba. Habang ako nama'y tinatanaw lamang ang asawa ko sa aking pagkakadapa.

"Victoria!" Pagtawag nito nang magtagpo na ang aming mga mata.

Nahihirapan mang magbalanse, pinilit nitong tumayo upang makalapit sa aking kinaroroonan. Ngunit bago pa man ito makatatlong hakbang ay nahila ito ni Eduardo sa magkabilang paa. Agad itong napadapa. Bagaman agad din naman itong nakabawi na sinundan ng kanilang matinding pagbubuno at pagsusuntukan.

"Anong nangyayari?" naiiyak na tanong ng isa sa limang natitira sa aking mga kasamahan. Isa itong madre na wala nang belo. Maaaring nalaglag na ito sa aming pagtakbo.

"H-hindi ko po alam." Sagot ko.

Nagsimula nang magsipaglaglagan ng mga adobe, kahoy, bakal at konkreto mula sa kesame.

"Diyos ko po! Nabibiyak ang lupa!" Bulalas ng isa sa aking mga kasamahan. Isa itong batang Pastor na lalaki.

Tiningnan ko ang lupang tinutukoy nito, at saka ko pa lang napansin ang unti-unting pagbibiyak ng kongkretong sahig at ang paghihiwalay ng mga lupa na naglikha ng animo'y mga pulo-pulong isla.

Nagsigawan ang aking mga kasamahan. Nagsipagsiksikan ang mga ito sa aking likuran. Halos gano'n din naman ang nakikita kong pangyayari sa kabilang panig.

"Nathaniel!" Nang mapansin kong nabibiyak na rin ang aming pagitan.

Napatingin ito sa akin. Nakapuslit tuloy ng isang suntok si Eduardo sa mukha nito. Napakagat-labi na lang ako sa pagkakamali ko.

"Nathaniel, anak ko!" Pagtawag 'yun ng Mama ni Nathaniel sa kabilang panig. Takot na takot itong nakatingin sa malaking biyak ng lupang malapit sa kanya.

Sandali kong iginala ang aking mga mata sa kanilang panig, hanggang sa tumama na nga ang aking paningin kay Marco. Hindi ito nakatingin sa akin, sa halip ay kalmado itong nakatitig sa mas lumuluwang na paghihiwalay ng mga lupa.

"Nathaniel, bilisan mo!" Natatarantang pagtawag ko. Mas lumalaki na kasi ang agwat ng mga biyak sa aming pag-itan. "Lumiban ka na rito!"

Akmang liliban nang muli si Nathaniel nang nahila na naman ito ni Eduardo. Muli silang tumumba at napatihaya. Muli na naman silang nagpambuno at nagsuntukan.

"Nathaniel!" Umiiyak na ako. Dumating na kasi sa puntong imposible na itong makaliban. Masyado na kasing malaki ang agawat ng naghiwalay na lupa, na sa tantya ko'y nasa limampu hanggang animnapung talampakan na ang layo.

Ilang tao na kabilang panig ang nagsisilaglagan sa agwat ng lupa. Kasama na rito ang Mama ni Nathaniel na tinawag pa rin ang pangalan ng kanyang anak habang nalalaglag sa malaking pag-itan ng biyak.

Tila tambol naman sa kaba ang dibdib ko habang pinagmamasdan ko ang aming kinalalagyan. Anim kaming nagsisiksikan sa gitna ng lupang nabiyak na ang palibot. Para tuloy kaming nasa isang maliit na pulong napalilibutan ng malalim na balon. Gano'n din ang kinaroroonan nina Eduardo at Nathaniel, sampu ng mga nakahilatang bangkay. Gayun din naman ang iba pa sa kabilang panig kung nasasa'n ang mga Satanista at ang mga dating kasamahan naming kumampi sa kanila.

LagimWhere stories live. Discover now