Halos sabay-sabay ang paghiyaw ng mga nalalaglag, at yaong mga nasa bingit bangin. Nakapagtataka naman na sa kanilang panig lamang unti-unting natatapyas ang lupa, sukat na kanilang ikalaglag.

Habang lumalaki ang agwat ng mga lupa, napasilip kami kung ano ang mayroon sa ibaba. Sa pinasukdol ng lupa sa ibaba, sa lalim na hindi ko na matantya ay walang iba kundi ang tila walang hanggang balon ng kadiliman. Hindi man namin maaninag kung ano ang nakakubli sa kailaliman, nakapanghihilakbot naman ang alingawngaw ng mga nadidinig naming mga panaghoy na nagmumula ro'n.

Hindi man gano'n kalakasan ang mga tinig mula sa ilalim, nauulinigan pa rin naman namin ang tila sabay-sabay na pag-iyak ng paghihinagpis at labis-labis na pagdurusa ng hindi mabilang na mga tao. Wala man silang malinaw na salitang nasasambit, nababasa ko naman sa tindi ng kanilang pagdaing ang walang kaparis na pagdadalamhati at paghihirap.

Muling nagsigawan ang ilan sa muling pagkatibag ng malaking tipak ng lupa sa kabilang panig. Sinundan 'yun ng mas marami at malakas na hiyawan habang nalalaglag ang mga ito isa-isa.

Isa-isa, hanggang sa naubos na sila. Maging si Marco'y wala na sa huling pinagkakitaan ko sa kanya kanina. Mas malamang sa hindi, na nakasama na rin ito sa mga kasamahan nitong nauna nang nalaglag.

Napatigil na sa pagbubuno nina Nathaniel at Eduardo, dahil kasi sa lalong paglawak ng mga biyak, mas lalo na rin silang napapalayo sa amin

Bakas sa mga mata ni Eduardo ang matinding takot. Lalo na nang mapansin nito na nag-iisa na lamang s'ya. Nagkatinginan kaming anim. Kasama na ang nagtataka at nagtatanong na ekpresyon sa aming mga mukha, sa kung papa'nong nangyari na naubos sila sa kabila, ngunit wala ni isang nabawas pa sa aming panig. Maging ang mga bangkay ng mga naging tapat sa Diyos ay naro'n din lamang lahat at nakahandusay sa ibabaw ng lupa.

"Tawagin mo na ang diyos mo Eduardo." Nakangising pangungutya ni Nathaniel kay Eduardo habang nakatalikod ang demonyo kong ama sa kanya. Nakasilip kasi si Eduardo sa bangin kung saan nalaglag ang lahat ng kanyang mga kasamahan.

Galit na galit na lumingon ito kay Nathaniel. Susugod pa sana itong muli, ngunit naunahan na ito ni Nathaniel. Sinalubong ito ng asawa ko ng isang malakas na pagsipa diretso sa dibdib nito, na s'yang dahilan upang malaglag ito sa bangin

Yumayanig pa rin ang aming kapaligiran. Bagama't napapangiti na kami sa isa't-isa sa muling naglalapit at nagdudugsong-dugsong ng mga lupa.

"Victoria..." Mangiyak-ngiyak na pagyakap sa akin ni Nathaniel, matapos nitong makatalon sa aming panig. "Mahal ko." Pinupog nito ako ng halik na humantog din naman sa pagdadait ng aming mga labi.

Isang makapal na puting usok ang unti-unting bumalot sa buong paligid. Napatanga ako nang bigla na lamang nag-iba ang hitsura ng lugar na aming kinaroroonan. Nagtataka rin ako kung bakit sa isang iglap ay mag-isa na lamang ako sa isang napakagandang Paraiso.

Napakaliwanag ng paligid, matingkad na berde ang mga damuhan, maging ang mga dahon ng mga puno't halaman. Matitingkad din ang mga pula, dilaw, asul at iba pang mga kulay na makikita sa bawat bunga ng mga punongkahoy, baging at mga palumpong. Ang buong kalangitan ay may iba't-ibang kulay na matatagpuan sa isang bahaghari. Habang ang malaking liwanag nama'y maihahalintulad sa araw na may sinag na tila nakapagpapakalma sa aking diwa.

"Tanggapin mo ang Espiritu ng Diyos, na siyang gagabay sa 'yo sa habang panahon."

Mensahe 'yun mula sa 'kaisipang', muling dumalaw sa aking isipan.

LagimDonde viven las historias. Descúbrelo ahora