Nang magtama ang tingin namin, ramdam ko ang biglang pagbilis ng tibok ng puso at pagkabog ng dibdib ko. Pumipintig din ang ulo ko na parang ang lahat ng dugo ko sa katawan ay umakiyat doon. Napalunok ako. Hindi naman ako ganito kanina a. Bawat dampi ng kamay ko sa balat niya ay para akong kinukuryente. Pero ayaw ko siyang bitawan. Gusto ko na malapit lang siya sa akin. Ngayon lang ako nakaramdam ng ganito . . . Parang pinupuno ng kasiyahan ang loob ko.

"Jackson." Natauhan ako dahil sa bigla niyang pagbanggit sa pangalan ko.

"Ha?" tanging nasabi ko.

"Tinatanong kita kung gusto mo bang subukan ang may music."

"Ah . . . Oo, sige . . . para may theme song tayo."

"Theme song?"

"Ay. 'Yung ano . . . background music pala." Alangan akong tumawa. Pigil ang ngiti niyang umiling. At least napapasaya ko siya.

Lumayo siya sa akin sandali para lapitan si Simon at hiramin ang maliit at bilog na speaker. Nakasunod lang ang tingin ko sa kaniya, pinanonood ang mayumi niyang paglakad. Sana dumating iyong araw na sasabayan ko siya habang magkahawak ang kamay namin. Ewan ko rin kung bakit. Siguro ito iyong tinatawag na 'Love at first dance.' Tiyanggalang iyan. Hindi ko kailanman naisip na makakaramdam ako ng ganito.

Pagbalik, ikinabit niya ang cell phone sa speaker at nagpatugtog. Naghawak ang kamay namin at sinabayan ang lyrics ng aming paggalaw. Mahina pa rin siyang bumubulong ng bilang para siguruhin na hindi ako malilito. Nakangiti siya sa akin at ganoon din ako sa kaniya. Hindi ko na pansin ang ibang tao. Wala na akong pakialam sa kanila. Nakatutok lang ako sa kaniya na para bang siya lang ang tanging nakikita ko. Sa kaniya ko lang gustong ituon ang buong pansin ko.

"Mag-break na muna kayo!" wika ni Simon.

Nakabusangot akong napapitik sa hangin ng lumayo si Patricia bago sumunod sa kaniya. Habang itinatali niya ang mahaba niyang buhok nang papusod, hindi ko pa rin inihihiwalay ang mata ko sa kaniya. Bawat kilos niya, napakabanayad no'n sa paningin ko. Tiyanggala nga. Ngayon, nararanasan ko na iyong sinasabi kong corny scene sa mga palabas. Bumaling ako kay Simon ng tawagin niya ako.

"Puwede kang makulong." Nangunot ang noo ko dahil sa sinabi niya. "Kanina mo pa ninanakawan ng tingin ang kaibigan ko."

Mediyo nakaramdam ako ng hiya. "Wala ka namang ebidensiya," sabi ko.

"Witness ako."

May nakakita na pala e. Itatanggi ko pa ba?

"May boyfriend na ba siya?" kapagkuwan ay tanong ko.

Naningkit ang mga mata niya. "Study first siya." Hindi na ako nagsalita.

Pagkatapos naming mag-practice, sinadiya kong sumabay kay Simon hanggang sakayan para lang makasama pa si Patricia. Para ngang gusto ko ng sumakay na rin sa jeep na sasakiyan nila e.

"Pupunta ka ulit sa practice namin?" tanong ko kay Patricia.

"Depende kung kailangan pa ako roon," nakangiti niyang sagot.

"Kailangan kita roon—" Inspirasiyon para naman ganahan akong um-attend. "—Alam mo na . . . hindi ko pa rin kasi kabisado iyong steps. . . ."

"Titignan ko."

Dumating ang jeep at kumaway ako sa kaniya habang pasakay siya sa loob. Saka lang ako umalis ng hindi ko na matanaw ang sinakiyan nila. Pagdating sa amin, sinalubong ako nina Buknoy at Buboy sa daan.

"Kain daw tayo manok, libre ni Buboy," ani Buknoy habang nakaakbay sa akin.

"Negative. Na-surrender ko na lahat ng kuwarta kay ermats. Kailangan kasi namin magbayad ng kuryente para hindi maputulan."

"Sagot ko na," sabi ko. Ayaw ko pa rin namang umuwi sa bahay. Hindi ko rin masasabing pagod ako dahil hindi ko naman talaga ramdam na practice iyon. Mas lamang pa nga ang pagiging 'biyaya.'

Papalubog na ang araw kaya marami na ang nagtitinda sa mga gilid-gilid. Fishball, palamig, isaw . . . mamimili ka na lang kung ano ang gusto mo. Dumiretso kami sa cart ng manukan.

"Wilab, baka naman malamog mo iyang manok ni manong. Kanina ka pa halukay nang halukay riyan e," sita ni Buknoy.

"Teka lang naman. Hindi ko makita iyong parte na gusto ko," wika ni Buboy bago binalingan ang tindero. "May pakpak ho kayo?"

"Meron," tugon naman ng tinderong hinahango ang mga nakasalang mula sa kumukulong mantika.

"Sige nga lipad ho kayo." Natigilan kami ni Buknoy at napatitig sa kaniya. Ganoon din iyong tindero. "Ito na pala iyong sa akin." Hindi niya na naisilid sa plastic ang binili at nagmamadaling umalis. "Takte, leeg pala itong nakuha ko!" reklamo niya ng makalayo.

"Buang ka e," tanging nasabi ni Buknoy. "Siya nga, Son. 'Di ba galing ka sa practice? Mukhang hindi ka pagod a. Ano lang ba ang ginawa mo roon?"

"Baka nakaupo lang," si Buboy ang sumagot. "Hindi bale raw na wala siyang ambag at least nandoon ang presensiya niya."

"Mapapagod ka ba kung anghel ang kasayaw mo?" Awtomatikong gumuhit ang malapad na ngiti sa labi ko.

Itinanong nila kung ano ang nangyari sa practice at sinabi ko naman ang lahat. Pati na rin ang tungkol kay Patricia.

"Baka destiny talaga kayo," komento ni Buboy.

"Hindi iyan malabo," gatong naman ni Buknoy. Hindi na ako sumagot. "Oo nga pala . . . Nabalitaan ko na magbubukas daw ang CHED para sa mga incoming college students. Apply ka roon, Son. Bawas din iyon sa gastusin ninyo kung sakali."

"Para lang yata iyon sa mga matatalino e. Tataob din ako roon."

Tinapik ako ni Buknoy sa balikat. "Hindi mo malalaman kung hindi mo susubukan. Isa pa wala namang mawawala sa iyo kung magbabaka-sakali ka."

"Kung gusto mo nga sasamahan ka pa namin," wika naman ni Buboy.

Natawa ako. "Suportadong-suportado ninyo ako a."

"Siyempre. Kahit hindi kami nakapag-aral, kapag nakatapos ka ay parang nakatapos na rin kami," may ngiting sabi ni Buknoy. "Kaibigan ka namin, Son. Para saan pa ang pagkakaibigan natin kung hindi ka namin susuportahan, hindi ba?"

Ngumiti ako. Nasa harap ko na ang mga dahilan. Ang kailangan ko na lang ay magdesisyon at panindigan iyon.

"Sa hirap o ginhawa . . . In sickness and in death . . . palagi tayong magsasama," dagdag ni Buboy. Tumawa kami at nagpalitan ng kantiyaw. 

Kaya Ko Ba?Where stories live. Discover now