"Kuya!" tawag niya sa akin mula sa kuwarto nina mama.

Bago pa ako makalapit, nakalabas na siya bitbit ang kaha ng sigarilyo na may laman pang tatlong stick. Hindi siya nagsasalita. Nakatingin lang siya sa akin. Mayamaya, dumating si mama na bitbit ang isang supot ng tinapay. Bago pa niya maibuka ang bibig ay naunahan na siya ni Janus.

"Akala ko po ba ay matagal na kayong huminto?" Nangunot ang noo ni mama, hindi maunawaan ang sinasabi ng kapatid ko hanggang sa makita niya ang kaha ng sigarilyo. "Nagsinungaling kayo sa amin. Alam niyo naman po na ayaw na ayaw ni papa ang sigarilyo. At kahit kami. Aware naman po kayo sa masamang epekto niyan, hindi ba? Sinisira niyan ang halos lahat ng organs mo sa katawan! Ano po ba ang gusto ninyo, magkasakit kayo? Ipagpapalit niyo ba iyong kalusugan ninyo para lang sa temporary relief o kung ano man?"

Huminga nang malalim si mama bago sumagot, "Pasensiya na. Sinusubukan ko naman pero talaga kasing hinahanap-hanap na ng katawan ko." Hindi kami umimik. "Huwag niyo na sana itong ipaalam sa ama ninyo. Pangako, ito na ang huli."

* * *

Unang practice namin ngayon para sa presentation. Mediyo nakakaasar dahil Sabado't Linggo na nga lang ang libreng araw ko ay kailangan ko pang ilaan iyong una sa pagsasanay. Pagdating ko sa lugar na napag-usapan, nandoon na ang mga kagrupo ko. Nakakita ako ng isang pamilyar pero parang hindi na pigura ng babae na katabi ni Simon. Paglapit ko, lumaki ang mga mata ko dahil sa pagkabigla.

"Uy," sabi ko kay ate na nakita ko sa 7/11. Ano ang ginagawa niya rito?

"Hi," malapad ang ngiti na bati niya.

"Magkakilala kayo?" kunot ang noong sabat ni Simon.

'Yung babae ang sumagot, "Not totally. Nagkita lang kami sa Seven-Eleven isang beses."

Nakasuot siya ng paldang maong na hanggang itaas ng tuhod ang haba, light yellow na polo-shirt na naka-tuck in, at nakalugay ang mahaba, itim at tuwid na buhok. Nagpaalam si Simon para kausapin ang mga itinalaga niyang head ng production kaya kaming dalawa na lang ang naiwan.

"Jackson," pakilala ko at naglahad ng kamay.

Inabot niya naman iyon. "Patricia."

Halos kalahating oras ang lumipas ay hindi pa rin dumating si Alliah. Mediyo aburido na si Simon. At kahit ako siguro kung wala si Patricia sa tabi ko na ang sarap panoorin habang marahang tumatawa sa mga banat ko. Ang gaan niyang kausap . . . Para akong tinatangay papunta sa dreamland. Puwede kaya na pahintuin ko ang oras para hindi na siya umalis sa tabi ko?

"Guys!" malakas na tawag ni Simon dahilan para mabaling sa kaniya ang atensiyon naming lahat. "Nag-text si Alliah! Hindi raw siya makakarating ngayon dahil may emergency sa kanila." Matatawag ko ba iyong suwerte o malas? Depende sa mga susunod na mangyayari. "Para hindi naman masayang ang pagpunta natin, gawin na natin iyong ibang mga kailangan. Jackson, magpaturo ka muna kay Cleo ng sayaw."

Luminga ako, sinusubukang hanapin kung sino iyong tinutukoy niyang 'Cleo' ng magsalita si Patricia. "That's me . . . Cleo Patricia." Marahan siyang tumawa.

Tumango-tango naman ako. Kaya pala siya nandito. "Ang ganda ng pangalan mo . . . Parang ikaw."

Nakatakip ang kalahati ng mukha niyang tumawa. "Thank you."

Iginiya ko siya sa gitna, puwesto kung saan kami puwedeng makita ng lahat. Magpapabida ako. Ang ganda ng kasayaw ko e. Humawak ako sa kaniya at ganoon din siya sa akin. Wala pa kaming music at bilang pa lang ng mga steps ang naririnig ko sa maliit niyang bibig habang patuloy kami sa pag-indayog. Hindi ko maalis ang pagkakapako ng tingin ko sa kaniya. Para siyang magnet na ina-attract ako.

Kaya Ko Ba?Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon