Chapter 15

2 1 0
                                    

HULI

"Pacifico..."

Kumunot ang noo niya habang nakatingin sa akin. "Ano—teka, bakit ka naiyak?"

Umiling ako nang paulit-ulit at pinunasan ang luha. "Wala, wala, m-masaya lang ako para sa inyo ni Hazel."

Hindi siya sumagot pero hinawakan niya ako sa balikat at pilit na pinatingin sa mata niya. Umiwas ako ngunit maingat niya akong hinawakan sa baba at nagtama ang tingin namin.

"Hindi..." mariin siyang pumikit at binitawan ako. "Alam ko ang tingin na 'yan."

"A-anong tingin?"

"Ilang taon kitang tinignan nang ganyan, Luwalhati."

Kusang tumigil ang luha ko at pinanood siyang nakaupo ngayon sa sofa at nakatulala. Alanganin akong naglakad at naupo sa tabi niya.

"Anong ibig mong sabihin, Pacifico?" lumipad ang kamay ko sa braso  niya. "G-gusto mo rin—"

"Dati iyon," pirming sagot niya.

"Dati?"

Umiling siya at yumuko. "Gusto na kita simula pa lang nang tumuntong tayo ng kolehiyo."

Nanlaki ang mata ko at mabilis na napahawak sa dibdib. Dati pa? Tila bumalot sa balat ko ang lamig ng hangin sa bahay. Simula pa ng kolehiyo kami...

Pinagsiklop ko ang kamay ko sa ilong kasabay ng unahang pag-agos ng aking luha. Iyong mga tingin niya, mga panahong siya ang nag-aalaga sa akin kapag may sakit ako, iyong masasama niyang tingin sa manliligaw ko dati, at kahit maraming nagpapapansin sa kanyang babae ay parang ako lang ang nakikita niya. Napatakip ako sa bibig ko noong maala ang sinabi niya na tingin ko dati ay walang kahulugan, pero tumatak at nakaukit pa rin sa utak ko hanggang ngayon.

Pupurihin kita nang walang kapalit, Luwalhati.

"Bakit hindi mo sinabi?" bulong ko sa gitna ng mga hikbi.

"Dahil alam kong wala kang pagtingin sa akin."

"Pero—"

"Hindi ko isusugal ang pagkakaibigan natin para lang sa nararamdaman ko," rinig ko ang malalim niyang paghinga. "Kailan pa?"

"Simula ng naging kayo," bahagya akong natawa. "Hanggang ngayon na ikakasal na kayo."

"Luwalhati..." pumulupot ang kamay niya sa balikat ko at pinasandal sa kanya. "I'm sorry...'wag ka na umiyak."

"Pacifico..." halos hindi na ako makahinga sa lakas ng iyak ko. "Hindi na ba...talaga puwede?"

Ilang segundo siyang hindi sumagot at patuloy lang sa paghahod ng braso ko.

"Hindi natin puwedeng ibalik ang oras."

Walang umimik, tunog ng hikbi at malalim na paghinga lang ang maririnig. Nanatili kami sa gano'ng posisyon hanggang sa nakatulala na lang ako at tuyo na ang luha. Saglit akong pumikit para damdamin ang init ng akap niya, ang mahigpit niyang kapit sa braso ko, at ang malakas ngunit mahinahon na tibok ng puso niya.

Kung puwede na ganito na lang sana...

"Kailangan ko na umalis."

Tila naalerto ang sistema ko nang bigla siyang gumalaw. Umayos ako ng upo at nagpunas ng luha.

"H-Hatid na kita sa gate."

Tumango siya at ngumiti. Sabay kaming naglakad papalabas, magkatabi at nagtatama ang kamay pero parang malayo pa rin sa isa't isa. Binuksan ko ang gate at hinintay siyang lumabas. Nakatingin lang ako sa ibaba.

"Hey."

Nilagay niya sa magkabilang bulsa ng pantalon ang kamay. Nang iangat ko ang ulo ay nagtama ang mata namin. Nagsimula ulit manlabo ang paningin ko pero malinaw pa sa sikat ng buwan ang nakita kong kislap ng kan'yang mata. Akmang hahakbang siya papalapit pero agad din siyang tumigil at bumaling sa ibang direksyon.

"Una na ako."

Nagsimula na siyang maglakad papalayo habang ako ay pinapanood siya. Hanggang sa makaliko siya sa eskinita, hindi na siya lumingon pa.

Pagkasara ko ng gate ay ipinikit ko ang mga mata, iniisip ang mga panahong nasayang dahil lang sa hindi kami sumugal na umamin sa isa't isa.

END

Tingin, LuwalhatiWhere stories live. Discover now