Chapter 14

2 1 0
                                    

IMBITASYON

"Sorry..."

Nginitian ko siya na parang sa isang salita lang na iyon ay nabura na lahat ng panahon na hindi kami nagpansinan. Naupo ulit ako sa buhanginan at tumabi siya sa'kin. Pinapanood namin ngayon ang mga alon.

"Parehas pala tayong naka-white," sabi ko ilang segundo pagkatapos namin maupo.

"'Yon talaga napansin mo?" hindi makapaniwalang sagot niya.

"Nag-sorry na tayong dalawa. Ayos na 'yon."

Hindi siya sumagot pero nakatulala lang siya sa'kin. Hindi tulala, kundi titig. Para bang pinapasadahan niya ng tingin ang bawat parte ng mukha ko. Hanggang sa tinignan niya ako sa mata at ngumiti.

"Bakit ganyan ka maka-tingin?" ramdam ko ang unti-unting pag-init ng pisngi ko.

"Na-realize ko na ang tanga ko para balewalain ka dahil lang nagkaroon ako ng girlfriend."

Girlfriend. Tila may humatak pababa sa puso ko at pilit itong pinipirat. Naisip ko bigla si Hazel na hindi namin kasama ngayon. Huminga ako nang malalim para pakalmahin ang sarili.

"Oo nga, ang tanga mo." Sinubukan kong ngumiti kahit mukha na ata iyong ngiwi.

Mahina siyang tumawa at sabay naming pinanood ang dagat. Binalot kami ng katahimikan pero ito 'yong tahimik na payapa, masarap sa pakiramdam.

Sa oras na 'yon, habang abala siya sa pagtingin sa langit, nakita ko na lang ang sarili ko na pinagmamasdan siya. 'Yong paraan ng pagsayaw ng kanyang buhok sa hangin, 'yong makinis at kayumangging balat, at ang pagbaba niya ng tingin at pamumula ng pisngi kapag nahihiya.

Bakit hindi ko ito pinagtuunan ng pansin dati?

Pagkatapos ng araw na iyon, bumalik sa dati ang pakikitungo namin. Parang walang nangyari. Araw-araw na ulit kami nag-uusap pero kumustahan na lang. Syempre alam kong may iba siyang prayoridad. Naiintindihan ko naman pero may kakaibang lungkot akong nararamdaman tuwing pinapanood ko sila ni Hazel.

Ang saya nila, kuntento sa isa't isa. Ako ang takbuhan ng dalawa kapag may away sila, at gumagaan na ang loob sa akin ni Hazel. Minsan ay lumalabas kaming dalawa para lang gumala o mag-usap. Dumating ang anniversary nila, tumulong ako sa sorpresa. Ilang anniversary pa ang nagdaan, tinutulungan ko sa pagpili ng ibibigay na regalo si Hazel, I would help Pacifico pick dresses for her.

At nandoon lang ako sa isang sulok, pinagmamasdan silang masaya habang sasabog sa pinaghalong saya at kirot ang puso ko. Ilang taon na ang nakalipas, at hindi ako tanga para hindi ma-realize na nahulog ako sa best friend ko.

Akala ko 'yong sakit na nararamdaman ko ay wala lang, pero selos na pala iyon. Ang nagpipigil lang sa akin na umamin ay ang isipin na ayokong makasira ng relasyon.

Napagtanto ko, may meaning ba lahat ng ginagawa ni Pacifico sa akin dati? Kung mayroon at dati ko pa ito naramdaman, kami rin ba ngayon?

Habang hindi ko sinasabi ang nararamdaman, lalo lang itong lumalala. Ang hirap.

Ilang taon ko nang tinatago, at wala akong balak ibunyag iyon. Pero nang may inabot sa akin si Pacifico na ang isang imbitasyon, doon ko napagtanto na huli na nga ang lahat.

Together with
their families

Pacifico Fabrejas
and
Hazel Advincula

Joyfully invite you to join in the celebration of their wedding.

Tingin, LuwalhatiWhere stories live. Discover now